41 » ang hari at ang kaharian

50 3 42
                                    

Hindi ko maintindihan kung bakit ako naglalakad sa isang mahamog na kalye. Kanina lang ay nakahiga ako sa sofa at naghahanap ng butiki sa kisame-sa pagkalawak-lawak ba naman kasi nitong kwarto, wala man lang akong nakita kahit isa.

Ginalaw-galaw ko ang balikat para ayusin ang sukbit na bag. Hindi ko na inalam kung ano ang laman, pero may kabigatan ito at mukhang importante dahil napagtyagaan kong bitbitin kahit nakukuba na ang likod ko.

"Anong gusto n'yong panoorin?"

Magkasabay ang paghawi ng hamog at ang pagliwanag sa paligid ang paglingon ko sa kaliwa kung saan nanggaling ang boses. Hindi agad rumihestro sa utak ko kung bakit kasabay ko si Frankie maglakad-lumingon siya sa 'kin, at tumaas ang dalawang kilay.

"Ikaw, anong gusto mong panoorin?" pabiro niyang ginulo ang buhok ko. Nanatili akong nakatitig sa kan'ya. Magaling din talaga siya magdala sa sarili. Simpleng polo at itim na pantalon, at kahit kahel pa ang kulay ng sukbit nitong bag-ang kisig niyang tingnan.

"May bagong palabas, Kuya, barilan, maganda 'yon!"

Tinagilid ko ang sarili at nasilip ko si Barbara ang nasa kaliwa ni Frankie. Puti at mahaba ang manggas ng suot nitong pantaas, itim na lagpas-tuhod ang palda-at ngayon ko lang napagtanto na pareho ang tabas at kulay ng suot naming damit.

"Ikaw, gusto mo bang 'yon ang panoorin natin?"

Napigil ko ang hininga. Hindi dahil sa alikabok na natangay ng humarurot na sasakyan sa kalsada o sa dumaang manong na umalingasaw ang amoy putok nito sa kilikili-kundi dahil sa pagdapo ng kamay ni Frankie sa balikat ko-at ngumiti siya-at ang sinabi nitong natin. Anong klaseng natin ba 'yan?

"Kuya, gusto ko 'yong may aswang, 'yon na lang!" Dumiretso ang kamay ko sa bibig para takpan ito. Hindi ko alam kung saan ako nabigla, sa pagtawag ko sa kan'yang kuya o sa kawalan niya ng reaksiyon dito. Hinintay kong magalit siya, o sumimangot man lang-pero wala talaga.

"Mukha ka na ngang aswang, 'yan pa rin ang gusto mo?" Nilingon ako ni Barbara at tinaasan ako ng kilay. Kaninang naglalakad lang kami sa kalye, pero ngayon ay nasa loob na kami ng isang gusali.

Nakaharap kami sa dingding na may nakapaskil na malalaking litrato. Isa sa tinitingnan namin ay ang larawan ng isang aswang na naligo sa dugo habang nakalabas ang pangil, at ang katabi nito na litrato ng isang lalaki na may hawak na baril, nakataas ang noo at may babaeng maganda na nakapulupot sa braso nito.

"Kuya, 'yong barilan na lang, mas maganda 'yon!" dagdag ni Barbara.

"Panay habulan lang 'yon, ano naman ang ikinaganda no'n?" Inipit ko ang bibig at hindi ko maintindihan kung bakit ako nakipagsagutan kay Barbara. Ang kadalasan na pumapayag naman ako agad kung ano ang gusto niya, pero ngayon ay nakipagtigasan ako sa kan'ya.

"Hay naku, kalahi mo kasi..." Umismid siya at inikot pa ang mata.

"Ang sabihin mo naiinggit ka..." Tinaas ko ang isang kilay at sinadyang ipakita sa kan'ya ang pagsuklay ko ng buhok gamit ang mga daliri-dahan-dahan mula sa anit hanggang sa dulo na lumagpas sa baywang-kung makaaswang 'to!

"Ayan na naman kayo, tigil na," saway ni Frankie at hinilang bahagya si Barbara paharap sa 'kin. Inismiran ko rin ang hitsura nito na nakatingin sa malayo't nakausli pa ang nguso. "Ganito...bato bato pik na lang para wala nang away."

Nagkatinginan kami ni Barbara-parang nakasanayan na na magkasabay naming pinatong ang kamao sa kabilang palad.

"Bato, bato, pik!" sabay naming sabi.

Nakaisang puntos agad si Barbara sa gunting niya laban sa papel ko. Puntos ko ang pangalawa dahil bato na ang pinalabas ko at gunting pa rin ang sa kan'ya.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now