13 » magtiwala ka

71 4 32
                                    

Tahimik

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Tahimik.

Maalinsangan.

Bakit kaya hindi pa nagsisigaw si Nanay? Maaga pa kaya?

Umalis na kaya si Kuya? Sabi niya kahapon na bibisitahin niya si Tatay bago siya bumalik sa trabaho. Napuntahan na niya kaya?

Bakit nga pala wala rito ang malambot kong unan?

Napabalikwas ako sa kinahihigaan.

'Yong nakatulugan ko na lang habang paulit-ulit na sinasabi sa sarili na sana ay hindi totoo ang lahat.

Pero ito─

Sa loob ng saradong kweba ay nakasilip ang malilit na liwanag sa mga awang ng bato na nakaharang sa bukana. Bagsak sa tuyong lupa ang tulog na si Barbara. Halos naging takip na ng walang saplot niyang katawan ang nanigas na dugo at putik, pati na rin ang mga nagkalat na galos.

Pupunasan ko na sana ang sariwang luha na bumabaybay sa pisngi niya. Pero ayoko siyang magising. Katulad ko, ayokong maalala muna niya ang nangyari. Kahit papano, sana, sa panaginip niya ay buo pa rin sila.

Nalugmok na lang ako sa tabi nito. Hindi pinansin ang nanghahapdi kong sikmura. Tulala. Kahit anong gawin ko ay hindi ko matagpuan ang gana na gumalaw. Kahit siguro may ahas pa rito, hindi ko magawang patakbuhin ang sarili. Hayaan ko na lang itong mangagat.

Tamad kong binaling ang tingin kay Frankie. Nakayuko itong tulog sa patong-patong na bato na tumakip sa bukana ng kweba. Mukhang ito 'yong pinaghahampas niya kagabi.

Kagabi.

Nagsitayuan ang mga balahibo ko nang maalala ang humabol sa 'min. Kusa kong naitakip ang dalawa kong kamay sa mukha. Kahit anong gawin kong pikit ay lalong lumilinaw sa utak ko ang halimaw. Nanumbalik ang pulang-pulang silid. Ang daan-daang kumpol ng matutulis na buhok na bumubulusok sa 'min ni Barbara. Natakpan ko ang tenga dahil nanumbalik ang mga sigaw ng ginang. Paulit-ulit sa tenga.

Nayakap ko ang binti at naisubsob nang husto ang mukha sa tuhod. Kung hindi lang tulog si Barbara ay gusto kong sumiksik sa kanya. Lalong nagsitayuan ang mga balahibo ko na parang nasa paligid lang ang mga halimaw itong mag-isa akong nakaupo.

"Issa, gising ka na." Napaigting ako sa malat na boses ni Frankie. Hindi magkandaugaga na hinarang ko ang sarili kay Barbara. Ang hirap lang dahil may katangkaran ito kaysa sa 'kin, at nakahiga pang pabalagbag.

Hindi ako mapakali nang may lumipad na kamiseta at diretso pang tumama sa mukha ko. Hindi ko alam kung may galit 'to si Frankie sa 'kin e. Mamasa-masa na nga, panay bahid pa ng dugo, at talagang sa mukha ko pa.

"Salamat," ang tangi kong nasabi. Pinagpag ko muna ang damit bago binuklat sa ibabaw ni Barbara. Gumalaw ito nang konti, pero hindi naman nagising.

Bumalik ako sa pagiging tulala. Naipatong ang ulo sa tuhod dahil sa panghihina dala ng lalong pangangasim ng sikmura. Nalipasan pala kami ng hapunan, pati na nga yata agahan, tantsa kong tanghali na dahil sa sobrang alinsangan ng paligid. Hindi talaga pwedeng baliwalain ang tiyan.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now