29 » wala na 'kong damit

15 2 31
                                    

Kawawa naman itong kaibigan ko na si Barbara. Mukhang maling tao ang inalayan niya ng may pagka-maldita niyang atensiyon. Hindi naman pala babae ang gusto ng napupusuan niya--kapwa pala lalaki.

Nasayangan tuloy ako sa pagka-mestizo ni Harold, at ang biloy niya na nakakalaglag panga. Masasabing gwapo naman talaga siya, matangkad, matikas ang tindig--kahit sinong babae ay siguradong tanggal-kaluluwa pag binigyan niya ito ng pilyong ngiti.

Pero mukha naman siyang tuwid. Baka mali lang ang pagkaintindi ni Jack. Baka lumalapit lang si Harold sa kanya ay para ipagbati lang silang dalawa ni Barbara.

Hay. Masakit sa ulo. Akala ko ba mga Anghel dela Guardia ko 'tong mga 'to? Bakit parang ako yata ang magbabantay dito? Hay ulit--

Sinipat ko ang katabi sa higaan--nakabusangot at nakatingin sa kawalan. Naintindihan ko naman kung ayaw niya itong pag-usapan. Kahit naman ako, kinilabutan nang sumagi sa isipan ang dalawang bruskong lalaki na magkahawak kamay, may puso-puso pa at romantikong musika sa paligid.

Umiling-iling ako, winawaksi ang kahindik-hindik na tagpo--hindi kinaya ng utak ko.

Katahimikan na naman, kasabay nito ang pagpasok ng malamig na hangin sa maliit na silid. Sa pagkahiga ay tiningala ko ang bintana na nasa aming ulunan. Pinakiramdaman at nagbabakasakali na sa labas ng bintana, sa mapanglaw na kalsada, may anino na naglalakad pauwi.

Ang tagal naman ni Frankie, sabi niya babalik siya agad.

Sinamahan ko si Jack na tumingin sa kawalan.

Letse lang dahil bumabalik na naman ang tagpong 'yon. Ang pagkawala ng mga ingay sa paligid, ang nakapikit niyang mga mata. Inipit ko ang mga labi dahil parang nararamdaman ko dito ang labi niya…

Tinakip ko sa mukha ang dalawa kong kamay at umiling-iling. Ngayon hindi ko maintindihan ang sarili. Hindi kaya ng sistema ko ang aminin na gusto ko ang pwersa na bumabalik sa'kin sa mga oras na 'yon; ang paghinto nito at ang…

Naramdaman ko na lang ang pag-init ng aking pisngi, hinahabol ko ang hininga--at isang malakas na paghampas ng unan sa aking mukha.

"Nakakarami ka na ha!' inis na sigaw ko kay Jack. Tsaka ko lang napansin na nakaupo na pala siya sa kama.

"Magpahinga ka na, aalis tayo pagdating na pagdating ni Frankie," seryoso nitong sabi. Inaayos din niya sa pagkatali ang kambal ng gulok na laging nakasabit sa baywang niya. 

Kinuha ko ang unan at binato ito sa likod niya. Hindi tumama at nahulog lang ito sa sahig.

"Magpahinga ka na nga, kulit nito!" May inis na dinampot niya ang unan, gumanti at binato ako.

Natawa na lang ako, ang barubal talaga ng mga kilos ni Jack--mapa-anyong tipaklong man o tao, walang pinagkaiba.

Kung tutuusin, mas naging malapit ako sa kanya. Maliban kay Kuya Lab, komportable ako sa likod niya. Siya ang naging takbuhan ko, ang naging kakampi ko--hindi katulad dati, kay Barbara ako lumalapit.

Ngayon, pakiramdam ko na ang layo na ni Barbara. Palayo siya nang palayo sa'kin. Mainitin ang ulo, laging pasigaw pag nagsasalita. Hindi ko na narinig ang tawa niya.

Hindi niya man ako diretsahin, alam ko namang ako ang sinisisi niya sa pagkamatay ng Mamang at Papang niya. Kitang-kita ko naman sa mga kilos niya. 

At ako itong duwag, hindi ko magawang humingi ng tawad. Duwag. Hindi ko kayang harapin ang mga salitang isusumbat niya. Hindi ko matanggap na ako ang dahilan ng pagkamatay nila, at nasaktan ko siya nang sobra.

Miss ko na si Barbara.

Binuga ko ang namumuong bigat sa aking dibdib. Kinurap-kurap ko ang mga mata para pigilan ang sarili na magbuhos ng luha.

Inayos ko ang sarili para magpahinga nang napansin ko ang pagtayo ni Jack. Palipat-lipat ang tingin niya sa apat na sulok ng kwarto--ang kanang kamay niya ay mahigpit na nakahawak sa isang gulok.

Inangat ko ang sarili para umupo, ngunit ang bilis ng pangyayari. 

Bumagsak ako pabalik sa higaan sa malakas na pagkatulak ni Jack sa aking balikat. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon na magtanong, tahasan niyang tinakpan ang bibig ko ng magaspang nitong kamay--napahawak ako rito, hindi ako makahinga.

Narinig ko na lang ang pagbukas ng pinto, may pumatay sa ilaw.

Bumalot ang dilim dahil wala ring sindi ang ilaw sa baba.

Tinanggal din ni Jack ang kamay niya, sa hindi malamang dahilan ay naintindihan ko na ang mahinang pagtapik niya sa aking balikat ay senyales na h'wag akong gumawa ng ingay.

Pinigil ko ang paghinga, tinikom ko na rin ang bibig. Pinilit kong makiisa sa katahimikan.

Muntikan na akong mapasigaw nang lalo akong lumubog sa kama. Ang bigat ng dumagan sa'kin, gumapang  ang makaliskis nitong balat, pumwesto na parang tinatakpan ang buo kong katawan.

Kahit wala akong makita, pero nanunuot sa ilong ko ang pamilyar na pabango ni Barbara.

Kahit na anong mangyari, kailangang mahablot ko ang bag. Kailangang tangay ko ang mga reserbang damit--wala na akong maipahiram sa kanya.

********************

I'm happy natagpuan ko rin ulit ang boses ni Issa 😊

Matapos ma-stretch ang utak ko sa isang physical book, kung alam ko lang, sana dati ko pa ginawa hahaha.

Watcha think of this chapter?

Wag kalimutang pindutin ang bituing walang ningning.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now