35 » wala akong pakialam

33 2 17
                                    

"Noong unang panahon…"

'Yan ang laging panimula ni Tatay noong bata pa kami ni Kuya Lab. Tuwing gabi ay nakahilata kami sa isang kumot na nilatag sa sahig. Nakaupo si Tatay malapit sa'min at sa sumasayaw na ilaw ng lampara ay nakatuon ang atensyon namin sa kanya—nasasabik sa mga kwentong inimbento niya.

"...may isang matsing na nakatira sa malaking puno." Nilakihan ni Tatay ang mata niya at pinakita ang mga kamay na parang mangangalmot. Ako naman itong matakutin ay sumiksik kay Kuya at tinakpan nang husto ang mukha.

"'Tay, ang gulo ni Issa, wala pa nga!"

Imbes magalit ay tumawa lang si Tatay. Maliit pa kami noon ni Kuya na ang kamay ni Tatay ay halos masakop na ang ulo ko habang tinapik ako nito. "Walang aswang sa ikukwento ko, 'Langga."

Tinanggal ko ang pagkatakip ng kamay ko sa mukha at lumayo kay Kuya—sinisipa na ako ng dalawang paa niya sa likod.

"Ang matsing na 'to ay walang ibang ginawa kundi ang manakit ng ibang hayop sa gubat," pagpatuloy ni Tatay habang hinahaplos-haplos niya ang noo ko. "Natutuwa siya kapag nagagalit sa kanya ang mga hayop na binabato niya. Kinakantyawan at pinagtatawanan ng pilyong matsing.

Hindi nakatiis ang malaking puno sa masamang ugali ng matsing. Kaya isang gabi, noong tulog na tulog na ang lahat ay binunot ng puno ang kanyang mga ugat at nagsimula siyang maglakad papunta sa ilog.

Palapit nang palapit, at nang nandon na ay ginalaw niya ang sanga kung saan natutulog ang pilyong unggoy. Ginalaw niya nang ginalaw hanggang nahulog ito sa malalim na tubig. Nagising ang matsing, dahil hindi siya marunong lumangoy ay sumigaw siya. Tulungan n'yo ako! Tulungan n'yo ako!

Pero walang tumulong sa matsing. Pinanood lang siya at pinagtawanan ng mga hayop sa gubat. Hanggang napagod na lang at nalunod ang kawawang unggoy."

"Buti nga sa kanya," sabi ni Kuya na naghihikab na. Nakasimangot ako na nakatingin sa kanya. Hindi ko masabi na naawa ako sa matsing kasi alam kong magagalit siya. Kahit naman masama ang ugali no'n pero nalungkot ako na sa huli ay walang tumulong sa kanya.

"Kayong mga bata, magpakabait kayo lagi. H'wag kayong nang-aaway para walang magagalit sa inyo." Pangaral sa'min ni Tatay.

Kaya kaming dalawa ni Kuya ay lumaking mabait. Ayaw naming matulad do'n sa matsing na hinulog at nalunod sa ilog—takot kaming dalawa dahil pareho kaming hindi marunong lumanggoy.

Pero sa kwento ni Tatay ay parang nabuhay ulit ang matsing at ngayon ay nasa katauhan ni Harold.

Kaligayahan siguro no'n na nakikitang umuusok ang ilong at tainga ko. Pa'no ba naman kasi na nagising na naman ako sa malaking kwarto. Nalaman ko pa kay Juanita na kinarga ako ng lalaking 'yon pabalik sa silid.

Makulimlim pa ang paligid at kakatilaok pa lang ng manok ay nanggagalaiti na naman ako sa galit, nataasan ko na naman ng boses si Juanita. Sino ang nagbigay sa kanya ng karapatan na kargahin ako?

Mamaya pa ang agahan kasama ang Donya, pero napaaga ang pagligo ko—nagbabakasakali na sumingaw ang init ng ulo ko. Pero ayaw mawala, lalo ko lang naiisip ang lintik. Lalong nangangati ang kamay ko at gusto ko siyang sabunutan. Hay. Tatanda ako nang maaga nito.

"Señorita, kung mamarapatin po ninyo, maaari po ba akong magtanong?" Nasa harap na naman kami ng tokador at maingat na sinusuklay ni Juanita ang buhok ko. Hindi ako sanay na may nag-aayos sa'kin pero malaking tulong na rin ang ginagawa niya dahil parang wala ako sa sarili sa lugar na 'to—lagi na lang akong galit. "Hindi n'yo po ba mahal ang Señorito?"

Diyos ko, kung makatanong naman 'tong isa, syempre hindi. Pero hindi ko siya sinagot, tiningnan ko si Juanita sa salamin—tinitirintas niya ang ibang bahagi ng buhok ko—nagtataka kung bakit masyado yata siyang nanghihimasok sa buhay ng amo niya.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now