39 » greg

15 3 12
                                    

"Kumusta ka?"

Kusang umakyat ang mga labi ko sa pahapyaw na pag-amin ni Frankie sa pamamagitan ng tanong niya. Parang may sariling isip ang mga paa ko na iniksian ang espasyo sa pagitan namin. Sa ilalim ng salakot, tiningala ko ang mapupungay niyang mga mata—ang mga bilog nito na kulay ng lupa ay nangungusap—nag-aagaw doon ang galak at kalungkutan.

Umawang ang aking bibig. Sa dami ng gusto kong sabihin ay nagkabuhol-buhol lang ang mga 'to sa dulo ng dila ko—wala akong masimulan, nauudlot lang—sa huli ay nauwi lang sa mga katagang, "Hindi maayos, gusto ko nang umalis dito."

Hindi ko naihanda ang sarili sa paghila niya sa 'kin at kinulong ako sa mahigpit na yakap. Nasubsob ko ang mukha sa dibdib niya—sa sandaling 'yon hinayaan ko ang sarili na maramadaman na ligtas ako sa mga bisig niya na kahit ang malamig na hangin ng dapithapon ay hindi ako kayang abutin.

Sana hindi na matapos ang sandaling ito, pero kumalas din siya agad. Nahawakan ko ang kamay niya na dumapo sa pisngi ko, pero unti-unti rin niya itong binawi—walang pag-aatubili hanggang wala na akong makapitan sa kan'ya. Tumuwid siya sa pagtayo at humarap sa gawing kanan kung saan nagsimulang gumalaw ang bakod.

Parang nakatayo kami sa magkaibang mundo at ang layo namin sa isa't isa kahit nakatalikod lang naman siya sa harap ko. Habang lumalaki ang awang ng bakod ay parang palayo siya nang palayo—hindi na ako binibigyan ng pansin.

Hanggang tuluyan nang naging daanan ang aming harapan. Bumungad sa 'min ang isang humahangos na bantay at diretso itong yumukod sa harap ko.

"Señorita..." Gumagalaw ang pulang tela na nakatakip sa mukha nito sa habol-habol na paghinga—sadya palang nakatago ang mukha ng mga nagroronda sa loob ng laberinto, ang buong akala ko ay pakulo lang ni Frankie. "Nandito lang pala kayo, kailangan na po ninyong bumalik," dagdag nito.

Lumingon si Frankie at diretso ang nagtatanong nitong mata sa bagong dating. "Señorita?"

Parang nahintakutan ang bantay dahil sa paglaki ng mga mata nito. Mabilis niyang nilapitan si Frankie at bigla na lang niya itong tinulak.

"Hindi mo ba alam na ang Señorita'y magiging isang Montecristo? Magbigay galang ka!" Tinigil niya rin ang kakatulak kay Frankie dahil hindi ito natinag kahit nakailang ulit na siya.

Sinagot naman ito ni Frankie ng matalim na tingin—pero nakipagtagisan din ito sa kan'ya at pinanlakihan pa siya ng mata. Bumigat ang hangin sa pagitan ng dalawa at nagsimula na ring kumunot ang noo ng bantay na parang kinikilala na ang kaharap. Papagitna na sana ako bago pa ito tuluyang magduda nang humarap sa 'kin si Frankie.

"Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan, Señorita," malumanay na sambit niya. Nilagay niya sa dibdib ang kaliwang kamay at bahagyang yumuko. "Ako'y baguhan lamang sa aming hanay."

Kapansin-pansin ang palihim na paghinga ng malalim ng bantay na parang nabunutan siya ng tinik. Wala naman sa hitsura ko pero parang hinahalintulad nila ang ugali ko sa mga Montecristo.

"Señorita, kailangan na po ninyong bumalik." Inulit na naman niya ang sinabi na parang kailangan kong sumunod agad. Ano bang problema ng amo nila't parang gusto akong iburo sa kwarto.

"Señorita," singit ni Frankie. Bahagya niyang nilingon ang nagsisimulang gumalaw na bakod. "Nais n'yo bang samahan ko kayo na hanapin ang iyong..."

"Pinsan..." siningit ko agad nang napagtanto kong si Jack ang tinutukoy niya. Nakakaduda na alam niyang kasama ko 'yong mokong—at mukhang nagkuntsabahan pa ang dalawa. "Sasamahan ako nito ni..." Bahagya kong tinaas ang kilay dahil nakalimutan ko 'yong sinabi niyang pangalan kanina.

"Greg..." mabilis niyang dinugtungan ang sinabi ko.

"Sasamahan ako nito ni Greg na hanapin si Jack," diniinan ko ang bawat salita na katulad ng kung pa'no mag-utos si Harold.

"Señorita, kami na po ang maghahanap..."

"Sinusuway mo ba ang utos ko?" Tinaas ko ang noo at tinaliman ang titig kahit labag sa loob ko ang taasan siya ng boses.

"Hindi po, Señorita." Mabilis nitong binaba ang mata sa lupa. Kahit labag sa loob ko ay inismiran ko siya bago naglakad patungo kay Frankie.

"Dito po tayo..." Nilahad ni Frankie ang libreng kamay sa bumubukas nang bakod—masyadong mabilis ang paggalaw nito at mahigit kalahati na ang natakpan sa daanan. Kaya't minabuti ko nang itaas ang saya para takbuhin ang natirang siwang.

Nagulat na lang ako nang damputin ni Frankie ang kamay ko—hinila ako sa maliit na lang na awang ng bakod at eksakto ang pagpasok namin sa kabilang dako bago ito tuluyang nagsara. Hindi ko na inintindi kung nakita no'ng bantay na magkahawak ang kamay namin, magsumbong man siya sa amo niya—bahala na.

"Totoo ba?" Ang bungad na tanong niya nang malayo-layo na kami. Ramdam ko ang mga mata niya na nakatuon sa 'kin habang papalapit kami sa isang sanga-sangang bakod na nagsisimula na ring magbukas.

"Gusto ng Donya na..." Namalayaan ko na lang na nahigpitan ko ang pagkahawak sa kamay niya nang tinugunan niya ito. Matagal akong nakatingala sa kan'ya ni hindi ko madugtungan ang sasabihin dahil gumagapang sa balat ko ang rindi sa nais nilang mangyari. "Sasama ako sa 'yo, Frankie, umalis na tayo rito."

Lumalabo ang pag-asa ko sa paghigpit ng kamay niya, hindi ko man makita sa nakatakip nitong mukha ay naramdaman ko ang pagbigat ng kalooban niya. "Gustuhin ko man pero hindi kita kayang ilabas mag-isa."

Hindi ko napigilan ang sarili na mapayakap sa kan'ya. Naramdaman ko na lang ang paghaplos niya sa buhok ko nang kumapit ako sa tela ng damit niya. "Isama natin si Jack, pwede naman 'yon 'di ba? Kaya n'yo naman 'di ba?"

Gumalaw ang dibdib ni Frankie sa lalim ng paghugot niya ng hininga. Hinigpitan ko ang pagkapit sa magaspang na tela nang natangay ako sa bahagya niyang pag-atras.

"Gagawa ako ng paraan, hintayin mo ako."

"Bakit kasi hindi pwede? Pakiusap, isama mo na 'ko..."

"Issa..." Mainit ang palad niya na sumakop sa kamay ko at dahan-dahang tinatanggal ang mga daliri ko na nakakapit sa damit niya. Mahigpit ngunit maingat niya itong binaba sa tagiliran ko. "Hintayin mo ako, kukunin kita...hintayin mo ako."

Susundan ko pa sana ang pag-atras niya, pero binaba niya ang tingin at natakpan na naman ang mukha niya ng suot na salakot.

"Nandito na po tayo, Señorita," mahina niyang sambit at tuluyan nang nagbukas ang bakod.

Naestatwa ako sa kinatatayuan, nagbabakasakali na magbago pa ang isip niya at hilain ako palabas ng mansyon. Pero hindi rin siya gumalaw, ang tangi ko lang nagawa ay ang sundan ang paglingon niya at hinatid ang tingin ko sa gawi kung saan nakatalikod si Jack ilang metro ang layo sa 'min.

Hinarap kong muli si Frankie. Bumaba ang balikat ko sa mga tingin niya na parang pinagbabawalan akong lumapit.

Kusa na lang umabante ang paa ko patungo kay Jack—tinutulak sa bawat pagtango niya sa tuwing lilingon ako sa kan'ya.

Dahan-dahan kong binuga ang bigat sa dibdib nang abot-kamay ko na si Jack. Sa huling pagkakataon ay lumingon ako kay Frankie, pero wala na siya. Iniwan na naman ako. Ang tanging natira na lang ay ang malungkot na mga dahon at nananaghoy na hangin kung saan siya nakatayo kanina.


************

Ito yata ang pinakamatagal kong natapos sa ganito kaiksi hahaha.

Anyway, watcha think of this chapter?

I am on to the next one, yey!


Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon