34 » jack

31 2 21
                                    

Nagpatiuna na si Juanita nang napansin niyang hindi ako gumalaw sa kinakatayuan. Nanatiling nakaawang ang bibig ko sa harap ng pinto na animo'y bukana ng kadiliman. Nilamon nito ang buong katawan ng kasama ko at ang natira ay ako—natuod sa gitna ng pasilyo, nakikipagtitigan sa karimlan na nakanganga sa harapan ko—nagdadalawang isip din kung kailangan ko rin bang magpalamon dito.

"Señorita…" Natauhan ako sa pagtawag ni Juanita—umalingawngaw ang boses niya na parang nasa loob siya ng kweba. May tunog din na parang may hinihilang gamit sa sahig. Nakahinga ako nang maluwag, kahit papano ay hindi butas na papunta sa kung saan ang likod nitong pinto.

Isinantabi ko na ang pagdududa, isinalang ko na ang isa kong paa. Sa mismong pag-apak ko ay mabilis na sumugod ang dilim—parang kumot na may sariling buhay, binalot ako nito—piniringan ang mata.

Dahil sa bilis ng pangyayari ay kusang pumasok ang isa ko pang paa—hindi na ako nabigyan ng oras para umatras.

Sa sandaling nagtabi na ang dalawa ay mabilis din na nagsiatrasan ang kadiliman—para itong hinigop paakyat. Kung gaano ito kabilis na sumakop kanina ay gano'n din itong nawala. Naiwan na naman ako na nakatayo sa isang lugar.

Isang lugar na ang bubong ay ang itim na kalangitan. Tahimik na kumikislap ang mangilan-ngilang butuin na nakapalibot sa natutulog na buwan.

Nakatungtong ang itim kong sapatos sa sahig na gawa sa kahoy—kwadrado ito—madulas na parang ilang ulit itong pinasadahan ng bunot. Pero ang mga gilid nito ay napalibutan ng mga punong kahoy. May mga nakausling matatabang ugat at ang iba ay pumatong na dito. Parang may nakaisip lang na maglatag ng sahig sa gitna ng gubat, at naisip din nito na gawin itong pahingahan.

Hindi na ako nag-atubili pa na lapitan ang dalawang kama na ilang hakbang lang ang layo sa harap ko. Bumibigat ang mga paa ko habang onti-onti kong naaaninag ang nakatagilid sa kanan na higaan—kinumutan siya ng puting tela pero nakalantad ang buong likuran. Bumibigat ang pisngi ko nang naabot na ng paningin ko ang kalunos-lunos na hitsura ng likod ni Barbara.

Umikot ako sa kinahihigaan niya at doon lumantad ang mga sariwang sugat, latay, at bugbog niya sa katawan. Halos wala nang espasyo ang likod—puro na lang hiwa at pasa.

"Barbara…" Hindi ko na napigilan ang mga luha na nag-uunahang kumawala sa mata ko. Hindi ko mapigil ang panginginig ng kamay habang dinadama ang mainit na lapnos sa balat niya. Barbara..anong ginawa nila sa'yo?

Umikot ako sa harapan at maingat na naupo sa silya na inayos ni Juanita.

Kinuha ko ang kamay ni Barbara—ikinulong ko ito sa dalawa kong kamay at dinikit sa mukha. Mahimbing ang tulog niya, pero nakakunot ang noo dahil sa iniindang sakit. Napipisil ko ang kamay niya sa bawat malalalim niya na paghinga, nagbabakasakali na mabawasan man lang ang paghihirap na nararamdaman niya.

Sino ba ang may kagagawan nito? Bakit parang nilatigo si Barbara? 

Gumagalaw ang dibdib ko sa mabigat ko na paghinga. Nananalaytay ang maraming luha sa pisngi ko at nagsibagsakan sa puting kombre-kama. Walang mapaglagyan ang galit ko sa gumawa nito sa kanya—walang awa.

Lalo kong nadikit ang mga kamay namin sa mukha—hinayaan na lunurin ng mga huni ng kuliglig ang poot na umuugong sa buo kong katauhan.

"I-issa…" Napaupo ako nang tuwid sa tumawag sa'kin. Maingat kong binaba ang kamay ni Barbara at hinila ang upuan sa kabilang kama.

"Jack, anong nangyari sa inyo?" Katulad ni Barbara na nakatagilid din siya sa pagkahiga, natakpan ang katawan ng puting tela at nakalantad din ang likod. Lalo akong nanlumo dahil sa dami ng tama niya sa mukha—putok ang mga labi at mata—halos hindi ko na mamukhaan si Jack.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now