44.1 » unang salvo

24 2 17
                                    

A/N: Inedit ko ang chapter 42 at dinagdag ko doon si Frankie. Inaway ako eh. Hayz.

Okay, here goes nothing.

************

— kasalukuyan —

Tinawid ko ang kalsada at dumiretso sa isang maliit na eskinita na namataan ko sa malayo pa lang.

Nagsisisi na ako kung bakit itong may mabukadkad na saya ang sinuot ko. Nagkapunit-punit ang mga borda at laso nang sapilitan ko 'tong hinila para matanggal ang pagkasabit nito sa patong-patong na palleta na nabunggo ko sa daan.

Inapak-apakan ko pa ang tabla para maihiwalay sa damit, pero naubusan lang ako ng oras at pasensiya. Mas lalo lang gumawa ng ingay at kung tatagal ay baka may makarinig pa sa 'kin.

Wala akong ibang nagawa kundi tastasin ang unang patong ng saya kung saan nakadekorasyon ang mga borda. Hindi bale na itong manipis na pangalawang patong ang maiwan, kaysa naman maabutan pa nila ako rito.

Nilibing ko muna sa ilalim ng mga kalat ang tela bago ko sinuong ulit ang makipot na daan.

Panay ang lingon ko sa likod—hindi pa rin mawala ang pangingilo sa braso ko na parang may mga mata sa matatangkad na dingding ng kabahayan at nakamasid ito sa 'kin. Kahit ang mga bintanang nakasara na nabalot ng mga alikabok at agiw, parang may mga nakadungaw sa likod nito.

Bumilis ang mga hakbang ko. Lakad-takbo habang nakikipagpatintero sa mga nakausling pako, bubog at iba pang kalat sa daan. Hindi ko na matagalan ang manatili rito, naaalala ko lang ang mansyon—masikip, limitado ang lahat ng kilos.

Mas binilisan ko nang may namataan akong nakabukas na pinto sa isang bahay na nasa kaliwang parte ng eskinita. Sigurado namang magtatanong-tanong ang mga maghahanap sa 'kin, baka pag may nakakita sa 'kin ay isuplong ako.

Pinasadahan ko pa 'to nang tingin bago ito nilagpasan. Parang nabunutan ako ng tinik nang makitang madilim na silid lang at mukhang wala namang tao.

Nabunutan ako ng isa pang tinik nang may nakikita na akong liwanag sa may 'di kalayuan. Naaninag ko na ang dulo nitong eskinita at ang kalsada roon na mukhang alegre sa dami ng dumadaang tao.

Binagalan ko ang mga hakbang at pinagpagan ang mga dumi at alikabok na dumikit sa dilaw kong bestida. Kung gusto kong makalabas na hindi pansinin ay kailangan kong ayusin ang sarili.

Ilang hakbang na lang nang may naramdaman akong mainit sa anit. Kusang dumapo ang kamay ko roon at nakapa ang maliliit na hugis bituin ng pang-ipit na nakasabit pa sa buhok.

Napatigil ako sa paglalakad, hinahabol ang hininga at mabilis na nilingon ang likuran.

Letse kasi, bakit nakalimutan ko na nakadikit pa sa buhok ko ang karet ni Harold. Dali-dali kong hinatak ang pang-ipit, pero walang nangyari—nasabunutan ko lang ang sarili dahil sa sobrang kapit nito sa buhok.

Bumigat ang mga paa ko, hindi ko alam kung aatras o tutuloy sa nanghihikayat na kalsada sa harapan. Lalo akong nataranta nang uminit lalo ang nakadikit sa anit at sa buhok ko, kasabay nito ang pagsulpot ng isang anino sa bungad ng eskinita. Palaki ito nang palaki hanggang bumungad sa harap ko ang may ari nito—si Harold.

"Issa…halika na."

Natanga ako at hindi nakapagsalita sa kakapalan ng mukha niya. Hindi na siya nahiya na ginamit niya ang kan'yang karet para matunton ako, tapos ngayon ay nakalahad pa ang kamay niya sa harapan ko na parang walang nangyari.

"Pwede bang tantanan mo na 'ko, Harold! Ayoko na!" inis kong binagsak ang bawat salita.

Parang walang epekto sa kan'ya dahil paisa-isa siyang humahakbang palapit. Nanatili ang kamay niya sa harapan habang gumagalaw ang mga hibla ng buhok niya na parang humahaba ito nang humahaba.

"Hindi na tayo babalik sa mansyon, alam kong ayaw mo na roon. Isabelle, hahanap ako ng lugar kung saan ligtas ka...sumama ka lang sa 'kin. Pakiusap, sumama ka sa 'kin, nanganganib ang buhay mo rito."

Paatras nang paatras ang mga paa ko. Lumagpas na sa baywang ang haba ng buhok niya—paitim nang paitim at pakapal ito nang pakapal na tila nagmumukha na itong gumagalaw na likido.

"Mas nararamdaman kong ligtas sa tabi ni Frankie. Kaya mo ba akong dalhin sa kan'ya?" tahasan kong tanong. Hindi ko gustong manakit ng damdamin, pero ito lang ang naisip kong paraan para tumigil na siya sa kahibangan niya.

"Ligtas? Ligtas?" namaos at nandilim ang mukha ni Harold habang pabagsak na sumayad na sa lupa ang paghaba ng buhok niya. Parang kasingbigat ng bakal ang mga 'to dahil bahagyang nabitak ang paligid kung saan siya nakatayo. "Matatawag mo bang ligtas sa taong hinayaan kang lumabas mag-isa? Alam na alam niyang marami ang Neri sa labas ng mansyon. Nilalagay ang buhay mo sa peligro. At pinipili mo pa siya, Isabelle?"

"Na-nandito na raw si Kuya Lab. Hahanapin ako no'n…" depensa ko. Matalas ang pang-amoy no'n ni Kuya, sigurado naman ako na mabilis niya akong matunton—at isa pang hindi pa 'yon nagkamali ng mga desisyon si Frankie.

"Puwes, nasaan ngayon ang pinagmamalaki mong kuya? Nasaan?" pangungutya ni Harold, nakadipa pa ang dalawang kamay niya habang luminga-linga sa paligid. Binalik niya sa 'kin ang atensiyon at nakaigting ang panga nito habang naglalakad papalapit. "Hindi mo ba alam na sa mga oras na ito ay pinagpiyestahan na ang memoria na umalingasaw at sumabay sa hangin sa bawat paghinga mo? Hindi magtatagal ay gagalaw ang mga Neri at susundan ang pinagmulan ng amoy. Alam mo naman siguro kung ano ka sa kanila, hindi ba? Alam mo naman siguro ang sitwasyon na kinalalagyan mo, Isabelle, hindi ba?" Umangat ang buhok niya sa lupa at parang mga ahas itong gumalaw sa ere patungo sa kinaroroonan ko. "Kaya't huwag ka nang magmatigas at sumama ka na sa 'kin!"

Kung hindi ko pa dinamihan ang pag-atras ay naabot na ng buhok niya ang braso ko. Ilang segundo akong hindi nakapagsalita sa pagkabigla sa pagsigaw niya sa 'kin.

Kumurap-kurap si Harold. Mula sa nanlaki nitong mga mata ay unti-unti itong lumambot habang nakatigil sa ere ang mga hibla ng buhok niya.

"P-atawad. Hindi ko sinasadyang sigawan ka. Nais ko lamang na mailayo ka sa kapahamakan." dali-dali niyang sabi habang pilit nitong iniksian ang agwat namin.

Kusa akong napatalon paatras at naiwasan ang biglang paggalaw ng buhok ni Harold na akma akong ikulong nito sa gitna. Sa kakaatras ko ay napasandal ako sa dingding, at nakapa ang awang ng nakabukas na pinto na nadaanan ko kanina.

Biglang tumigil si Harold. May banta ang tingin niya pero may halong takot sa malalalim niyang mga mata. Tuwid nitong nilahad ang kanang kamay at malapad niyang binuksan ang palad sa harap ko.

"Isabelle! Kunin mo ang kamay ko!" pagaw ang boses niya sa galit. Lalo niya pang nilapit ang kamay nang pinasok ko ang isang paa sa loob ng pinto. "Pakiusap...halika na, aalis tayo. Lalayo tayo rito."

"Pwede? Lubayan mo na 'ko!"

Magkasabay ang paggalaw ng mga buhok ni Harold na parang mga galamay ng pugita at ang pagpasok ko at pabagsak na sinara ang pinto.

Garalgal ang boses sa mga sigaw ni Harold habang tinatawag ang pangalan ko. Napapaigting ako sa bawat pagkalabog ng pinto.

Hindi ko na inalam kung saang materyales iyon gawa. Laking pasasalamat ko na lang at hindi ito nawasak agad. Nagkaro'n ng pagkakataon ang mga mata ko na umayon sa dilim at binaybay ang bala-balandrang lamesa na nagkalat sa loob ng silid.

************

Maiksi itong chapter kasi mahaba 'to. Hahaha, magulo ba? Basta mahaba 'to.

I wish myself good luck sa pangalawang salvo. Talamat sa pagbabasa ❤❤❤

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now