48 » ang dulo ng simula

22 2 21
                                    

Lumabas na sina Frankie at Kuya at naiwan akong mag-isa--nakulong sa gitna ng mga hiyawan at mga lagatak sa hangin.

Laging nahahagip ng pandinig ko ang boses ni Frankie, paminsan-minsan ay ang boses ni Barbara. Ibig sabihin ay malapit lang sila--hindi sila lumalayo sa kinaroroonan ko.

Napatingala ako nang gumalaw ang tipak ng bato na hinarang nila sa siwang kanina. Hinanda ko na ang sarili dahil baka si Kuya na. Mabilisan daw. Dapat lumabas agad sa isang senyas lang.

Natigilan ako. Habang umuusog ang bato ay nakarinig ako na magaspang na angil at minsanang pagsinghot na parang nakatatangay ng tao.

Nanigas ang katawan ko nang makitang sugat-sugat na daliri ang nakahawak sa bato--dalawang pares ng kamay ang nakakapit doon at may pumasok na ulo na ang tingin ay diretso sa 'kin.

"A-te…"

Napaatras ako sa sulok at inilagan ang mga kamay nila na gadangkal na lang ang pagitan at maaabutan na nila ako.

Isusugal ko na sana ang pagsigaw nang nahawi ang dalawang lalaki na nagpumilit na pumasok sa butas. Narinig ko na lang ang paulit-ulit na pagbagsak nito sa lupa at ang mahinang daing sa dulo.

May papalapit na pigura, palaki ito nang palaki hanggang naharangan na nito ang kabuuan ng butas.

"Issa, halika na!"

Hindi ako gumalaw nang mukha ni Harold ang sumilip sa awang. Pinasok pa nito ang kamay sa butas at ginagalaw-galaw habang nilalapit nang husto sa 'kin.

"Bilis, halika na!"

Malakas na palo ang inabot ng kamay niya bago ako sumiksik sa sulok. Hinanda ko na rin ang ngipin at makakatikim talaga siya pag nagpumilit pa.

Narinig ko na lang ang lumalakas na lagapak sa hangin, bahagyang pagyanig sa lupa, at pagsambit ni Frankie sa pangalan nito.

"Tabi…"

Nakita ko na lang ang paglingon ni Harold sa kanan. Tumigas ang mukha nito bago tumayo at tumabi.

"Issa," tawag ni Frankie at pinasok niya ang isang kamay sa butas.

Tinanggap ko 'yon kahit sabi ni Kuya na siya ang kukuha sa 'kin. Hinila ako ni Frankie palabas at diretsong tinawag si Barbara.

"Bilis, bilis!" sigaw ni Kuya sa unahan. Lumundag siya pababa galing sa mataas na bato at nagpatiunang tumakbo.

Kahit hindi ko nakikita ay alam kung nasa harapan ko na si Barbara at nasa hunyango nitong anyo. Wala na akong sinayang na oras at sumakay sa likod niya nang lumalakas at dumadalas ang pagyanig sa lupa.

Parang eroplano na walang bubong ang takbo ni Barbara. Mahapdi sa balat ang hagibis ng hangin at ilang beses na akong muntik matilapon sa biglaan nitong pagtigil o pagliko.

Palaging nauuna si Frankie,  hinahawi ang mga nakaharang sa daan gamit ang itim na batuta na dating sandata niya.

Ngayon ko lang nalaman na likas sa kanila na nakatago ang karet sa loob ng katawan. Sa kan'ya'y nakadikit sa likod, parang buhay na likido itong gumalaw, naipon at nabuo bilang isang sandata.

Bumuka na naman ang buhok ni Harold at nakulong do'n ang mga matang paniki na nakasunod sa 'min ni Barbara. Siya ang nakaalalay sa likod at gilid habang si  Jack ay sumusulpot lang sa tuwing sumisipol si Harold.

"Tangina, tigilan mo na 'yang kakasipol. Gago!" bulyaw ni Jack matapos nitong bumagsak sa gilid namin ni Barbara. Tinatanggal niya ang isang nilalang na mukhang talangka na nakatusok sa isa nitong gulok. Inapakan niya sa lupa ang galamay nito habang binubunot ang patalim.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now