9 » sa bahay na bato

85 12 104
                                    

Ang haba na ng nilakad namin ni Frankie

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Ang haba na ng nilakad namin ni Frankie.

Ang kanina na diretso lang ang kalsada, ngayon ay pakurba-kurba na. Minsan kumurba sa gilid ng burol, sa itaas ng burol, kulang na lang ay sa ilalim ng burol.

Bukod sa mga kinopyang kalamansi na nagkalat sa paligid, may paminsan-minsan ding mee-he-he-hee ng mga kambing na nanginginain sa damuhan. Buti nga at mukhang hindi naman sila kinopya. Bako-bako ang sungay no'ng isa na ang sama nang tingin sa 'kin. Pero mas marami ang batang kambing at masyadong aligaga. Naghahabulan minsan sa kalsada.

At higit sa lahat, namumula at tostado-tostado na ang braso ko. Konting-konti na lang e magkakulay na kami nitong kasama ko.

Walang patawad ang sikat ng araw e. 'Yong ininom ko kaninang tubig ay mukhang naging pawis na. At itong pawis ay gusto ko nang ipahid sa nanghahapdi kong braso. Hindi sapat ang pananatili ni Frankie sa kanan kung saan nasisilungan ako ng anino niya.

Ilang libong burol pa ba kasi ang dadaanan namin bago makarating kina Barbara? Ang layo naman yata?

"Frankie, malapit na ba tayo?" Hindi ko mapigilang magtanong matapos umupo sa tabi ng daan. Bukod sa masakit na ang mga buol ko sa paa, tuyong-tuyo na talaga ang lalamunan ko. Makahingi man lang ng tubig kina Barbara.

"Malapit na." Pinatayo niya sa kalsada ang kanina niya pang sukbit na batuta. Pinanatili niya rin na nasa lilim ako ng anino niya.

"Sigurado ka ba? Kanina pa tayo naglalakad e."

"Pahinga ka muna." Hindi siya gumalaw habang inaalipusta kami ng maalinsangan na hangin.

Hindi na rin ako nagreklamo, ayos na 'to. May guwardiya na nga, may libreng payong pa.

Kung tutuusin nga, hindi pa ako nakapunta sa lugar na 'to. Ang alam ko lang ay 'yong sa bahay namin, kina Jack, at kina Aling Maria. Napapaisip tuloy ako kung bakit ni minsan ay hindi pa ako nakapunta sa bayan o sa palengke man lang. Sabi ni Kuya na malapit lang daw 'yon. Pati si Tatay na do'n nagtatrabaho. Maganda raw do'n, maraming pasyalan. Napapaisip tuloy ako, bakit nga ba?

Minsan nga ay yayayain ko sina Frankie, at Barbara na mamasyal. Siguradong nakapunta na sila dahil do'n nila sinundo si Lydia. Masaya sigurong mamasyal sa bayan kasama sila.

"Tara na!" Magiliw akong tumayo, natuwa sa naisip kong plano. Tumango lang si Frankie at binalagbag ulit ang batuta sa likod ng balikat niya.

"Dito tayo," sabi niya habang tumatawid sa kabila. Pumalakpak ang tenga ko dahil mukhang malapit na nga. Makikita ko na kung saan nakatira si Barbara. Maipakita niya na rin sa 'kin ang pinagmamalaki nitong koleksyon ng magagandang bato. Medyo kaduda-duda, ano pa ba kasi ang igaganda sa isang bato?

"Dito."

Lumakad ulit si Frankie sa nakadikit na kalsada na nakalatag pababa ng burol. Espaltado pa rin, pero mas maliit na─pang-isang tao lang.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now