31.1 » mansyon montecristo

19 2 18
                                    

Kumikirot.

Tanging ang mga ungol lang na lumalabas sa bibig ko ang nagbigay ng panandaliang lunas sa pumipintig na sakit sa ulo.

Kusang dumapo ang mga daliri ko sa noo, hihilutin ko na sana nang may nakapa akong magaspang na tela na nakapalibot dito—may nanunuot na amoy ng rosas na galing sa kamay ko?

Kusang dumilat ang mga mata ko at sinalubong ito ng matinding liwanag. Kahit bumalik sa pagkapikit ang mata ko ay kusang lumipad ang braso ko para takpan ang mga 'to sa biglaan kong pagkasilaw.

Ilang sandali ang lumipas, inalis ko na ang braso at onti-onting dumilat—sinalubong ang mga mata ko ng napakataas na kisame. Malinis, puting-puti, at sa gitna ay may nakasabit na kristal na aranya.

Nasa'n ako?

Ginawa kong pantukod ang mga siko para makaupo nang lumubog ang katawan ko sa puting kama. Kinakain nito ang kamay ko sa tuwing naglalagay ako ng malakas na pwersa para itayo ang sarili—do'n din sumabay at nagsilabasan ang pananakit sa buo kong katawan. Doon ko rin nakita kung pa'no nawarak ang kariton na sinakyan namin kagabi, kung pa'no kami bumagsak sa kalsada. Ngayon ko lang naalala ang kamay ni Jack na nakasapo sa ulo ko, pero dahil sa sobrang lakas ng pagbagsak namin ay hindi 'yon naging sapat at nabagok pa rin 'to.

Nagawa kong maupo sa gilid ng higaan. Umimpit nang dumaloy ang sakit sa kanang bahagi ng tagiliran ko. Dahil sa nanunuot na kirot ay naapektuhan ang paghinga ko—naging mabigat at mabagal. Pilit kong inaalala kung may tumama o may nangyari para magkaron ito ng ganito kasakit, pero nadadagdagan lang ang pumipintig na kirot sa ulo.

Hinaplos-haplos ko ang bahaging baywang, titingnan ko na sana ang kalagayan nito nang mapansin ko ang manggas ng damit na suot ko.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig, hindi ito ang damit ko.

May pag-aalangan ang mga daliri ko na sinalat ang tela na hanggang pulso ang haba—seda—manipis pero malambot. Sinuri ko ang kabuuhan nito, lagpas-tuhod na bestida, at kahit wala itong disenyo ay mukha itong mamahalin. Sinong nagbihis sa'kin?

Nasapo ko ang ulo, ayoko na sanang mag-isip dahil para na itong pinupukpok ng martilyo. Pero hindi ko maiwasan ang mag-alala, hindi ko matanggal ang katanungan na nagpupumilit sumiksik. Nasa'n ba kayo, Jack?

Ako lang mag-isa rito at mukhang wala namang mapagkunan ng sagot, siguro ako na lang ang maghahanap nito. Sinimulan ko sa harapan at natuon ang mata ko sa balkonahe na ilang hakbang lang ang layo sa kama. May mga paso sa gilid nito at bawat isa ay may hawak na malalagong bougainvilla. Sa likod naman ay nakangiti ang bughaw na langit kasama ang mga makakapal at mala-bulak na ulap.

Kumurba ang mga labi ko pababa. Maaliwalas ang tanawin pero wala itong kwenta. Lungkot ang pumalit sa kaba na kanina ko pa iniinda. Kahit anong ganda kung hindi ko naman sila kasama, walang kakwenta-kwenta.

"Kumusta ang tulog mo?" Lumukso ang pwet ko sa higaan sa nagsalita sa likuran. Maayos naman ang pandinig ko pero bakit hindi ko narinig na nagbukas ang pinto? Nagbukas ba talaga? O tumagos ba siya sa dingding, o bigla na lang niluwa ng marmol na sahig? O hindi ko lang ba napansin na kanina pa siya rito sa loob?

"Kumusta ang tulog mo?" tanong niya ulit, at kahit hindi ko pa nakikita, sa hindi malamang dahilan ay laking pasasalamat ko na 'yon ay ang pamilyar na boses ni Harold.

"Sina Barbara...nasaan?" Lumingon ako at ibang Harold yata 'tong naglalakad palapit sa'kin.

Noong unang kita ko sa kanya ay naka-kamiseta siya—katulad nina Frankie, at Jack, para silang naka-uniporme. Pero...

Ito ngayon ay nakasuot ng puting polo. May itim na kurbata at tuwid na tuwid ang itim na pantalon sa likod ng magarang sinturon—disente tingnan.

Kung tutuusin ay nand'yan naman ang biloy niya. Lumitaw ito nang inipit niya ang mga labi habang tinutupi ang mahabang manggas ng polo.

Pareho din ang tangos ng ilong at ang nakakainggit na mala-labanos na kutis.

Pero...nakakabahala ang buhok niya.

No'ng una kong kita kay Harold ay manipis at tuwid ang itim nitong buhok—kung tatanggalin ito sa pagkapuyos ay kasinghaba ito ng buhok ko—lagpas-baywang.

Kagabi ko lang nalaman na 'yon ang karet niya. Nagawa nitong ipagbikis kami ni Jack sa ire at ginawa rin itong panangga sa umuulang pana. Pero itong nakatayo sa harap ko, hanggang balikat lang ang magulo at alon-alon na buhok.

Kahit sa maiksing panahon na napalibutan ako ng mga karet ay nararamdaman ko ang kakaiba nilang enerhiya—isang katangian na lumalabas lang pag nanumbalik ang alaala ng tungkulin nila.

Pero itong kaharap ko, hindi ko ito maramdaman sa kanya.

"Kumusta ang pakiram..."

"Sino ka?" Kasabay ang pag-upo niya sa kama ay ang pagtayo ko para ilayo ang sarili. Pero 'yon lang ang nagawa ko dahil inuusig na ako ng bugbog kong katawan—napahawak ako sa higaan para hindi tuluyang matumba.

Umakyat ang pares ng kilay niya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. "Hindi mo na ako kilala, Isabelle?"

Natigilan ako—alam niya ang pangalan ko. Pero hindi ko makumpirma kung siya nga talaga si Harold. Kahit na anong gawin kong pagwaksi sa dumaloy na hangin mula sa veranda, ang pagwaksi sa mga huni ng naglalarong mga ibon—kahit anong gawin ko para maging manhid sa kapaligiran at nakatuon lamang sa kanya—hindi ko pa rin maramdaman ang karet niya.

Tumayo siya nang hindi pa rin ako gumalaw. Sinundan ko nang tingin ang kamay niya na lumalapit sa'kin. "Hindi naman gano'n kalala ang..."

Hindi na niya natapos ang sinabi nang kusang gumalaw ang kamay ko—hinawi nito palayo ang kamay niya nang akma itong dumapo sa ulo ko.

Parehong nanlaki ang mga mata namin. Ang sa'kin ay dahil sa gulat sa nagawa ko—para bang sa isang iglap ay nagkaro'n ng sariling isip ang kamay ko at nagawa itong itaboy siya. Sa kabilang banda ay inuusig ako ng konsensiya—nasaktan ko yata siya kahit wala naman akong maramdamang banta sa mga kilos niya.

Pero siya, mula sa pagkagulat ay siningkit niya ang mga mata. Naging maliit na siwang na lang at doon nakasilip ang dalawang bilog na sumasalamin ng walang hanggang karimlan. Ngumisi siya na para bang natuwa pa sa nagawa ko.

"Nabanggit mo si Barbara kanina, imposibleng nakalimutan mo ako." Hindi niya inalis ang tingin at ang kamay na ginamit ko kanina—hinawakan niya ang pulso—nakuyom ko ang kamao habang binabawi ko 'to sa kanya. "Sa tingin mo...kung hahalikan ba kita, maaalala mo?"

Lalong nanuot ang pananakit ko sa katawan sa paghila ko sa kamay sa kagustuhang makawala sa kanya. Hindi na makalabas sa bibig ko ang hininga nang hinihigpitan niya pa lalo ang pagkahawak sa bawat pagpupumiglas ko. "Kung hahalikan kita ngayon, makikita mo ba ang memoria na hawak ko?"


************


Sobrang haba kaya hinati ko na lang. Natapos din sa wakas.

Watcha think of this chapter?

Wag mahiyang mag-comment, at wag kalimutang pindutin ang bituing walang ningning.


Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon