51 » ang liwanag sa loob garapon

4 0 0
                                    

"Nandito ka lang pala," narinig kong sabi ni Kuya sa may likuran. Bumaba na pala ang araw sa likod ng burol, kaya siguro inutusan na siya ni Nanay na sunduin ako. "Hinihintay mo na naman ba si Tatay?"

Hindi na ako sumagot. Alam na niya agad na inaabangan ko si Tatay kapag nakatambay ako rito sa dulo ng bangin. Kaarawan ko na naman kasi bukas.

Ilang kaarawan ding pumalya si Tatay sa pag-uwi, pero baka ngayon ay hindi na. Baka maya-maya ay makikita ko na siyang papalapit sa may hagdan ng bangin, tapos titingala siya at kakaway sa 'kin. Isusukbit niya muna sa likod ang malaking bag na lagi niyang dala pauwi bago siya aakyat sa hagdan. Marami ulit siyang dalang pasalubong--maraming tsokolate. Dapat hati na kami no'n ni Kuya.

"Tara na, magdidilim na."

Marami pang sinabi si Kuya pero hindi ko na masyadong narinig. Napaupo ako nang tuwid nang may namataan akong gumagalaw na anino sa baba malapit sa hagdanan. Tumalon pa ang puso ko dahil kasinghugis 'yon no'ng malapad na balikat ni Tatay.

Pero wala rin. Anino lang pala ng bato na bahagyang gumalaw dahil sa dumaang ilaw. Akala ko talaga siya na, malikmata ko lang pala.

"Tara na!" pag-uulit ni Kuya. Napalingon na ako sa kan'ya nang pinatong niya sa balikat ko ang pantaas nitong paa.

"Pag nagtatrabaho ka na do'n, Kuya, hindi ka na rin ba uuwi?"

"S'yempre uuwi!" mabilis nitong sagot. "Bakit mo naman naisip na hindi ako uuwi?" Nangunot ang noo niya at binatukan pa ako.

"Aray! Nagtatanong lang e..." reklamo ko habang hinahaplos ang gilid ng ulo.

"S'yempre uuwi." Inuulit niya talaga ang mga sinasabi niya. Lumipat siya sa tabi ko at umiikot-ikot muna bago umupo sa damuhan. "Malayo man 'yon, pero lagi akong uuwi." Umakbay si Kuya, bahagya niya akong hinila at napasandal ako sa kan'ya. "Pangako, lagi akong uuwi. Lagi akong nandito para sa 'yo."

"Issa, saglit!"

Lalo kong binilisan ang pagtakbo. Bawat pagtawag ni Kuya ay lumalakas lang ang boses niya sa may likuran. Gumapang sa 'kin ang inis dahil alam ko namang lugi ako sa bilis niyang tumakbo--apat ang paa niya, dalawa lang sa 'kin.

Ganunpaman ay sinikap ko pa ring makalayo. Kahit wala namang patutunguhan dito sa malawak na espasyo--kahit saan ko idako ang paningin ay sinasalubong lang ako ng itim at walang hanggang kapatagan.

Ano pa ba kasi ang pag-uusapan namin?

Pare-pareho lang naman sila. Issa na lang ang tingin nila sa 'kin. Isang bagay. Bagay na binibitbit na lang, magawa lang ang kanilang tungkulin.

Sa kakatakbo ay may namataan akong kumikinang sa unahan. Malamlam na liwanag, pero nakakaakit ang pag-iba-iba nito ng kulay.

Pumihit ako sa kanan patungo sa kinaroroonan ng nito--parang tinatawag ako.

Sa tingin ko ay do'n din nanggaling ang amoy na sumasayaw sa hangin--gumuguhit sa ilong ang magkahalong halimuyak ng isang bulaklak at alimyo ng pinapakuluang kape. Para akong insekto na nahumaling at nahahatak doon.

'Tsaka ko lang namalayan na nakahinto na ako sa harapan nito. Tumalungko ako at inusisa ang liwanag na sa una'y akala ko ay isang bombilya dahil nakapaloob ito sa isang krystal. Pero hindi pala, isa itong garapon--kuwadrado ang hugis at may takip na gawa sa kahoy.

"Issa!"

Mabilis kong dinampot ang garapon at agarang tumayo para harapin si Kuya. Hindi ko malaman kung bakit tinago ko sa likuran ang kamay kung sa'n hawak ko ang bote, pakiramdam ko kasi na hindi niya ito dapat makita.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now