42 » kalayaan

33 2 26
                                    

Napatingala si Harold habang tinataas at diniin ko nang husto ang hawak na kubierto na tinarak ko sa ilalim ng baba niya. Mabilis na umatras ang itim na bumalot sa kabuuhan ng mata niya—naipon sa gitna hanggang sa sumilay na ang puti at bumalik na ito sa dating anyo.

Hindi ako nakapaghanda at nawalan ng depensa sa sarili nang hinablot niya sa 'kin ang tinidor at mabilis itong sinuksok sa bulsa. Sinubukan kong tumayo pero mabilis nitong nahawakan ang pulso ko. Para akong naposas ng kamay niya na kahit iangat ko ang sarili ay hindi ko magawa.

"Harold, Hijo!"

Dahil sa galit ay hindi ko namalayan na nasa likuran na namin ang Donya—walang masidlan ang poot na nararamdaman ko at nalingon ko siya nang masama ang hitsura.

"Kanina ko pa pinag-utos na bumalik kayo sa inyong silid!" sigaw ng Donya. Parang tinakbo nito ang kahabaan ng pasilyo dahil hinahabol nito ang hininga habang hawak-hawak ang malusog na dibdib na halos lumuwa na sa hapit at makopang bestida. Naniningkit ang mga mata niya at nagpalipat-lipat ang tingin sa 'kin at dito sa suwail niyang anak. "May problema ba kayong dalawa?"

"Wala naman, Ina," mabilis na sagot ni Harold. Binitiwan niya na rin ang pulso ko at parang walang nangyari na kalmado nitong kinuha ang pantali sa buhok na nakapatong sa lamesa. Kalmado rin itong tumayo at pinupuyos ang buhok habang naglalakad patungo sa Donya. "May mahalaga lang kaming pinag-usapan ni Issa."

"Mas mahalaga ba 'yan kaysa sa buhay ninyo, Hijo?" Bahagyang umatras ang Donya nang akmang makikipagbeso si Harold sa kan'ya. Mag-ina nga sila dahil parang inatake ito ng topak. Hindi ko maintindihan kung bakit mas matalas pa sa kutsilyo ang tingin niya sa aming dalawa. "Hindi ninyo nabanggit na napakahusay gumamit ng armas ang kaibigan ninyong si Barbara. Masyado naman yatang mahusay para sa edad niya. Hijo, pinagkatiwalaan kita." Lumipat ang tingin niya sa 'kin at parang nakakasugat na ang pagdapo nito sa balat ko. "Ang taas ng pangarap ko sa inyong dalawa."

"Maghunos-dili po kayo, Ina." Dinampot ni Harold ang dalawang kamay ng Donya. Hinaharang nito ang sarili sa paminsan-minsang pagsilip ng Donya sa gawi ko. "Hindi man ninyo naitatanong ngunit nakadaupang palad ko na ang ama ni Barbs. Ipinagmamalaki nito ang mataas na katungkulan sa policia...hindi ho malayong mangyari na sinanay niya ang kan'yang Unica Hija sa mga ganiyang bagay," mahabang pagsisinungaling ni Harold—sa tagal na kaibigan ko si Barbara, ang alam ko na paggawa at pagbebenta ng alahas ang negosyo ng pamilya niya.

Tumagal ang usapan at marami pa siyang sinabi. Pero mukhang hindi nakumbinse ang Donya—parang manunuklaw na ahas ang hitsura nito't anumang oras ay ibabaon na nito sa leeg ang makamandag na pangil.

Tumayo na ako at babalik na sana sa kwarto pero parang may pumipigil sa 'kin. Halos pasigaw na ang boses ng Donya, ayaw niya pa ring tigilan ang usapin patungkol kay Barbara. Hindi na rin kaaya-aya ang mga lumalabas sa bibig niya—sandatahan—hukbo.

Mahigpit ang hawak ko sa sandalan ng upuan. Halos lisanin ng kaluluwa ang katawan ko sa hitsura ni Harold na tagilid na ang lagay sa pagtatalo nila. Malumanay at mapangsuyo na ang mga salita niya pero lalo lang tumitinis ang boses ng Donya—panay waksi pa nito sa kamay ni Harold na pilit itong kinukuha.

"T-otoo po ang sinasabi ni Harold, Tita. Totoo po n-a tinuruan si Barbara ng tatay niya," pigil-hininga kong sabi na nagpatigil sa kanilang dalawa. Pinilit kong tumingin nang diretso pero kusang bumababa ang mata ko. Hindi ko kaya—hindi ako sanay—hindi katulad nitong isa na pagsisinungaling na nga yata ang kinalakihan.

"Mija. Mija..."

Parang utos ang pagtawag niya sa 'kin at natuon ang atensiyon ko sa kan'ya. Parang nakalutang sa ire ang pamamaraan ng paglalakad niya dahil hindi gumagalaw ang mahaba nitong saya habang papalapit sa kinaroroonan ko.

Issa IlusyunadaWhere stories live. Discover now