25 » ganda ka po

41 3 32
                                    

Gusto lang palang kumain, bakit ang sungit?

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Gusto lang palang kumain, bakit ang sungit?

Nagpatangay na lang ako sa paghila ni Frankie habang gumagala ang mata ko sa paligid. Ang daming tao, siksikan sa magkabilaang bangketa. Ilang beses akong napapasunod nang tingin sa mga nakakasalubong namin.

Lalo na do'n sa malaking ilong na naglalakad, may maliit na binti sa magkabilaang butas at may maliit na braso sa magkabilaang gilid. Tumagilid 'to habang naglalakad, siguro napansin nito na nakatitig ako sa kanya.

May nadaanan din kaming tatlong tumatalbog na kalabasa sa kalsada. Malaki na 'yong nasa unahan na pwedeng-pwede na sa kusina, habang ang dalawang nakasunod ay putot pa─ano kaya kung mag-iina 'tong mga 'to?

Ibang-iba pala talaga ang bayan. Ito 'yong laging kinukwento sa 'kin ni Barbara na ayaw akong payagan ni Nanay pumunta. Magulo raw.

Magulo na nga kung sa magulo, pero ang saya pala. Napadaan kami sa isang bangketa na may tabi-tabing tolda, parang tindahan na nakalatag at 'yong iba ay nakasabit ang iba't ibang produkto. Kanya-kanya ring sigaw ang mga tindero.

"Mansanas, mansanas! Matamis na, masarap pa!"

"Pantalon, pantalon kayo r'yan! Kasyang-kasya kahit sa lolo n'yong kalbo!"

"Ayyy bili-bili na mga suki! "

Liliko na sana kami sa isa na namang kanto nang inagaw ang atensyon ko sa isang tolda na ang daming nakakumpol sa harap. May sumisirkong sisiw sa ire, at lalong nakuha ang atensyon ko dahil sa pulang tela na nakatali sa leeg ng sisiw.

Tumigil ako at nagpabigat sa humihila sa 'kin. Sa wakas ay napalingon ko si Frankie. Hmmp, kahit na hind na naman mabasa ang mukha niya ay hinila ko siya sa kabilang bangketa. Dalawang kamay na ang ginamit ko dahil ang bigat niya.

Nakisiksik ako sa unahan, hindi ko pinansin ang mga nagrereklamo. Bahala kayo r'yan, hindi ko naman kasalanan na maliit ako.

Walang magawa si Frankie kundi ang makisiksik din, ayaw bitawan ang kamay ko e. Ayun, panay hingi ng paumanhin sa mga taong nahaharangan niya.

"Woooah!" sabay-sabay ang sabi ng mga batang nasa harap.

Inusisa ko agad kung ano ang mayro'n. Napa-wooah din ako nang tumambad sa harap ko ang patong-patong na mga sisiw. Parang hagdan na nakapatong sila sa balikat ng isa't isa. Ang kulit na kinakampay-kampay nila ang mura nilang pakpak para mapanatili ang balanse.

"Hep!" sabi no'ng matabang pusa na nakatayo sa likod ng mga sisiw. Nakatayo ito sa dalawa nitong paa, may suot na sumbrerong gawa sa dayami, at ang nakakatuwa pa ay ang pulang tela na nakatali rin sa leeg niya─katulad ng sa mga sisiw.

Dinampot ng pusa ang nag-iisang sisiw sa tabi niya, tinaas niya ito at─

"Hep!" Malakas nitong binato ang sisiw sa taas. Ilang beses na sumirko-sirko ang sisiw sa ire bago ito marahang bumagsak sa ibabaw ng hagdan-hagdang ng sisiw. Kinakampay-kampay nito ang murang pakpak habang hinahanap ang balanse bago nagpakawala ng napakaliit na tweet.

Issa IlusyunadaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon