Untitled Part 31

1.1K 57 0
                                    


SIMULA nang makilala ni Paige si Blanche, panay masasakit na salita lang naman ang narinig niya mula sa babae. And she hated Blanche for that. Maski noong iligtas siya nito kay Ollie, nagalit pa rin siya bandang huli dahil hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lamang kung ipagtabuyan siya ni Blanche.

Pero ngayong alam na niya na si Amber ang may pakana ng nangyari sa kanya, naiintindihan na niya. Mas kilala ni Blanche si Amber at inilalayo siya nito sa kapahamakan.

Blanche was just pretending to be mean. And because of that, Blanche's death moved Paige deeply. Umaagos ang luha niya habang nakamasid sa hindi mabilang na mga kandila at tambak na mga bulaklak sa mismong lugar kung saan bumagsak ang katawan ni Blanche matapos nitong lumundag mula sa rooftop.

Gabi na. Nakaupo sila ni Ty sa mga hollow blocks. Sa likod nila, ang yerong bakod ng ginagawang gusali, kakambal ng gusali kung saan tumalon si Blanche.

Hindi lang sila ang nagbi-vigil doon. Naroroon rin sina Papa John, Paco, Kim at Ashley. Pero bukod pa sa mga iyon, si Jerome--Gigi--na may kasama ring mga kaibigan na kilala rin si Blanche. Ang wala doon ay sina Amber at Sean.

Panaka-naka rin ay may dumarating na mga taga-Pueblo, nag-iiwan ng bulaklak, nagdadasal saglit. Pero ang nakakagulat para kay Paige ay ang mga empleyado ng hotel, ng golf course, ng resort. Grupo-grupo ang mga iyon na pumunta doon, nagdala ng bulaklak, nagtirik ng kandila.

Paige could tell na hindi lamang iyon bilang obligasyon. Hindi ang mga iyon inutusan lang ng mga manager na makiramay. It didn't look that way.

Kilala ng mga iyon si Blanche at totoong nalulungkot sa nangyari. Dahil, kabaligtaran ng una niyang hinala, hindi salbahe si Blanche. Si Blanche pala ang tipo ng tao na gagawin ang nararapat kahit kagalitan mo ito. Sa panahong ito na halos lahat na lang, concerned sa sariling 'image' kahit hindi naman mga sikat.

"Matapang s'ya." Sabi niya.

"Huh?" Usal ni Ty.

"Matapang si Blanche." Ulit niya. The suicide did not make sense. "N-Nalampasan n'ya 'yung scandal, di ba?"

Umiling si Ty, "Hirap s'yang maka-recover dun. At some point, she started..cutting." Ipinakita ni Ty ang pulso, "Lagi s'yang naghihiwa. She was really depressed."

"If that's the case...si Darby ang dapat sisihin." Hindi lang si Nicko ang biktima ng babaing iyon.

Hindi sumagot si Ty bagkus ay tumingin sa dulo ng kalsada. Palapit sina Amber at Sean. May dalang malaking bouquet si Amber, nakaakbay dito si Sean.

Nagdilang-anghel siya, sa loob-loob ni Paige. Nagsama nga ang dalawang sabaw. Tumayo siya, "Uuna na ako, Ty."

"Ihahatid na kita."

Pero dead-end ang kabilang dulo ng kalyeng iyon, doon rin sila lalabas sa pinanggalingan nina Amber kaya hindi naiwasang kasalubong nila ang dalawa.

"Paige--" bati ni Amber sa kanya, "Are you leaving?"

Tumango siya. She could not bring herself to speak with Amber.

"Are you okay?" Tanong pa nito. Tonong inosente. Tonong walang malisya sa katawan.

Inayos ni Paige ang sukbit ng carry-all niya, nilampasan na sina Amber.

"Paige, are you avoiding me?" Habol nitong tanong.

"She's just upset." Sabi ni Ty at sumabay na kay Paige.

"Paano n'ya nagagawa 'yun?" Himutok niya kay Ty. "'yung umastang akala mo, wala s'yang ginawang masama?"

"Hindi ko rin alam. Hindi pa nga rin ako makapaniwala na 'sinubo ka n'ya sa kapahamakan at s'ya rin ang tumulong kay Ollie para makapasok dito. Di kaya, addict 'yun?"

"Sa mga nalaman ko, maski siguro sabihin na s'ya ang pumatay kay Rizal, paniniwalaan ko."

Binuksan ni Ty ang pinto ng sasakyan para kay Paige.

"Thanks." Aniya.

"Nakalimutan mo isoli ang sapatos." Sabi nito, nakatingin sa bag niya na wala namang zipper.

"Oo, nga. Kaso, ayoko pa s'yang kausapin..I mean, gusto ko, pero hindi ko alam kung paano s'ya kokomprontahin. Paano kung tumanggi s'ya?"

"May video ka."

"Hindi 'yun, eh. Hindi ko sure kung ano ang magagawa ko sa kanya kung tatanggi pa s'ya kahit may ebidensya. Baka..hindi ako makapagpigil."

"'Yun lang. Mas mabuti pa ngang umiwas ka muna." Isinara ni Ty ang pinto, lumipat sa driver's side.

s i Ni s t e rWhere stories live. Discover now