Untitled Part 55

1K 56 3
                                    


NABULABOG ang mga alagang aso at manok ng mangilan-ngilang residente sa vicinity ng access road dahil sa alarm ng sasakyan ilang metro mula sa barikadang inilagay ng mga taga-Pueblo. Kesyo delikado raw. Para sa mga residenteng hindi pa binebenta ang lupa nila sa Pueblo, paraan lang iyon ng developer para gipitin sila. Tinanggalan sila ng malapit na access papunta sa super highway. Kailangan pa tuloy nilang mamasahe papunta sa terminal kapag luluwas, imbes na lalakarin lang ay nasa entrada na sila ng highway at may waiting shed doon para sa mga pasaherong tulad nila.

Sa una ay hindi nila pinansin ang alarm. Baka mga kabataan lang na taga-Pueblo, nanti-trip. Pero hindi tumitigil ang alarm. Aba'y made-drain na ang baterya ng sasakyang iyon, may residente nang nangahas tingnan kung ano ang nangyayari.

Si Kiko. Dahil hindi niya mapatigil sa pag-iyak ang alagang aso. Katutulog lang niya at sa madaling-araw ay magbibiyahe na uli siya ng saging, lintik naman talaga, gustong-gustong pumasok sa bahay at pagkabukas niya ng pinto ay sumuot na sa ilalim ng sofa. Natatakot sa ingay ng lintik na sasakyan.

Kaya, kumuha siya ng tubo at binaybay ang trail papunta sa kalsada. Hahambalusin niya ang sasakyan pag hindi pa tumigil, pati may-ari, makakatikim. Hindi niya kailangan ng lente dahil maski nakapikit, kaya niyang magparoo't parito sa lugar na sinilangan at kinatandaan.

Kita agad niya ang sasakyan dahil bukas ang mga ilaw, pati pinto. Magara. Pang-mayaman.

At....babae yata ang nakabulagta sa tabi. Parang...duguan.

Dugo nga! Nasa harapan ng putting damit.

May bike rin sa di-kalayuan.

Ano ang nangyari? Nabangga ang bike?

Nagtawag na si Kiko ng mga kapitbahay.

s i Ni s t e rWhere stories live. Discover now