Untitled Part 35

1.2K 60 6
                                    


MAY mga mesa sa gilid ng karinderya. Puno nga iyon ng mga trabahador ng Pueblo.

"Habang ang mga amo natin ay nasa de aircon, tayo ay nasa de-alikabok." Sabi ni Paige.

"Mas masarap naman pagkain dito."

Lumapit sila sa counter kung saan may mga kumakain rin.

"Ano bestseller?" Tanong niya.

"Chicken-pork adobo with eggs."

"Walang kamatayan talaga, eh." Aniya. "Sige, 'yun na lang din sa 'kin. Dalawang rice. Hahanap na 'kong table, ha." Iniwan niya sa counter si Wendell. Umali-aligid siya sa mga mesa.

Sa bandang likuran, halos labas na ng enclosure na sawali, may manong na nag-iisa sa mesang maliit, katabi ng payat na puno, may nakataling kambing.

Nagtu-toothpick na si Manong, ubos na rin ang pagkain.

"Pwede po d'yan?" Lapit agad si Paige.

"Oo, oo, tapos na ako. Iintayin na kitang maka-order kung gusto mo para hindi ka maagawan."

"May kasama po ako, na-order na. Maghagilap na lang s'ya ng upuan." Iisa ang upuan sa mesa. Para kay Manong lang yata ang mesa talaga.

"Ah, s'ya sige--" Tumayo na si Manong, dumukot ng sigarilyo sa bulsa ng overall, nagkakapa ng linghter, napatingin sa bag ni Paige, "Sa 'yo pala 'yan, Ineng?"

"Ang alin ho?"

"'yang sapatos."

"Ho? Hindi po...nakita ko po sa lost and found, ipapakita ko sa may-ari, kamukha nung kanya, eh. Kayo po ang nakapulot? Kayo po si Kuya Willy?"

"Oo. Ikaw ba 'yung kasama nung nawalan ng wallet? Kinuha n'yo raw kahapon, binigyan pa ako ng pera."

"Parang hindi ho kayo natutuwa."

"Natutuwa ako, siempre. Pera 'yun. Kaya lang eh, trabaho ko iyon. At bilang tao, hindi ko naman talaga dapat pag-interesan pag hindi akin. Bakit kailangan akong bayaran sa paggawa ng tama? Hindi ba ga, Ineng? Dapat ba tayong umasa ng pabuya sa tuwing gagawa tayo ng mabuti? Kagaya ng paggalang sa nakatatanda, kailangan ba ng pabuya doon?"

"Naiintindihan ko po. Sa sobrang tuwa lang po siguro nung kasama ko kaya nagbigay."

"Salamat 'kamo pero hindi niya kailangang gawin. Mas nakakasama iyong nasasanay sa pabuya ang mga tao."

"Opo. Sasabihin ko po...eh, Kuya...saan mo pala po napulot itong sapatos?"

Nakapa na nito ang lighter, sinindihan ang yosi, "Doon sa may mga acacia'ng matinik. Mukhang bagong-bago pa, baka dun sa mga abay."

"Abay?"

"Parang mga abay, nakasaya. Magpipiktyuran daw doon."

"Madami po?"

"Dalwa. Gusto pang iakyat ang sasakyan, pinanood ko, sasawayin ko kung sakali at baka magdere-deretso sila sa bangin, madilim pa naman."

"Gabi na po?"

"Oo. Nagso-shortcut lang ako dun pauwi kaya ko nakita. Hindi naman nila ipinilit iakyat pati sasakyan, umalis na ako. Pagdaan ko uli kinabukasan, nakita ko iyang sapatos."

"Blue po ang mga saya."

"Oo, blue nga."

Lumapit na sa kanila si Wendell, dala ang tray ng pagkain, "Kuya Will!" bati nito sa lalaki.

"Ikaw pala ang kasama nito. Mauna na ako sa inyo."

"Sige po."

s i Ni s t e rWhere stories live. Discover now