Chapter 24

750 60 80
                                    


Chapter 24: A Powerful Curse

Weliza's Point Of View

"ANG PAGBABALIK KO ANG SIYANG MAGIGING KATAPUSAN NG LAHAT!!!" Sigaw ni Romulus na sa sobrang lakas ay nanginig ang buong kweba kaya may ilang maliliit na batong nahulog habang ang mga paniki naman ay nagsimulang magwala at nagsiliparan palayo.

Nanatili lang ako na nakahiga sa mesang bato. Wala akong magawa para makaalis dahil nakatali ang mga kamay at paa ko. May mga dugo pa ring tumutulo sa mga sugat ko na hanggang ngayon ay kumikirot ng paulit-ulit. Hindi ko tuloy mapigilang mapangiwi dahil sa pananakit nito sa'kin.

Kahit nakahiga ay kita ko pa rin ang ginawa nila Hektor pati ng ibang kasamahan niya. Lumuhod ang mga ito at yumukod kay Romulus. Tuwang-tuwa sila Hektor sa naging pagbabago ng anyo ni Romulus. Normal na ang itsura ng balat nito ngayon at ang mga mata niya ay kagaya na ng sa isang pangkaraniwang tao.

Natunghayan din ng mga mata ko ang kababuyang ginawa ni Romulus. Ang natirang dugo kasi sa labi nito ay pinunasan niya gamit ang kanyang palad at pagkatapos ay dinilaan niya ito.

"Nagagalak ako na matunghayan ang pagbabalik mo, mahal na pinunong Romulus." Puno ng galak na sambit ni Hektor habang nakaluhod.

"Panginoon!" Sigaw muli ni Romulus. Para siyang isang makapanindig-balahihong halimaw kapag ginagawa niya ito. "Hindi ba ang sabi ko panginoon na ang itawag niyo sa'kin?!"

Lumapit si Romulus kay Hektor at tsaka sinakal ito. Unti-unti ng umaangat sa ere si Hektor pero hindi pa rin niya ito binitiwan. Ang ibang lalaking kasama namin ay nanatili lang nakaluhod na tila ba hindi alintana ang nangyayari sa kasamahan.

"Kahit kabilang ka sa angkan ko na nangangahulugang isa kang dugong maharlika, maghinay-hinay ka pa rin sa pananalita mo dahil hindi ako magdadalawang-isip na patayin ka. Hampas-lupa!" Nanlaki ang mga mata ko sa naging rebelasyon ni Romulus. Kadugo nito si Hektor? Ang mas ikinagulat ko pa ay kahit kadugo niya si Hektor ay kaya niya rin itong saktan. Paano pa kaya ang ibang nilalang na hindi niya kaano-ano?

Mayamaya ay parang papel na tinapon ni Romulus si Hektor sa isang gilid. Lupaypay na bumangon si Hektor at humarap ng nakababa ang ulo kay Romulus.

"P-Pasensya na m-mahal na panginoon." Halos hindi na makapagsalita ng maayos si Hektor ng sabihin niya iyon. Puno na ang mukha nito ng takot sa naging pagbabanta ni Romulus sa kanya.

Ngayon nauunawaan ko na isang dugong bughaw si Hektor kaya may kapangyarihan itong kontrolin ang pagbabagong-anyo pagkagat ng dilim. Isa rin itong Paws batay sa nabanggit nila noong nakaraan. Teka—kung Paws si Hektor, kanino siya naninilbihan? Imposible namang kay Romulus gayong kababalik lang nito sa mundo. Sino naman kaya sa mga itim na lobo ang pinaglilingkuran ni Hektor?

"Umalis na kayo sa harapan ko. Gusto kong makausap ang alay." Walang emosyong utos ni Romulus. Lahat sila ay parang maamong tupang sumunod at mabilis na nagsialisan.

Nang dalawa na lang kami ay nakaramdam ako ng panginginig ng buo kong katawan. Napakalamig ng aura ni Romulus na parang tulad ng sa isang bangkay. Hindi ko pinatatama ang mga mata ko sa kanya para hindi niya malamang takot na takot na ako sa puntong ito.

"Weliza, hindi mo ba alam na matagal na kitang hinihintay? Noon pa man ay hinanda ko na ang sarili ko sa pagkikita nating ito." Kaparehas ng presensya nito ang boses niya, napakalamig na tipong galing pa sa pinakailalim ng lupa na lumitaw lang dito para maghasik ng dilim. "Pagala-gala lang dati ang kaluluwa ko, naghihintay sa dugong kukumpleto sa katawan ko. At ngayon puno ako ng galak na makasama ka ng tuluyan."

Alam kong nakatingin si Romulus sa'kin pero walang rason para tignan ko rin siya pabalik. Natatakot na 'ko...

"I-Ibahin mo naman ako sa'yo, hindi ako natutuwa na makita ka. Kaya pakawalan mo na ako." Madiing utos ko sa kanya habang patuloy na nakatingin sa malayo.

The Blue-Eyed Wolf (BOOK 1 COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon