Una

8K 129 7
                                    

Una

Ikadalawampu't-tatlo ng Marso taong isang libo't walong daan pitumpu't-anim...

Sa ilalim ng mga bituin na masayang nadiriwang sa langit at nagbibigay buhay sa patay na kadiliman ng gabi ay mataman kong pinagmamasdan ang kagandahan ng maliliit na kislap ng ilaw na nagmumula sa mga alitaptap. Tila sumasabay sila sa ritmo ng katahimikan at indayog ng malamig na hanging humahaplos sa aking balat. Ang natutulog na lawa ay walang tunog ngunit patuloy sa paggalaw na para bang tumatakas sa reyalidad ng mundo. Ang mga damo ay walang ginawa kundi sumunod sa direksyon ng hangin na tila ba'y walang lakas upang labanan ito. Ang katahimikan na bumabalot sa lugar na ito...

"Ang ganda ng gabi," Malamyos ang aking tinig habang inaabot ang ligaw na bulaklak na iniilawan ng tatlong alitaptap. Ang ganda ng gabi. Napakapayapa ng paligid. Sa tingin ko ay nasa alas onse na rin ng gabi kaya't ganito na katahimik ang paligid. Mabuti na lamang at natapos ko nang turuan ang aking estudyanteng si Antonio bago sumapit ang dilim.

Muli kong pinagmasdan ang lawa sa huling pagkakataon bago ko tahakin ang daan pauwi ng aking bahay. Sinulyapan ko ang buwan. Bahagya akong nagtaka dahil baliktad ang bahaging nasisikatan ng araw. Ito ay nasa ilalim. Isang bihirang pangitain. Kay swerte ko pala at nakita ko ito ngayong maliwanag ang kalangitan.

Siguro ay matutuwa rin si ama kung nakikita nya ito ngayon.

Sa isang saglit ay biglang lumakas at lumamig ang simoy ng hangin dahilan upang hawakan ko ang aking salakot ng mariin. Sana pala ay dinala ko ang aking panlamig upang maging panangga sa hangin.

"Ang mabuti pa siguro'y umuwi na ako." Sinimulan kong ihakbang ang aking paa upang tahakin ang daan patungong bahay nang may kung anong ingay akong narinig.

Lagaslas ng damo...

Agad kong ibinaling ang paningin ko sa kapaligiran ngunit walang ibang tao maliban sakin. Hindi naman siguro multo iyon diba?! Hindi naman totoo iyon eh!

Guni-guni ko lang siguro iyon.

"Hah!" Napasinghap ako nang muling maulit ang paglagaslas. Hindi na nakakatuwa ito. Dapat kasi kanina ko pa naisipang umuwi eh!

"Alam ko na! Kung tatakpan ko ang mga mata ko, hindi ko na makikita kung sinumang multo ang naiisip ko." Kahit na pakiramdam ko ay isa akong baliw sa naisip ko ay ginawa ko pa rin. Siguro nga kalokohan ang pumasok sa utak ko dahil hindi naman dapat mata ang aking takpan kundi ang tenga para hindi na marinig ang lagaslas pero hayaan mo na, alam ko namang wala akong matatapakan na—

"WAAAHHH!!!" ANO IYON?! ANO IYON?! INAAAY!

Hindi ako magkandamayaw sa pagtalon dahil sa takot. Naihagis ko rin ang lampara na aking bitbit. Naloko na, dapat kasi tainga na lang iyong tinakpan ko! Sa dilim ng paligid hindi ko na alam kung saan tumalsik ang lampara na dala ko. Naku, paano na ito?

Teka...

Ngunit may natapakan ako! Gusto kong tignan ngunit nanginginig ang aking kamay. Agh! Hindi ko pa yata maigalaw ng maayos ang mga paa ko.

"A-Ah masakit..." Nagpantig ang aking tenga ng marinig ko ang isang tinig. Malapit lang ito sa kinatatayuan ko. Hindi kaya—

"Naku! Pasensya na!" Agad kong dinaluhan ang isang bulto nang makita ko ito. Isang tao. Siya siguro iyong dumaan kaya lumagaslas ang mga damo. Ngunit anong ginagawa niya dito? Bakit siya nakahiga sa lupa?

Namilog na parang barya ang aking mga mata matapos dumako ang tingin sa tagiliran ng lalaki. Tama, isa siyang lalaki. Hindi ko man makita ng malinaw ang kaniyang mukha ay alam kong isa siyang ginoo.

1876Where stories live. Discover now