Ikaapatnapu't-lima

338 21 2
                                    

Ikaapatnapu't-lima

Gamit ang aking salakot ay nakatungo kong binabagtas ang bawat sulok ng bayan. Dumaraan sa mga masisikip na eskinita at tinatahak ang bawat tagong gusali ng Ail Veronia.

Kahit saan ako bumaling ay talamak at nagkalat sa paligid ang mga sundalong dala ni Leandro Madrigal. Ngunit kahit papaano ay nabunutan ako ng tinik sa aking lalamunan.

Hindi pa nila nasasakop ang kabuuang bayan.

At maganda ito sapagkat hindi pa niya nalalason ang lahat ng utak ng mamamayan ng bayang ito. Bagamat may mga tumaliwas ay marami pa rin kaming natitira at nananalig sa Emperador Salvador.

Nang makatapat ako sa tapat ng isang lumang pinto ng abandonadong bahay ay maingat ngunit mabilis ko itong binuksan at pumuslit sa loob. Sinigurado kong nakakandado ang buong haligi pati na rin ang mga bintana sa paligid. Nag-angat ako ng tingin at pinasadahan ang kapaligirang napupuno na ng alikabok at agiw sa bawat sulok.

Kailan ba ako huling nakapunta rito?

Umiling ako at nagpatuloy na sa paglalakad patungo sa likod ng mga nakaimbak na lumang gamit. Nang makita ang aking hinahanap ay hindi na ako nagsayang pa ng oras at lumuhod upang buksan ang lagusan at pumasok doon.

Ang sikretong daanan patungo sa aming taguan sa ilalim ng lupa.

Madilim ang paligid ngunit bahagya kong naririnig ang mga nagpoprotestang tinig sa 'di kalayuan. Sa aking bawat hakbang ay unti-unting lumiliwanag ang paligid at lumilinaw ang mga boses.

"Hindi ito ang dapat na nangyayari"

"Kailangan nating kumilos"

Ang aking presensya ang nakapagpatigil sa kanila at bakas ang lubos na pagkagulat sa kanilang mga mata. Sa isang mabilis na galaw ay nakatapat na sa akin ang isang patalim.

"Sino ka?!" Agresibong tanong ni Noel. Nang mag-angat ako ng tingin at sinalubong ang kaniyang mga mata ay ganoon na lamang niya nabitawan ang hawak na armas at tinignan ako ng hindi makapaniwala.

"Saglit lamang siyang nawala, Noel" Mula sa dulo ng silid ay lumapit ang isang kaibigan. Kanina ko pa siya hinahanap.

"Nahuli ka ng dating, Macario" Wika ni Jacinto. Napuno ng singhap ang buong paligid at sabay-sabay na tumayo ang mga sundalo at sumaludo sa akin. Tinanggal ko ang aking salakot at nagsalita habang nakatingin kay Noel na nakaawang pa rin ang labi.

"Pasensya na, mahirap iwan ang emperador, Jacinto"

"Maligayang pagbabalik Heneral Macario Sikat!" Sabay-sabay na wika ng mga sundalo. Hindi ko akalaing muli kong maririnig ang mga salitang iyon.

At hindi ko matanggap na sa ganitong sitwasyon ko pa ito maririnig.

"Nandito na ba ang lahat?" Maawtoridad kong tanong.

"Opo!" Sagot ni Noel. Hindi naman kailangan ng marami, delikado na kung matunton kami ng mga galamay ng Madrigal na iyon.

"Kumusta ang Emperador?" Ngayo'y si Jacinto naman ang nagsalita.

"Ikinulong siya sa piitan" Sagot ko. "Hindi natin ito dapat patagalin, sa bawat segundo na pumapatak ay unti-unting nauubos ang oras ni Juan"

"Ano ang ating plano?" Bumaling ako kay Jacinto at nagsalita.

"Kailangan nating makausap si Francisco"

"Ngayong umaga siya darating kasama si Heneral Garcia" Hindi maiwasang mag-init ang aking ulo nang marinig ang kaniyang pangalan.

Kung maaari nga lamang na una ko siyang itumba ay gagawin ko.

1876Where stories live. Discover now