Ikaapatnapu't-siyam

490 24 0
                                    

Ikaapatnapu't-siyam

I-Isang mamamaslang---!

"FRANCISCOOOO!!!"

Sa bilis ng pangyayari ay hindi ko nagawang ikisap ang aking mga mata at sa isang iglap, sa lakas ng hampas ng hangin kasabay ng paggalaw ng kaniyang espada patungo sa aking laman ay naramdaman ko ang muling pagdaloy ng aking dugo sa pagkaputol ng lubid na nakatali sa aking katawan.

Bumagsak sa aking harapan ang lalaking nagpalaya sa akin at tinanggal ang kaniyang maskara. Pumailanlang ang samo't-saring tinig at pagsinghap sa paligid ngunit hindi ko magawang maalis ang aking tingin kay Condrad na siyang duguan at hinihingal. Kay lala ng kaniyang hitsura!

"Condrad---" Ngumisi ito.

"H-Huwag mo akong tignan ng ganiyan, Isagani. Magpasalamat ka na lamang dahil n-nakaabot ako---" Isang nakabibinging putok ng baril ang nangibabaw sa kapaligiran at kasabay niyon ay ang pagkabura ng ngisi sa labi ni Condrad at pag-agos ng dugo mula sa kaniyang bibig. Nanlalaki ang aking mga mata noong bumagsak ang kaniyang katawan sa aking harapan, walang buhay.

"AAAHHHH!!!" Ang nakagigimbal na pangyayari ang naging sanhi ng kaguluhan at paglaban ng mga mamamayan ng Ail Veronia. Naiyukom ko ang aking palad at walang pagdadalawang-isip na kinuha ang espadang ginamit ni Condrad.

"HAAH!" Sigaw ni Juan na siyang nakatakas sa kamay ng mga sundalong pumigil sa kaniya.

"SUGOD!" Ang tinig na iyon ang sumunod na nangibabaw at kasunod niyon ay ang pagsigaw ng pakikibaka at pagsang-ayon ng mga sundalong nasa ilalim ng pamumuno nina Ginoong Macario at Ginoong Guerrero.

Nararamdaman ko ang muling pag-usbong ng apoy ng halimaw na naninirahan sa aking pagkatao. Hindi ko ito matatanggap... isang sakripisyo na naman ang nagparaya! Sa higpit ng aking pagkakakapit sa espada ay hindi ko na maramdaman pa ang aking namamanhid na kamay. Lumipad ang aking mabangis na tingin sa balkonahe kung saan naroon si Leandro na nagbigay sa akin ng malawak na ngisi at hawak ang baril na kaniyang ginamit upang tapusin ang buhay ni Condrad.

"LEANDROOOO!" Kailangan nang tigilan ang habulang ito!

"HAAA!" Wala na akong sinayang pang oras at sinimulan nang tumakbo upang makapasok sa loob ng palasyo at walang pag-aalinlangang inaatake ang mga kalabang humaharang sa aking dinaraanan.

Tigilan na natin ito, Leandro!

=====

Naiinip ngunit pigil-hininga akong naghihintay ng tamang oras upang magsimulang makipaglaban. Kaisa ako sa dagat ng mga taong naririto sa palasyo upang saksihan ang mangyayaring pagbitay kina Francisco at Benvolio. Nagkalat sa kumpol ng mamamayan ang mga sundalong nagpapanggap bilang isang normal na tao na aming kasama upang makipaglaban. Inikot ko ang aking paningin sa paligid at mula sa malayo ay natanaw ko ang bulto ng tao na tila nagpupumiglas. Napakunot ang aking noo. Nasa loob ito ng palasyo.

Handa na akong gumalaw upang humanap ng daan upang palihim na makapasok sa loob nang matuon ang aking pansin sa gilid kung saan ay naroroon nakatayo si Condrad na siyang magpapanggap na papaslang kina Benvolio. Napamaang ako nang may mapansing kakaiba sa kaniyang ikinikilos at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang bumilis ang tibok ng aking puso.

"Olyang anong problema?" Bulong ni Noel na nasa aking tabi. Hindi ko namalayan ang paghakbang ng aking paa ngunit napigilan ako ni Noel.

"Olyang ano bang ginagawa mo?"

"H-Hindi si Condrad ang lalaking nakamaskara" Kapos-hininga kong saad. Hindi ko rin maipaliwanag ngunit isinisigaw ng puso ko na hindi siya iyon! Isa iyong mamamaslang!

1876Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon