Ikatatlumpu't-apat

362 23 1
                                    

Ikatatlumpu't-apat

"Ikaw si... Olivia Crisostomo" Inilapag ko sa katabing mesa ang isang malinis na damit upang kaniyang gamitin.

"At ikaw si Binibining Clara" Tugon ko.

Napagdesisyunan kong dalawin siya rito sa himpilan ng kapulisan. Kasama si Ginoong Guerrero ay inihatid niya ako sa silid kung nasaan si Binibining Clara.

Hindi kay Benvolio o kay Kurio ko nalaman ang tungkol sa kaniya. Gumawa ako ng sarili kong paraan upang malaman ang nangyari noong gabing sumugod ang mga kapulisan upang kunin si Francisco. Patago akong pumasok sa opisina ni Benvolio upang tignan ang mga dokumento na may kinalaman sa gabing iyon.

Alam kong hindi iyon tama ngunit wala nang ibang paraan dahil malinaw pa sa sikat ng araw na hindi nila ipapaalam sa akin ang tungkol dito.

At napag-alamanan kong nasa kamay ng mga pulis ang kapatid ng pinuno ng grupo na si Condrad kaya naman minabuti kong puntahan siya upang makausap.

"Kumusta ka?" Tanong ko ngunit tinitigan lamang niya ako gamit ang kaniyang malamig na mga mata.

"Anong.. ginagawa mo rito?" Balik tanong niya sa akin.

"Ang totoo ay hindi rin ako sigurado kung bakit nga ba ako nandito" Magpapakatotoo na ako. Wala akong maayos na plano kung bakit ko naisipang puntahan siya. Hindi ko rin alam kung ano ba ang damdaming kailangan kong maramdaman ngayong kausap ko ang babaeng nasa harap ko.

"Noong mga panahong nasa ilalim ng kontrol ng gamot si Francisco ay nabanggit niya ang iyong pangalan" Napukaw naman nito ang kaniyang atensyon.

"Kontrol?" Nagtatakang tanong niya na tila hindi makapaniwala sa narinig. Doon pa lang ay naliwanagan na ako, hindi niya alam ang totoong nangyari.

"Ang gamot na ipinainom ninyo kay Francisco, malakas ang naging epekto nito sa kaniyang katawan. Nalamon nito ang kaniyang sistema at nagkaroon ng sariling pagkontrol sa kalooban. Hindi niya kami kilala... ni tinangka niyang tapusin ang aking buhay pati na rin ang emperador" Nakita ko ang paglukot niya ng kaniyang saya ngunit hindi siya nagsalita.

"Ngunit imbis na ituloy niya ang pagsaksak sa akin, pinilit niyang matalo ang halimaw sa kaniyang kalooban kaya naman... itinarak niya sa kaniyang katawan ang espada" Naging mahina ang aking boses sa huling pariralang aking binanggit. Nakatungo si Binibining Clara kaya naman hindi ko magawang makita ang kaniyang mukha.

"Akala ko'y mananatili si Isagani sa aking tabi matapos niyang inumin ang gamot. Akala ko ay magiging maayos ang lahat. Inaamin kong naging makasarili ako... hindi ko inaasahang mangyayari ang bagay na iyon..." Mahina man ang kaniyang tinig ay tama lang ito upang aking marinig.

Tumunghay siya sa akin at tinignan ako.

"Ako ang dahilan kung bakit nailagay sa kapahamakan ang kaniyang buhay, ngunit heto ka at ipinagdala pa ako ng damit. Hindi mo man lang ba ako sisigawan? Dapat akong kagalitan" Sarkastikong wika niya ngunit tulad ng kanina ay wala akong makapang kahit anong emosyon sa aking kalooban.

"Kung mababago lahat ng sampal at suntok ko sa iyo ang lahat ng nangyari, siguro ay kanina ka pa nakabulagta sa sahig" Nawala ang kaniyang ngisi sa aking sinabi at napailing.

"Kakaiba nga siya, Isagani"

"Huh?" Tanong ko dahil hindi ko narinig ang kaniyang ibinulong.

"Sa ilang araw niyang pananatili bilang bihag namin ay walang araw na hindi niya binibigkas ang iyong pangalan. Pati sa pagtulog ay ikaw ang kaniyang nasa panaginip. At noong... hinalikan ko siya ay ikaw pa rin ang ibinigkas ng kaniyang labi" Tila isang bombang sumabog ang lahat ng emosyon sa aking puso noong marinig ang sinambulat ni Clara. Hindi ko namalayang nanginginig na pala sa sobrang higpit ng aking pagkakamao ang palad ko.

1876Where stories live. Discover now