Ikatlo

1.4K 55 0
                                    

Ikatlo

"Pigilan sya!"

Sa ilalim ng natutulog na gabi ay nagambala ang mga uwak sa bulahaw na pagsigaw ng mga sundalong tumutugis sa akin. Isinakbit ko ang aking espada sa aking baywang at iniwan ang kalalakihang walang malay na aking nakasagupa kanina. Tapos na ang aking trabaho dito.

Sa malakas na ihip ng malamig na hangin ay sumabay ang aking mabilis na paggalaw upang hindi ako makita ng mga sundalo ng pamahalaan. Sa bayan ay ganap na ang pagkalat ng balitang nagbalik na ang pusakal at marahil nandito sila upang hulihin ako.

Masyado ng huli upang pagsisihan ko pa ang pagbalik dito. Ang magagawa ko na lang ay ang makatakas at umalis sa bayan ng Ail Veronia.

Sunod-sunod ang pagputok ng baril ngunit hindi ko ito alintana. Hindi ko maintindihan, bakit kailangan nilang magpaputok? Iyon ba ng inutos ng emperador?

"Aah!" Daing ko matapos saglit na gumuhit ang sakit sa aking tagiliran. Ngunit agad itong nawala at namanhid ang parteng dinaplisan ng bala. Nakaramdam ako ng pagbulwak ng dugo mula sa aking tadyang ngunit hindi ako tumigil sa pagtakbo. Hindi man ito malalim ngunit malakas ang pagdaloy ng dugo mula rito.

Dinala ako ng aking mga paa sa isang lawa sa gitna ng damuhan. Nakamamangha ang linawag ng buwan na tumama sa banayad na tubig ng lawa dahilan ng pagkislap nito. Ang mga alitaptap ay nagmimistulang palamuti sa himpapawid dahil sa mumunting ilaw nito. Kay ganda ng tanawin.

Napakapit ako sa pinakamalapit na puno upang kumuha ng lakas dito. Ngayon ay mas nararamdaman ko na ang hapdi ng sugat sa aking tagiliran. Umihip ang sariwa at malamig na hangin at kasabay sa pagdaan nito sa akin ay ang halimuyak na nakaagaw ng aking atensyon.

Iris... amoy ng bulaklak na iris.

Ang matamis na halimuyak nito ay nakadadarang. Napakabango. At sa aking pagkurap ng mata ay nahagip ng aking paningin ang isang bulto ng babae ilang hakbang ang layo sa akin. Ang kanyang mga mata ay kulay kape, madilim man ay kumikislap ang kanyang magagandang mata. Puno ito ng pagmamahal, natural at walang bahid ng kalungkutan. Isang matamis na ngiti ang nakaguhit sa kaniyang labi habang pinagmamasdan ang tanawin.

"Kay ganda ng gabi." Mababa ang kanyang tinig at malamyos. Mukha siyang mabait na tao. Ngunit hindi niya ako maaaring makita, kailangan kong uma

"Ah!" Sumasabay sa paglagaslas ng mga damo ang sakit na aking iniinda. Kailangan kong makahanap ng ibang lugar, hindi dito.

"Alam ko na! Kung tatakpan ko ang mga mata ko hindi ko na makikita kung sinumang multo ang naiisip ko."

Ha?

Anong sinasabi nya? Multo? Nagtataka akong pinanonood siyang humakbang ng nakatakip ang dalawang palad sa mata. Kakaiba siya. Gusto ko pa sana siyang panoorin ngunit kailangan ko nang magpatu

"WAAAHHH!!!"

"A-Ah masakit," Impit ang aking boses nang may makatapak sa aking paa. Aw! Sa tingin ko ay mas masakit pa ang apak na iyon kaysa sa sugat ko sa aking tagiliran!

"Naku pasensya na!" Naramdaman ko ang kaniyang mainit na palad sa aking balikat at ang samyo ng mabangong bulaklak na iyon ay mas humalimuyak at nanunuot sa aking pang-amoy.

Ang halimuyak ng iris ay galing sa binibining ito.

Tinulungan niya akong gamutin ang daplis sa aking tadyang. Ang kamay niya ay mabagal at dahan-dahan upang hindi ako masaktan. Isa nga siyang babae. Pilit kong iniyuyuko ang aking ulo upang hindi niya makita ang aking mukha. Baka ikatakot niya pa ito. Ngayong kalat na ang aking larawan sa bayan ay siguradong mamumukhaan niya kung sino ako.

1876Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon