Ikalabing-pito

492 17 0
                                    

Ikalabing-pito

"Hay ano ba iyan, kung kailan naman ako dumalaw saka naman ikaw na uhugin ang makikita ko." Sumalampak si Kurio sa sahig at ginawang unan ang kaniyang mga kamay.

"Sino ba kasing nagsabi na dumalaw ka? Bakit mo ba siya sinama Amelia?" Baling ko kay Amelia na inilalabas ang kaniyang pinamiling gulay. Tila nagningning ang aking mga mata sa nakita. Kung suswertehin ka nga naman. Mukhang masarap ang magiging hapunan mamayang gabi!

"Hay naku, Antonio. Kung alam mo lang ang pagtakas na ginawa ko para lang hindi siya makasama." Bagsak-balikat na sabi ni Amelia. Umiling na lamang ako at bumalik sa pagbabasa ng aking libro. Hindi pa man ako nakapagpapatuloy sa aking pagbabasa nang sikuhin ako ni Kurio. Huminga ako ng malalim.

"Huy,"

Utang na loob, Antonio. Huwag mo na siyang pansinin.

"Hoy bubwit, hindi ba sinabi mong gusto mo si Amelia?"

"Psst makinig ka nga!"

"ANO BA?" Bulyaw ko sa kaniya. Argh! Wala! Ako pa rin ang talo sa huli. Pinansin ko pa rin ang baliw na ito na walang ginawa kung hindi ngumisi na tila may naiisip na kalokohan.

Inakbayan niya ako at tinuro si Amelia.

"Huwag mo nang ipilit, bata. Sa akin patay na patay iyan." Mayabang na saad nito. Kumunot ang aking noo at tinaasan siya ng kilay at maya-maya'y nauwi rin ako sa mapang-asar na ngiti.

"Wala akong gusto kay Amelia, ginawa ko lang iyon para mahuli ka." Hah! Naisahan ko siya! Ang totoo niya'y magkakasabwat kami ni Olyang at kahit ayaw ni Francisco ay wala na rin siyang nagawa. Napapansin ko kasi na dumadalas ang pang-aasar ni Kurio kay Amelia kaya't sinubukan namin siyang bukingin nina Olyang.

At kita mo nga naman kung sino ang gwapong-gwapo sa sarili. Makapal din ang mukha ng isang ito.

"Mahuli? Ako? Bwahahahaha!" Madiin niyang ginulo ang buhok ko. Minsan talaga naiisip ko kung sumpa bang nakilala ko si Olyang eh.

Kasi kung hindi ko siya nakilala, wala sana sa harapan ko ang asungot na si Kurio na walang ginawa kundi sirain ang araw ko.

Ngunit...

Siguro, hindi rin. Kung hindi ko nakilala si Olyang... baka wala rin akong ganitong kasayang pamilya.

"Huwag ka ngang gumawa ng kwento, Antonio. Nakakasuka wahahaha!"

Napailing na lamang ako. Sabi mo eh.

Ako lamang ang nadatnan nilang dalawa noong sila'y dumating. Umalis si Francisco upang mangisda sa may ilog sa gubat. Kanina pa nga siya umalis eh, siguro'y wala siyang mahuli.

Kung itatanong mo naman si Olyang...

"Antonio, pwede na kaya itong---Waah! Ameliaaa!" Rinig kong bulalas ni Olyang nang makita si Amelia at tumakbo rito upang yumakap.

"Wahaha Ol---yang?!" Natigil ako sa pagbabasa ng libro sa lakas ng boses ni Kurio na naakbay pa rin sa akin. Ano na naman ba ang problema ng isang ito? Saka bakit tila nakakita siya ng multo sa laki ng kaniyang mata at nakangangang bibig?

Sinundan ko kung saan---hindi mali, kung kanino nakapukol ang mga mata ni Kurio. At nang magawa ko iyon, bumagsak ang panga at librong hawak ko.

N-Nananaginip yata ako! Si Olyang daw ay nakasuot ng isang maganda at magarang damit! Kulay kape ang kaniyang saya at tinernuhan ito kulay puti niyang kamiseta. Nakaladlad din ang maalon niyang buhok.

Bangungot ito! Bangungot itoo!

P-Pero...

Hindi ko maitatangging kay ganda niya. At sigurado akong papalakpak ang kaniyang mga tainga kapag marinig niya ang iniisip ko.

1876Where stories live. Discover now