Ikatatlumpu't-siyam

338 22 0
                                    

Ikatatlumpu't-siyam

Panaka-naka akong tumitingin sa direksyon ni Francisco habang tinitiklop ang aming mga damit. Medyo kanina pa ako nag-aalala dahil parang ang layo at lalim ng kaniyang iniisip.

Sinubukan ko siyang sundan noong nagpaalam siya sa amin na maglalakad muna pagkatapos naming kumain. Ngunit tatlumpong segundo pa lang ang lumilipas matapos siyang lumabas ay hindi ko na siya nakita sa paligid. Halos dalawang oras din siyang nawala at ngayong nakabalik na siya rito sa aming bahay ay napansin ko ang kawalan niya ng atensyon at pananahimik.

Napapaisip tuloy ako kung ano ang nangyari.

"May problema ba?" Hindi na ako nakatiis at tinabihan siya. Bumaling naman siya sa akin at bahagyang ngumiti bago muling idiretso ang mga mata sa unahan.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyayari. Ang muli siyang mahawakan at maramdaman sa aking tabi ay tila isang panalanging sinagot ng Maykapal.

Nagbalik na sa akin ang aking Francisco.

Ngunit hindi ko rin mapagkakaila na malaki ang kaniyang ipinagbago. Muntik ko na siyang hindi makilala noong muli ko siyang nakita. Hindi hitsura o mukha ang nagbago sa kaniya.

Kung hindi ang buo niyang pagkatao.

Hindi ko na makita ang nananahang mamamaslang sa kaniyang puso at napakalambot na ng kaniyang kalooban at pakikitungo sa karamihan. Dalisay at puro ang kaniyang mga ngiti at may ningning sa kaniyang mga mata.

At nagdiriwang ang aking damdamin sapagkat napakalayo nang narating ng aking pagsasakripisyo upang makamit niya ang bagay na ito.

"Wala naman, Maria. Nababagabag ba kita?" Napakaamo ng kaniyang boses. Sumandal ako sa kaniyang balikat na kaniyang ikinagulat. Nagtataka ako dahil hindi naman siya nagugulat sa tuwing ginagawa ko ito noon ngunit binalewala ko na lamang ito.

Kung sabagay ay matagal din kaming nagkalayo. Marahil ay naninibago pa siya.

"Maaari mong sabihin ang lahat sa akin" Wika ko.

"Ang totoo niyan ay hindi ko pa rin alam kung saan o paano magsisimula, Maria" Kahit itago man niya ay naririnig ko ang pagkalito sa kaniyang tinig. Humiwalay ako sa pagkakasandal sa kaniyang balikat at doon siya tumingin sa akin.

"Ayokong pahirapan ka, Maria. Ngunit.. wala ka ba talagang naaalala maliban sa akin?" Noong sinabi niya iyon ay natahimik ako at napaisip.

Pilit kong binalikan ang mga naaalala ko at naaalala ko naman ang lahat. Ang kwento ng aming unang pagkikita, ang ilang beses niyang pagtangkang tapusin ang aking buhay, ang kaguluhan na naging dahilan kung bakit kami napunta rito sa Delnaiah.

Si Ginoong Tiago... ang pagpunta ni Francisco upang kunin ako... ang pagsasakripisyo ko...

"Naaalala ko ang lahat" Sigurado akong wala akong nakakalimutan.

"May alaala ka ba tungkol kay Leandro?"

Leandro...?

"Leandro" Ulit ko sa pangalang sinabi ni Francisco. Muli ay binalikan ko ang aking mga alaala at hinanap kung saang bahagi ko maaaring maalala si Leandro.

Mariin akong napahawak sa aking ulo at napapikit sa nakabibinging sakit na dumaloy sa aking tainga patungong aking ulo.

"Maria!" Agad akong dinaluhan ni Francisco ngunit hindi nawala ang sakit. Hindi ko maintindihan kung bakit ako nagkakaganito.

"Huwag mong pilitin ang iyong sarili" Wika niya. Huminga ako nang malalim at nag-isip ng masayang alaala. Sa tuwing nangyayari sa akin ang biglaang pagsakit ng aking ulo gaya nito ay ganito ang aking ginagawa.

1876Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon