Ikatatlumpu't-tatlo

316 19 0
                                    

Ikatatlumpu't-tatlo

"Isang pagpupulong ang kailangan ninyong daluhan ngayong hapon, Kamahalan" Paalala ni Macario habang inaayos ang manggas ng aking damit. Ngayon ang araw ng aming pangangabayo at kailangan umalis ng maaga upang maabutan pa namin ang bukang-liwayway.

"Tungkol sa kapatid ni Condrad, naimbistigahan na ba siya?" Tanong ko.

"Ayon sa mga kapulisan ay hindi pa rin nagsasalita ang binibini hanggang ngayon" Kung ganoon ay hindi pa rin siya nakikipagtulungan sa may kapangyarihan. Mukhang kakailanganing si Kurio na ang humarap sa kaniya.

Isang katok ang pumukaw ng aming pansin at dali-daling humangos ang isang kawal at yumuko sa aming harapan.

"Kamahalan, isa pong magandang balita. Gising na po si Ginoong Isagani!" Kasabay nang sinabi ng kawal ay muling bumukas ang pinto at bumungad sa aking mga mata si Francisco.

"Francisco" Usal ko.

"Isang magandang araw, Kamahalan" Tumungo siya upang magbigay galang at lumapit sa aking direksyon. Inutusan kong umalis ang lahat ng nasa loob ng trono maliban kay Macario na nakatayo sa malayo.

"Gising ka na nga" Hindi ko makapaniwalang sabi. Huminto naman siya sa aking harapan at ngumiti.

"Hindi ko rin akalaing magigising pa ako"

"Alam na ba ng iba ang magandang balita?" Tanong ko. Umiling naman siya at muling nagsalita.

"Ang totoo niyan ay gusto kitang makausap, Juan" Sa oras na sinabi iyon ni Francisco ay alam kong hindi bastang pag-uusap lamang ang magaganap. Seryoso ang kaniyang mga mata.

"Malaya kang makapagsasalita" Iyon ang naging hudyat upang simulan niya ang aming pag-uusap.

"Unang-una ay gusto kong hingin ang inyong kapatawaran sa kalapastanganang pagtatangka ko sa inyong buhay, Kamahalan. Walang kapatawaran ang aking nagawa kaya naman handa ako sa parusa o kamatayang inyong igagawad sa akin" Bahagya akong nagulat sa kaniyang pagluhod at pagyuko sa sahig.

"Tumayo ka, Francisco. Hindi mo kailangang humingi ng tawad dahil hindi mo alam ang nangyayari noong mga panahong iyon. Ang epekto ng gamot ang siyang kumukontrol sa iyo"

"Noong mga sandaling iyon ay nagising ang aking diwa at tila mula sa loob ng aking katawan ay nakikita ko kung ano ang nangyayari ngunit wala akong lakas, ni hindi ko magawang pigilan ang aking sariling katawan sa pagtatangkang pagpaslang sa inyo" Hindi siya nagbago, hihingi at hihingi pa rin siya ng tawad kahit maayos na ang lahat.

Inaamin kong hanggang ngayon ay mayroon pa rin akong kaunting inis na nararamdaman para sa kaniya at dahil ito kay Olivia. Malinaw sa akin na hindi ko na makukuha ang puso ng aking iniibig ngunit sa tingin ko ay ganoon rin katanga si Francisco dahil hindi niya napapansin ang paraan ng pagtingin sa kaniya ni Olivia.

Napailing ako. Tama, hindi niya napapansin ang pagtingin sa kaniya ni Olivia at pati mismo kaniyang sarili ay walang kaalam-alam kung paano tumalim at pumusok ang kaniyang galaw kapag si Olivia na ang nasa panganib.

"Ngunit napigilan mo ang iyong sarili, hindi ba?" Sa isinaad kong iyon ay napatunghay si Francisco kaya naman nagpatuloy ako.

"At dahil iyon kay Olivia. Nagawa mong makabalik bago pa mahuli ang lahat. Napakadelikado ng iyong ginawa Francisco" Wika ko na may halong galit. Hindi niya alam kung gaano kami nag-alala sa kaniya. Hindi niya alam kung gaano kadaming luha ang umagos mula sa mata ni Olivia noong inakala naming nilagutan na siya ng hininga.

1876Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon