Ikaapatnapu

349 24 1
                                    

Ikaapatnapu

Pilit kong inaabot ang aking tingin sa malayo. Hindi ako mapakali kanina pa. Nagising na lamang ako sa isang bangungot na ni sa aking hinagap ay hindi ko inasam na mapanaginipan.

Puno ng apoy ang kapaligiran at nagmistulang impyerno ang buong Ail Veronia. Nagkalat ang mga labi at natutupok ang kaharian.

At sa gitnang poste na nakatayo ay naroroon ang ulo ni Olivia.

Nagising ako na nanlalagkit sa lamig ng pawis at pilit na hinahabol ang aking hininga. Napapikit ako at hinawakan ang aking sentido.

"Kamahalan" Narinig ko ang tinig ni Amelia at paglalagay nito ng mainit na tsaa sa aking mesa.

"Salamat" Bumaling naman ako sa kaniya.

"Pasensya na, hindi ko nais na abalahin ang iyong mapapahinga" Umupo naman siya sa aking harapan.

"Huwag mong alalahanin iyon, Juan. Isa akong doktor at priyoridad ko kayo. Ano ba ang nangyari?" Sinabi ko ang lahat ng aking napanaginipan sa kaniya. Sa totoo lang ay ngayon lamang ako nakaramdam ng ganitong takot. Kanina ay halos mawala na ako sa aking sarili sa kakaisip kung ano ang gagawin.

"Sa tingin ko ay isa iyong masamang pangitain, Amelia" Hindi mawala sa isip ko ang pag-aalala kina Olivia at sa iba pa. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong natatanggap na balita tungkol sa kanila.

"Para sa akin ay isa iyong senyales ng pagod at kawalan mo ng sapat na pahinga, Kamahalan. Masyado kang naging abala nitong mga nakaraang araw at ilang beses ka ring hindi kumakain sa tamang oras" Bumalik sa akin ang mga ginawa ko nitong mga nakaraang araw. Tama siya, masyado nga akong naging abala lalo na ngayong mayroong natatanggap na babala ang palasyo tungkol sa pagbabanta ng mga masasamang loob.

"Nag-aalala ako para sa iba nating kaibigan. Wala tayong kaalam-alam kung maayos ba sila" Ibinigay sa akin ni Amelia ang aking gamot at nagsalita.

"Parang hindi mo naman kilala sina Olivia, hindi nila hahayaang may mapahamak. Sigurado akong ligtas sila, Juan" Pagpapagaan niya sa aking loob. Napahinga naman ako ng maluwag. Siguro nga ay epekto lamang ito ng pagod.

"Kamahalan, bakit gising pa kayo?" Lumapit naman si Macario sa aking tabi.

"Hindi lamang ako makatulog" Napansin ko ang sulat na kaniyang bitbit kaya agad kong inilahad ang aking kamay.

"Kanino ito galing?" Seryosong tanong ko.

"Wala pong nakaaalam. Natagpuan iyan ng isang kawal sa tapat ng tarangkahan" Binuksan ko ang sobre at binasa ang mga salitang nakasulat sa kulay pulang tinta.

MAGHANDA KA NA KAMAHALAN

Tumalim ang aking mga mata. Isa na namang banta. Tumayo ako at naglakad sa buong palasyo habang nakasunod naman si Macario sa aking likuran.

"Hindi na natin maaaring balewalain ang bagay na ito, Macario. Ihanda sa pagsasanay ang bawat sundalo at kawal. Hindi tayo maaaring makampante"

"Ngunit Kamahalan, kung magpapaapekto tayo ay baka isipin ng mga kalaban na mabilis tayong masindak" Alam ko iyon ngunit...

"Magkaiba ang pagiging alerto sa nasisindak. Mas mabuti nang maging handa kaysa maraming buhay ang mawala" Tugon ko.

"Masusunod po"

"Bukas na bukas ay kailangan kong makausap si Teniente Guerrero. Siya ang nais kong mamuno sa pagsasanay"

Sa limang taon kong panunungkulan bilang emperador ng bayang ito ay marami nang pagsubok na dumating na nagpalakas ng aking kalooban at nagpatatag ng Ail Veronia. Hindi ito ang unang beses na may pagbabanta sa bayan ngunit ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng masamang kutob.

1876Donde viven las historias. Descúbrelo ahora