Ikadalawampu

437 22 0
                                    

Ikadalawampu

Nakangiti ang haring araw at mainit na niyayakap ang buong sansinukob sa kaniyang maliwanag na sinag. Nakisasabay ang magandang panahon sa isang mahalagang pangyayari ngayong araw.

At ngayon nga ay kasalukuyang nagaganap ang pagpupulong ng emperador sa prinsepe ng Indonesia na si Prinsepe Ismaya kasama ang ilan sa mga mayayamang mangangalakal upang mas mapalalim pa ang pagkakaibigan ng dalawang bansa. Ngunit tulad ng inaasahan ay ang batang si Antonio ang nakaharap sa pulong.

Lumabas ako ng silid upang tunguhin ang kwarto ng prinsepe para siya ay kumustahin. Tahimik ngunit taas noo akong naglalakad at nilalagpasan ang mga kawal at sundalo ng pamahalaan na mahigpit na nagbabantay sa kaharian.

Napahinto ako nang makita si Teniente Guerrero na siyang tumigil din sa kaniyang paglalakad at nakangiti akong binati.

"Magandang umaga, Heneral Sikat." Napangisi ako sa narinig at hindi kalaunan ay nauwi ito sa pagngiwi.

"Matagal na akong wala sa serbisyo, Heneral Guerrero." Tugon ko na nakapagpakamot sa kaniya.

"Bakit wala ka sa loob?"

"Patungo ako sa silid ng prinsepe upang tignan ang kaniyang lagay." Ilan lamang ang nakaaalam sa pagpapanggap ni Antonio bilang Prinsepe Ismaya at isa na rito si Guerrero. Isa siya sa mga piling pinagkakatiwalaan ni Juan kaya't alam niya ang nangyayari sa loob at labas ng palasyo.

"Ngayon lamang ito nangyari, nakakapanibago." Komento niya habang sabay naming nilalakad ang pasilyo.

"Ngunit ang mahusay na pagpapanggap ni Antonio bilang si Prinsepe Ismaya ay hindi maipagkakaila." Sa aking pagkakakilala kay Antonio ay isa siyang mareklamo ngunit masunurin at mabait na bata. Hinahangaan ko ang kaniyang pursigi at determinasyon upang magawa ang kaniyang tungkulin. Walang magkakamali na hindi ang totoong prinsepe ng Indonesia ang kanilang kaharap ngayon.

"Maliwanag at malinaw ang kinabukasan ng batang iyon, at malaki ang nagawang ambag ni Olyang sa pagdidisiplina kay Antonio. Kapwa silang nagbibigayan sa isa't isa. Kung nabubuhay lamang si Andres ngayon ay sigurado akong ipagmamalaki niya sa buong mundo ang kaniyang anak." Sa sinabi sa akin ni Jacinto ay bumalik sa aking isipan ang nakaraan na tila ang lahat ng iyon ay nangyari lamang kahapon.

Ako ang heneral ng hukbong sandatahan noong panahon ng rebolusyon at sa mga panahong iyon ay ang ama pa ni Juan na si Emperador Alfonso ang namumuno sa bayan ng Ail Veronia. Kasama ko sa serbisyo si Jacinto Guerrero na aking matalik na kaibigan, kapwa naming pinagsisilbihan ang sambayanan bilang mga heneral. Kung ako'y namahala sa mga sundalo, si Jacinto naman ang sa mga kapulisan. Lagi kaming magkasama sa mga labanan at digmaan na para bang iyon na ang aming ikinabubuhay.

Ang mga dugong nagmistulang ilog ng pinaghalong sangsang at baho, ang kumpol ng bangkay ng mga taong nagbuwis ng buhay sa pagtatanggol ng kanilang paniniwala at prinsipyo, ang mga tabak, bulo, sulo at espadang nagkalat sa buong paligid na sumisimbolo ng katapangan ng isang mandirigma. Ang lahat ng iyon ay napagdaanan na namin.

At inaamin kong nais ko pa ring mabalikan at muling maranasan ang maging isang mandirigma ngunit ang katotohanan ay nasa akin ng harapan. Tapos na ang panahon ng karahasan... at lahat ay may hangganan. At masasabi kong ang panahon ko bilang isang magiting na heneral ay sapat na upang maihanda ang aking sarili sa mas mabigat na tungkulin, ang pagsilbihan ang bagong luklok na emperador bilang isang kanang-kamay at katiwala, si Juan.

Sa murang edad na limang taon ay ako na ang madalas niyang kasama. Ako ang kaniyang naging guro, utusan at tagapagsanay. At bilang susunod na magmamana ng trono ng kaniyang ama, malaking hamon ito para sa munting si Juan lalo noong pumanaw ang kaniyang mahal na ama. Sa edad na labing-walo na taong gulang ay si Juan na ang naging ama ng buong Ail Veronia, at ito rin ang panahon ng aking pagbitiw bilang heneral ng hukbo. Ganoon rin si Jacinto at si Andres naman na ama ni Olivia ay nanatiling isang guro sa paggamit ng espada ngunit sa kasamaang palad ay nasawi rin ito sa isang labanan.

1876Where stories live. Discover now