Ikalabing-siyam

453 15 0
                                    

Ikalabing-siyam

"Naku, pasensya na po talaga Kamahalan. Hindi ko po sinasadyang gawin iyon. Patawarin niyo po sana ako." Walang tigil ang aking paghingi ng kapatawaran sa batang nasa harapan ko.

Waah nakakahiya talaga ang aking ginawa!

"Mabuti na lamang at mga gasgas lang ang inyong natamo. Kailangan niyo lang pong ipagpahinga ang inyong katawan upang mabilis mawala ang mga pasa." Ani Amelia na ginagamot ang prinsepe. Dumiretso kami kaagad sa palasyo upang doon dalhin at gamutin ang prinsepe at ang kanang-kamay nito.

"Tumayo ka binibini, pinatatawad na kita. Isa pa ay kami ang dapat magpasalamat sa inyo dahil kayo ang nagligtas sa amin. Maraming salamat." Gumaan ang aking kalooban sa kaniyang sinabi. Nakahinga ako ng maluwag. Kahit kailan talaga ay hindi ako nagtatanda.

"Ah! K-Kamukha nga niya talaga ang bubwit na si Antonio!" Usisa ni Kurio na sinusundot ang pisngi ng prinsepe. Pinanlakihan namin siya ng mga mata. Aba! Ang lakas ng loob niyang hawakan ang prinsepe ng Indonesia.

"Akalain mo nga naman, posible palang magkaroon ng kamukha ang pangit na iyon! Kung ako ang magiging kamukha ni Antonio ay matatakot talaga ako." Patuloy niya pa.

"Sana iyong hindi ko naririnig, Kurio." Halata sa mukha ni Antonio ang inis habang nakaupo at nakahalukipkip ang kamay sa sulok.

Bumukas ang pinto ng silid at pumasok sina Benvolio at ang kaniyang pinagkakatiwalaang kalihim na si Ginoong Macario. Puno ng simpatya ngunit pagkadismaya ang mga mata ni Benvolio. Lumapit ito sa prinsepe at kinausap ito.

"Humihingi ako ng lubos na kapatawaran mula sa inyo, Kamahalan. Kung hindi dahil sa aking kapabayaan ay hindi kayo mapapahamak noong kayo ay dumating sa aming bansa. Naging mahina ang puwersa ng aking mga tauhan upang kayo ay maprotektahan. Sana ay mahanap niyo sa inyong puso ang kapatawaran, Kamahalang Ismaya."

Katahimikan ang namutawi sa buong paligid, ni walang nagtangka upang magsalita o ibuka man lang ang bibig. Hindi ito ang unang beses na nakita ko si Benvolio na humingi ng kapatawaran. Nang ginawa niya ito noong nakaraan ay nangibabaw din sa kaniya ang pagsusumamo at sinseridad.

Ngunit masasabi kong sa pagkakataong ito ay kontrolado ang kaniyang bawat kilos at salita. Kontrolado ang kaniyang sarili. Ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin ako makapaniwala na makita siyang ganito.

"Kamahalang Salvador, hindi niyo kasalanan ang nangyari. Pinilit kong padaanin ang aming sasakyan sa ibang ruta sa kagustuhang malibot ang lugar bago magtungo rito sa iyong palasyo. Dahil sa akin ay napahamak kami. Ngunit masaya ako dahil kundi dahil sa iyong mabubuting kaibigan ay baka nasa peligro na ang aming buhay."

Kahanga-hanga ang pananalita ni Prinsepe Ismaya. Hindi man lang bumabaluktot ang kaniyang dila habang nagsasalita ng aming lengwahe at kung makipag-usap siya ay tila isa na siyang matanda. Pati ang kaniyang kilos ay elegante. Tila napakahinhin niyang lalaki!

Napakalayo sa pag-uugali ni Antonio.

"Huwag mo nga akong tignan ng ganiyan, Olyang!" Bulong sa akin ni Antonio.

"Hehe mahirap lang kasing isipin kung magiging katulad ni Prinsepe Ismaya ang ugali mo, Antonio." Bulong ko pabalik.

Matapos niyon ay hinayaan na naming makapagpahinga ang prinsepe sa kaniyang silid. Mas naging mahigpit ang seguridad sa loob at labas ng Ail Veronia. Lahat ng sundalo at kapulisan ng pamahalaan ay nakakalat sa paligid upang siguraduhing hindi na mauulit ang pag-atake sa prinsepe.

Nalaman din namin na bukas makalawa na pala ang pagpupulong sa pagitan ng aming bansa at bansang pinamumunuan ni Prinsepe Ismaya at kasama na rin sa pagpupulong na ito ang lahat ng mga opisyal, negosyante at mga kilalang tao.

1876Where stories live. Discover now