Ikatatlumpu't-walo

327 22 2
                                    

Ikatatlumpu't-walo

Inihagis ko ang espadang kahoy kay Kurio at agad sumugod ng walang sabi-sabi.

Isa iyong Lunes ng umaga, eksaktong alas sais at ngayo'y naghahari na ang haring araw sa silangang bahagi ng mundo.

"Haa!" Muli akong sumugod at kinalaban si Kurio na hindi nagsasalita at iniilagan lamang at sinasangga ang aking mga atake.

"Magseryoso ka Kurio!" Inis na bulyaw ko sa kaniya. Bakit ba hindi niya ako sineseryoso? Anong akala niya naglalaro lamang ako?

Bigla siyang tumigil sa paggalaw at nakatungong ibinaba ang espadang kahoy.

Pagkakataon ko na para matalo siya.

"HAA!---" Isang atake ang aking pinakawalan ngunit nagawa niya akong pigilan sa pamamagitan ng pagpigil sa aking kamay at sinalubong ako ng naiinis niyang mga mata.

"Ikaw ang magseryoso, Olyang" Tahimik akong napasinghap sa kaniyang sinabi. Sinubukan kong bawiin ang aking kamay mula sa kaniyang pagkakahawak ngunit mas lalo niya itong hinigpitan.

"Tumingin ka sa akin, Olyang" Maawtoridad niyang sabi ngunit hindi ko siya sinunod. Ibinaling ko sa ibang direksyon ang aking paningin.

"Olyang!"

"Wala akong problema!" Usal ko. Sinalubong ko ang kaniyang mga tingin at nakita ko ang nagpipigil na inis sa kaniyang mukha.

"Pakiusap Kurio, huwag na nating balikan iyong nangyari kagabi. Ayos lang ako" Marahan niyang binitiwan ang aking kamay.

"May maayos bang namumugto ang mga mata?" Matabang na wika niya. "Pwede ba Olyang, hindi ka marunong magsinungaling kaya sana maging totoo ka sa nararamdaman mo ngayon" Napayuko ako. Maging totoo...

Sinubukan ko naman pero...

"Kung iiyak ba ako sa harapan mo ay magbabago ang lahat?" Hindi siya nagsalita. Kita mo na, alam naman niya ang sagot. Ang magagawa ko na lamang ngayon ay ang kalimutan ang nararamdaman ko para kay Francisco at maging isang kaibigan.

"Hindi ko alam kung saan napunta ang Olyang na kilala ko bilang isang matapang at matalino. Ang naiwan kasi ngayon sa harapan ko ay ang kaluluwa niyang mahina ang utak"

"Anong sinabi mo?!" Nagpantig ang tainga ko sa narinig kaya inis ko siyang hinarap upang suntukin ang kaniyang mukha ngunit ang hindi ko inaasahan ay ang pag-angat niya ng kaniyang kanang kamay upang pigilan ang aking kamao at paggamit niya ang kaniyang kaliwang kamay upang kunin ang ulo ko at isinandal sa kaniyang dibdib.

"Oo, hindi mababago ang lahat kapag umiyak ka sa harapan ko pero... nagbabakasakali akong gumaan ang iyong loob kung hindi mo pipigilan ang sakit na lumabas" Lubusan ang aking pagkabigla sa mga salitang lumabas sa bibig ni Kurio. Tila isa iyong mahika na nakapagpalabas ng aking mga luha na akala ko'y naubos na kagabi.

"K-Kurio... wala pa akong tulog sa kaiiyak k-kagabi" Sumisigok kong sabi. Sa sobrang sakit na aking nadarama ay iyon na lamang ang kaya kong sabihin. Naramdaman ko naman ang malalim niyang paghinga.

"Alam ko. Huwag kang mag-alala sa lakas ng hikbi mo ay hindi rin ako nakatulog"

"Huwag kang mag-alala huli na ito. Hindi na ako makakasagabal sa tulog mo" Kahit papaano ay napagaan ng yakap ni Kurio ang aking loob. Hindi ako natulog kagabi sapagkat inaakala kong mauubos lahat ng masasakit na emosyon at luha kapag iniyak ko iyon buong magdamag.

Nagkamali ako.

Pero malaki ang nabawas ng aking pag-iyak sa sakit na nananahan dito sa puso ko. At ngayon pakiramdam ko ay mas kaya ko nang harapin at kausapin sina Francisco at Maria na hindi parang baliw na iiwas ng tingin.

1876Where stories live. Discover now