Ikaapatnapu't-tatlo

346 22 0
                                    

Ikaapatnapu't-tatlo

Ipinagdaop ko ang aking mga palad at mariing pumikit at taimtim na nagdasal. Kay bigat ng aking kalooban, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.

"Binibining Isabelle, huwag ka nang umiyak" Rinig kong sabi ni Ginoong Isaac. Hindi ko namalayan na humihikbi na pala ako.

"N-Ngunit... ang aking ina..." Muli ay napahagulgol ako. Hindi ko kakayanin kung mawawala ang aking ina. Ngayon ay nasa bingit na siya ng kamatayan dahil sa kaniyang karamdaman na matagal na niyang iniinda. Lahat na ng tanyag at magagaling na doktor sa buong bayan ay ipinatawag ni ama ngunit ni isa sa kanila ay wala nang nagawa. Ni hindi nila matiyak kung ano nga ba ang sakit ng aking ina.

Tumayo ako at nagmakaawa kay Ginoong Isaac na siyang kanang kamay ng aking ama.

"Pakiusap Ginoong Isaac, hanapin ninyo ang pinakamagaling na manggamot. Kung kinakailangan itong hanapin sa buong bansa at ilustay ang aming kayaman ay ayos lamang. Gumaling lamang ang aking ina" Tila nawawalan na ako ng lakas. Mahal na mahal ko ang aking ina at hindi ko makakayang makita ang aking ama na tila namamatay kung mawala sa kaniyang piling si ina.

"N-Ngunit.. sabi ng mga doktor ay hindi na iyon maluluna---"

"Hindi iyon maaari!" Anong gusto niyang palabasin? Na sumuko na kami?!

"Kung hindi ninyo iyon magagawa, ako ang maghahanap"

"Binibining Isabelle..." Bumaling ako kay James at hinawakan ang kaniyang balikat.

"James, samahan mo ako. Tayo ang maghahanap ng manggagamot"

"Kung mamamatay ang isang tao ay mamamatay ito. Gustuhin niya man o hindi ay hindi mo mababago ang desisyon ni Kamatayan" Malakas akong napasinghap sa aking narinig. Nagpantig ang aking tainga at hinarap ang isang estranghero na naglakad papasok ng aming mansyon.

"Sino ka? At paano ka nakapasok sa lupaing ito?!" Matapang na saad ni James at iniharang ang kaniyang katawan upang ako'y takpan.

"Pilitin mo mang isalba ang isang rosas kung ang mga talulot at dahon nito'y natutupok na ay gumagawa ka lamang ng isang panibagong desisyon na ikakasira ng iyong buhay" Hindi ko magawang makapagsalita sa sinabi ng estranghero at tila napako ang aking paa sa kinatatayuan habang pinagmamasdang siyang lumapit sa akin.

"Kinakausap kita!" Mabilis na kumilos si James upang salubungin ang lalaki ngunit sa isang iglap ay nawala ito. Nanlaki ang aming mga mata. Nasaan na siya?

Ganoon na lamang ang pagkahulog ng aking panga at malakas na pagsinghap noong maramdaman ang hampas ng hangin na tumama sa aking balikat na tila may dumaan. Napalingon ako sa aking likuran at natagpuan ang lalaki na tuloy-tuloy ang paglalakad papasok ng silid ng aking ina.

"Sandali! Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?!" Habol ko sa kaniya ngunit huli na dahil nagawa na niyang makapasok sa loob.

"Sino ka---"

"Komplikasyon sa baga dulot ng butas na nagiging dahilan ng paghirap sa paghinga. Ang kaniyang atay ay tinablahan na rin ng sakit na kumakalat sa kaniyang buong katawan"

"Sinungaling, at paano mo naman nasabi iyan?" Saad ni Ginoong Isaac. Lumapit ako sa estrangero at hinawakan ang dulo ng kaniyang damit.

"Kung isa ka mang manggagamot, pakiusap... pagalingin mo ang aking ina" Desperado na ako. Isang nakabibinging katahimikan ang bumalot sa buong silid ngunit makalipas ang ilang minuto ay tumalikod na ang estranghero upang umalis.

1876Where stories live. Discover now