Ikalabing-lima

448 21 3
                                    

Ikalabing-lima

"Mas makabubuti kung hindi ka muna gagalaw, Olyang" Lihim na yumukom ang aking mga palad dahil sa narinig.

Nakuha niya si Amelia.

Ang Julian na iyon.. sinigurado niyang maganda ang tamang iiwan niya sa akin!

Ngunit kahit sugatan ako ay daplis lang naman ito. Hindi ko ito ikamamatay. Nang matapos ayusin ni Ginang Ana ang aking damit upang takpan ang benda sa aking balikat ay tumayo ako.

"Olyang" Rinig kong babala niya sa akin ngunit hindi ako makapapayag na uupo lang ako rito at panunuoring magdusa ang mga pasyente! Mababaliw ako noon!

"Ginang Ana, pakiusap po patulungin ninyo ako. Hindi ko po kayang manuod lamang rito at maghintay ng sunod na mangyayari" Pagmamakaawa ko sa kaniya. Nauubos na ang oras. Ilang sandali na lang ay magbubukang-liwayway na ngunit hindi pa rin nakababalik sina Francisco mula sa pagkuha ng lunas kay Montejo.

May tiwala akong tutuparin nila ang kanilang ipinangako at habang wala sila at habang may nalalabi pang oras bago sumikat ang araw, tungkulin kong ibigay ang lahat ng aking makakaya upang siguraduhing ligtas ang mga maysakit na mamamayan.

Alam kong matigas ang ulo ko at alam din ni Ginang Ana na mas mabibigyan ng atensyon ang lahat ng maysakit kung dalawa kaming kikilos upang matugunan ang kanilang pangangailangan. At noong tuluyan ko siyang mapapayag ay hindi na ako nagsayang pa ng sandali at agad dinaluhan ang mga mamamayan.

"Olyang" Tawag sa akin ni Ginoong Tomas na siyang ama ng isa sa mga batang nakainom ng lason. Kasalukuyan kong inaasikaso ang kaniyang anak ng tawagin niya ako.

"Ano po iyon?" Kalmado kong tanong. Isa itong paraan upang maiwasan din ang pag-aalala ng mga magulang. Kung matataranta ako dahil hindi pa rin nakababalik sina Kurio ay mas lalo lamang tataas ang tensyon dito sa paaralan.

"Pareho kayo ng iyong ama, nasa dugo niyo na ang taos-pusong pagtulong sa kapwa. Ngunit alam mo kung ano pa ang iyong namana sa kaniya?"

"Ano naman po?" Nananabik na tanong ko. Ngumiti naman siya at nagsalita.

"Ang pagpapakita ng pagiging kalmado ngunit nanginginig ang kamay sa kaba" Napahinto ako sa pagkuha ng temperatura ng kaniyang anak. Itinuro ni Ginoong Tomas ang aking kamay at nang tignan ko ito ay nanginginig nga ito, at doon ko lamang din napagtanto na abot-abot ang aking kaba.

"P-Pasensya na po" Nauutal kong hingi ng dispensa ngunit isang natural at purong ngiti ang isinukli niya sa akin.

"Tulad ng sinabi mo kanina, naniniwala rin kaming maibabalik ng mga kaibigan mo ang lunas. Ang lalaking may pilat sa kaniyang leeg, siya ang pusakal hindi ba? Hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makapaniwala na siya ang inaakala kong mamamaslang noong panahon ng digmaan. Wala na sa kaniyang mga mata ang mata ng isang mabangis na leon"

Hindi ako nakapagsalita sa kaniyang sinabi. Kilala niya si Francisco...

"At habang hindi ka nawawalan ng pag-asa, hindi rin kami nauubusan ng paniniwalang magiging maayos din ang lahat. Huwag kang mag-alala Olyang, babalik sila"

At doon ay napagtanto ko kung para saan ang bigat at takot na nararamdaman ko kanina pa. Nag-aalala ako. At sa sobrang kaba ko ay kahit ipakita ko na kalmado ako ay iba naman ang ipinararating ng mga kamay ko. Hay naku.

Ginugol ko ang aking oras sa pag-aalaga ng mga pasyente upang mawala sa isip ko ang pag-aalala ko sa mga kaibigan kong hindi pa rin bumabalik hanggang ngayon.

Nagtungo ako sa kusina upang ilagay ang mga hugasin ngunit hindi ko maiwasang mapatingin sa bintana. Mas umigting ang kaba sa dibdib ko noong makitang nagsisimula na ang pagbubukang-liwayway.

1876Where stories live. Discover now