Ikaapatnapu't-anim

364 25 0
                                    

Ikaapatnapu't-anim

"Binibining Isabelle"

Huminga ako ng malalim at humarap kay Julian na naghihintay sa akin. May kutob na ako sa kaniyang pagtawag. Malamang sa mga oras na ito ay alam na ni Leandro ang aking ginawa.

"Sinabi mo sa kaniya" Hindi iyon isang tanong. Hindi siya umimik bagkus ay inilahad ang kaniyang kamay sa kabilang direksyon na tila hinihikayat akong sumama sa kaniya.

"Ipinatatawag kayo ni Panginoong Leandro" Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod sa kaniya. Hindi ako natatakot kay Leandro, kailanman ay hindi. Alam kong para sa iba ay mali ang aking pag-ibig sa kaniya ngunit para sa akin ay walang tama o mali sa pag-ibig. Hindi ko siya kayang bitawan.

Huminto kami ni Julian sa tapat ng aking silid at inabot niya ang pinto upang kumatok.

"Panginoon, narito na po si Binibining Isabelle"

"Papasukin mo siya" Binuksan naman ni Julian ang pinto at agad akong pumasok. Nang masiguradong kami na lamang dalawa ang naroroon ay nagsalita na ako.

"Parurusahan mo ba ako dahil sa pagtulong ko sa doktor?" Mahinang tanong ko. Natagpuan ko siyang nakaupo sa gilid ng aking kama at matamang nakatingin sa akin. Pinagmasdan ko ang kaniyang mukha.

At malinaw na hindi niya gusto ang aking ginawa. Ngunit sa isang banda ay wala akong nakikitang galit sa kaniyang mga mata.

"Maupo ka" Tinapik niya ang espasyo sa kaniyang gilid kaya naman walang pagdadalawang isip akong sumunod. Nang makaupo ako ay agad akong sumandal sa kaniyang balikat.

"Patawad" Bulong ko.

"Hanggang kailan ka magiging malambot para sa ating mga kalaban?" Malamig niyang tanong.

"Iyon lamang... ang kaya kong magawa para kay Binibining Olyang" Malungkot kong tugon. Nakarating na sa amin ang balitang narito na sa Ail Veronia si Isagani kasama ang kaniyang mga kaibigan. Ngunit sa kasamaang palad ay nasawi si Binibining Olyang. Naiyukom ko ang aking palad. Kagagawan ito ni Nikolas!

"Walang kasalanan si Nikolas, Isabelle" Bahagya akong nagulat sa pag-usal ni Leandro na tila alam ang tumatakbo sa aking isipan. Unti-unti kong pinakawalan ang pagkakayukom ng aking palad at umalis sa pagkakasandal sa kaniyang balikat.

"Ang mga sagabal ay dapat kaagad na inililigpit"

"Ngunit hindi kailangang pumatay!" Hindi ko napigilan ang pagtaas ng aking tinig. Alam kong wala siyang pakialam sa aking nararamdaman ngunit hindi ko kayang manahimik. Pumantay sa akin ang nagbababala niyang tingin.

"Lahat ng tao ay nakatadhana sa ganoong kapalaran" Hinawakan ko ang kaniyang kamay at nagsalita.

"Hindi, Leandro. Ayaw mong may namamatay. Nagsasalba ka ng buhay, isa kang doktor!" Pagpapaalala ko sa kaniya. Iyon siya, hindi siya isang walang pusong halimaw na nagpapalamon sa kaniyang kagahaman.

Maharas niyang binawi ang kaniyang kamay.

"Patay na ang Leandrong kilala mo"

"Luma man o bago... alin ka man sa mga iyon, mahal kita" Marahan kong saad at banayad na hinaplos ang kaniyang pisngi. Ipinatong niya ang kaniyang noo sa akin at pumikit.

"Ngunit kaya mo akong suwayin?" Ngumiti ako at hinagkan ang kaniyang labi.

"Kung kinakailangan" Tugon ko. Hinawakan niya ang aking kamay na nasa kaniyang pisngi.

"Ikaw lamang ang tanging sumusuway sa aking mga utos"

Tama, batid kong mali ang umasa ngunit ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi niya ako makapawalan.

1876Where stories live. Discover now