Ikatatlumpu't-isa

319 20 0
                                    

Ikatatlumpu't-isa

"HAAA!!"

"MAMATAY KA NA!"

"Bago ka makapunta sa aming pinuno ay dadaan ka muna sa bangkay ko!"

"Huwag!"

Nababalot ng kadiliman ang buong paligid at habang ang maladugo sa pulang kulay ng buwan ay nagbibigay ng liwanag sa mga tumpok ng sariwa at malamig na mga bangkay sa paligid. Kumakalat ang halimuyak ng masangsang na dugo na patuloy na dumadaloy mula sa kanilang mga katawan at lumilikha ng ilog ng katiwalian at kahangalan.

"HETONG SA'YO!" Ni hindi ako nag-abalang pasadahan man lang ng tingin ang nag-iisang natira sa mga sumalakay sa akin at itinarak ang aking katana sa kaniyang pagkatao.

Sa lakas ng pagkakasaksak ay tumalsik sa aking pisngi ang dugong bumulwak mula sa kaniyang dibdib. Binawi ko ang aking espada at nagpatuloy sa aking paglalakad papasok ng bahay.

Mas mabilis, mas maagang matatapos ang gabing ito.

Narito ako upang paslangin ang tiwaling ahente ng pamahalaan na si Pablo Madrigal. Kailangan nang wakasan ang kaniyang kagahaman at pagpapakasasa sa mga salaping kaniyang ninanakaw sa mga mamamayan.

Walang saysay ang kahit na anong luho sa mundo kung hindi naman nito maililigtas ang buhay mo.

Huminto ako sa dulong silid at walang habas na winasak ang pintuang kahoy gamit ang aking espada. Hindi pa man ako nakatutuntong sa loob ay narinig, naramdaman at natukoy ko na kung saan siya nagtatago sa pamamagitan lamang pakikinig sa kaniyang hinahapong hininga.

Nagpatuloy ako sa paglalakad at sinipa ang mesa kung saan siya naroroon at tama nga ako. Sa likod noo'y tila isang bubwit na pilit nagtatago ang aking hinahanap.

"A-Ahh! Huwag kang lalapit!" Ipinilig ko sa kanan ang aking ulo at saka siya tinignan ng may pangmamaliit. Tila isa siyang asong nauulol at hindi magkamayaw sa kaniyang kinalalagyan.

"Maawa ka sa akin!"

Maawa...

"Matagal ko nang kinalimutan ang salitang iyon" Nag-uumapaw sa lamig kong saad at walang pagdadalawang isip na winakasan ang kaniyang buhay.

Pinagmasdan ko ang katawan niyang nalulunod na sa sariling dugo.

Ang mga katulad nila ay hindi kinaaawaan.

"Ah!" Marahas akong napabaling sa aking likuran nang marinig ang pagsinghap na iyon. Hindi ako kaagad nakahuma at saglit na natigilan nang matagpuan ang isang babae na nanlalaki ang mga mata at hindi makapaniwala sa nakita.

Napahigpit ang aking pagkakahawak sa aking katana.

Nakita niya ako...

Anong gagawin ko? Kailangan ko ba siyang patayin?

"H-Huwag po! Isa lamang akong maninilbihan dito! Pakiusap!" Napansin ko ang panginginig ng kaniyang mga tuhod. Napatiim ako ng aking bagang. Wala akong pakialam.

Hindi ko man gustong gawin ito ngunit hindi ko siya maaaring palayain. Magsusuplong siya sa mga may kapangyarihan.

Wala akong magagawa kung hindi ang idamay siya.

Handa na akong bawian siya ng buhay ngunit bago pa man bumaon sa kaniya ang espada ay nawalan na siya ng malay sa aking mga kamay.

At ang simoy ng malansang hangin ay nahaluan ng halimuyak ng isang bulaklak. Amoy ng bulaklak na Lily.

1876Donde viven las historias. Descúbrelo ahora