Ikadalawampu't-apat

398 21 0
                                    

Ikadalawampu't-apat

Hindi ko mapigilan ang aking pangingimi at panaka-nakang sumusulyap kay Francisco na kasalukuyang nagsisibak ng kahoy. Nakagat ko ang aking labi, bukod sa masakit ang ulo ko ay wala na akong maalala sa nangyari kagabi.

Malabo sa aking balintataw ang mga memoryang aking naaalala buhat nang ako'y uminom ng alak.

At kahit hindi ko lubusang matandaan ang nangyari, pakiramdam ko ay may kakaiba akong ginawa.

Simula kaninang umaga ay napapansin ko na ang pag-iwas sa akin ni Francisco at pakiramdam ko'y mas lalong sumikip ang paligid noong umalis si Antonio para umuwi sa bahay ng kaniyang lola. At ito, kaming dalawa lamang ang natira sa paaralan.

Napabuntong hininga ako at tumikhim. Malamig ang pakikitungo ni Francisco sa akin at ayokong matapos ang araw na ito na hindi ko siya nakakausap.

"F-Francisco" Napatigil naman siya sa kaniyang ginagawa ngunit hindi niya ako pinasadahan ng tingin. May kung anong kumirot sa aking puso.

ANO BA OLYANG?! ANO BA KASI ANG GINAWA KO KAGABI NA IKINAGALIT NIYA?

"May problema ba? Napansin ko kasi ang pag-iwas mo sa akin simula pa kaninang umaga" Lumunok ako bago magpatuloy. "May nagawa ba akong mali?"

Binitiwan niya ang hawak na palakol at tumalikod patungo sa kabilang direksyon.

"Kailangan ko nang magluto ng ating hapunan. Pasensya na, marami akong ginagawa"

"Pero---" Nang pumasok siya sa loob ay dali-dali ko siyang sinundan.

"Tutulungan kita, wala naman akong ginagawa" Hindi ko sinasadyang magkalapit ang aming mga braso at tila nakuryente si Francisco at lumayo sa akin. Hindi ko maiwasang mapaisip. Ganoon ba kasama ang aking ginawa kagabi at pati sa simpleng pagkadikit ko sa kaniya ay ilag na ilag siya?

"Francisco!" Tawag ko sa kaniya. Nahinto kami sa paglalakad sa pasilyo ng paaralan. Unti-unti na ring lumulubog ang araw sa kanlurang bahagi ng mundo. Naglakas-loob na ako. Gusto kong malaman kung ano ba ang ikinasama ng loob niya.

"Sabihin mo sa akin ang aking maling nagawa, ilang piraso ng butil ng memorya lamang ang tanging natira sa aking isip kaya hindi ko malaman kung ano ang iyong ikinagalit. Pakiusap, kausapin mo ako" Nang salubungin ko ang kaniyang mga mata ay ganoon na lamang ang aking pagkadismaya.

Nakakunot ang kaniyang mga kilay at malalamig ang titig na binibitiwan.

Bakit siya ganito? Bakit hindi siya magsalita? Para akong tanga dito na tila kumakausap sa hangin!

"Bakit hindi ka nagsasalita? Ayaw mo bang magkaayos tayo?! Kung ayaw mong sabihin sa akin ay kay Benvolio ako magtatanong!" Bulyaw ko sa kaniya. Nag-uumpisa na akong mainis. Sigurado naman akong alam ni Benvolio ang nangyari kagabi kaya sa kaniya na lamang ako tutungo.

Nakakainis ka, Francisco!

Tumalikod ako at akmang hahakbang na nang bigla siyang magsalita.

"Hindi mo kailangang magpunta kay Juan upang tanungin ang nangyari kagabi!" Namilog ang aking mga mata. T-Teka... nananaginip ba ako? T-Totoo bang sinigawan ako ni Francisco?

"Hindi mo ba talaga naaalala o ayaw mong maalala?" Lumingon ako sa kaniya. Ano bang ibig niyang sabihin?

"Pinipilit kong alalahanin ngunit hindi mo ako tinutulungan!" Gusto kong bawiin ang aking sinabi nang makitang nagsimulang humakbang si Francisco palapit sa akin. Mapanganib ang kaniyang mga mata ngunit kalmado ang kaniyang hitsura.

1876Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon