Ikalima

1.1K 41 2
                                    

Ikalima

"Natunton ko na siya, pinuno."

Gumuhit ang ngisi sa aking labi at ininom ang alak na nasa aking kopita.

"Magaling."

Natunton na rin kita.

"Kurio, alam mo na ang gagawin mo."

=====

"Heto at naghanda ako ng pakwan. Sana magustuhan niyo!" Inilapag ko ang plato ng pakwan na aking nabili sa bayan. Katatapos lamang namin linisin ang buong bahay kaya't heto kami ngayon nagpapahinga.

"Iyan ba ang malaking pakwan na nabili mo, Olyang?" Sabik na sabi ni Antonio.

"Oo. Nabili ko ito sa isang matandang lalaki kanina. Bukod kasi sa malaki ay napakamura lang nito." Paliwanag ko habang nilalantakan na ni Antonio ang pakwan. Pinitik ko ang noo niya.

"Iyan ka na naman eh!" Bulyaw niya sakin.

"Maghugas ka muna ng iyong kamay! Lagi na lang kitang sinasabihan." Bawi ko. Pumasok naman ng kusina si Francisco.

"Binibining Olivia, tapos ko nang isampay ang mga damit. May ipapagawa ka pa ba?" Tanong nito sakin. Umiling naman ako.

"Wala na, halika rito't saluhan mo kami." Yaya ko sa kaniya. Lumapit naman siya at umupo sa aming harapan.

"Mukhang masarap ang pakwan na nabili mo, Binibining Olivia." Ani niya habang pinagmamasdan ang matingkad na kulay pula at berde ng prutas.

"Oo nga pala, Francisco. Aalis pala ako. Pinadadaan kasi ako ni Ginang Ana sa kabilang bayan upang tulungan siya." Usal ko habang inilalagay ang mga plato at kubyertos sa lalagyan nito.

"Sasama ako!" Nangibabaw naman ang boses ni Antonio.

"Huwag na, kaya ko na iyon. Isa pa habang wala ako si Francisco muna ang magtuturo sa iyo. Hindi naman ako gagabihin kaya makakapagluto pa ako ng hapunan." Humarap ako sa kanila. Ayon kasi sa sinabi ni Ginang Ana, pumakabilang bayan siya upang makipagkita sa kaniyang kaibigan doon. Nagpresinta akong tumulong sa pagdala ng mga ibibigay ng kaniyang kaibigan at para na rin sunduin siya. Noong una'y si Francisco sana ang tatanungin ko ngunit naisip kong baka hindi niya pa kabisado ang pasikot-sikot kaya't huwag na lamang.

"Babalik din ako kaagad. Magpakasaya kayoo!" Isinuot ko na ang aking sandalyas at nagtungo na sa pinto.

"Teka, ngayon ka kaagad aalis?" Takhang tanong ni Fracisco.

"Hehe kanina ko pa dapat sasabihin kaso nakalimutan ko. Sige alis na ako!" Muling paalam ko at tumakbo na palabas ng bahay.

Isa itong magandang araw para maglakad-lakad!

=====

Mataman kong pinagmasdan ang isang binibining naglalakad mag-isa sa gilid ng daan. Nakasuot ito ng kamisetang itim at pulang saya at nakatali ng asul na laso ang kaniyang mahabang buhok.

Siya nga.

Pinagmasdan ko ang bahay na kaniyang nilabasan. Dito pa rin pala siya nakatira ha? Matapos ang ilang taon ay muli kong nakita ang maliit na paaralang ito.

Kumurba ang isang matalim na ngisi sa aking labi at muling nagtago sa punong tumatakip sa akin.

Olivia Crisostomo...

Nagtagpo tayong muli.

=====

"Teniente, anong balita sa bandidong aking pinaiimbestigahan?" Ipinilig ko ang aking ulo sa kanan at isinandal ang aking pisngi sa kanan kong kamay habang nakikinig sa ibinabalita sa akin ni Teniente Guerrero.

1876Where stories live. Discover now