Ikaapatnapu't-pito

401 22 0
                                    

Ikaapatnapu't-pito

Nakalabi akong hinihimas ang aking noo at napapapikit na lang sa sakit ng pitik sa akin ni Amelia.

"Hindi ganito ang tamang paraan ng pagsalubong" Bulong ko ngunit hinampas niya ang aking ulo. Uwaah!

"Amelia masakit!"

"Kasalanan mo iyon, kahit sino ay pagkakamalan kang masamang tao sa iyong ginawa!" Pangaral niya sa akin. Pareho kaming nakaupo sa aking kama at pinagmamasdan ang madilim na paligid. Kahit na buwan lamang ang tanging ilaw namin ay sapat na iyon upang makita ko ang kaniyang mukha.

Isa pa'y sigurado akong pinamamatyagan ni Leandro maging itong paaralan.

"Ang buong akala namin... wala ka na" Maliit ngunit seryosong tinig ni Amelia. Natigil ang aking kamay sa paghihimas ng aking noo at natahimik.

"Akala ko rin" Tugon ko. "Akala ko'y katapusan ko na noong mga sandaling iyon" Huminga ako ng malalim at nagsimulang isalaysay ang mga pangyayari noong araw na tinangka akong tapusin ni Kulas.

"NIKOLAS HUWAG!"

"Ano bang---UGH!" Tila bumagal ang oras ng umakyat sa aking tadyang ang sakit mula sa sipang iginawad sa akin ni Kulas na naging dahilan ng aking pagkahulog sa sinasakyang kabayo at mabagal na nahulog mula sa mataas na bangin. Tila hindi ako makahinga at nanlalaki ang mga matang pilit na inaabot ng tingin si Maria na patuloy na isinisigaw ang aking pangalan habang naglalandas sa mga mata ang luha.

"OLYAANG!"

At kahit malayo ay malinaw sa aking isipan ang nakakikilabot na ngiti ni Kulas habang binibigkas ang mga katagang...

"Hangad ko ang iyong panghabambuhay na kapayapaan. Hanggang dito na lang, Binibining Olyang..."

Hanggang... dito---

A-Ah!

Nilalamon ako at hinihila ng kamatayan sa kaibuturan ng tubig. T-Tulong...

Nawawalan na ako ng hangin...

Ang pakiramdam na kanina pa pumipintig sa aking dibdib... ang takot na mayroong lilisan...

Ngayo'y malinaw na sa akin ang lahat.

Ako ang siyang magpapaalam...

Fran---cisco...

"OLYAAAANNNGG!!"

Kakila-kilabot ang sigaw na nanggaling kay Maria nang tuluyan akong bumagsak sa katubigan at nilalamon ng dominanteng tubig. Hindi ko magawang igalaw ang aking katawan dahil sa pagkabigla nito sa pagbagsak at sa lalim ng aking kinahulugan ay pumupulupot sa aking binti ang mga halamang baging at pinipigilan ako nito upang makaahon sa tubig.

Napadaing ako sa sakit nang maramdaman ang pagbukas ng aking sugat sa hita na naging dahilan upang lalo akong mawalan ng hangin at makalunok ng tubig.

Pinilit kong alisin ang mga baging ngunit tila lalo lamang silang dumarami sa tuwing sinusubukan ko silang tanggalin. Gulong-gulo na ang aking isipan at hindi na malaman ang gagawin upang makaalis pa dahil kahit anong gawin ko ay tila ginagawa nito ang lahat upang pigilan ako.

At kahit gusto kong lumaban ay bumibigay na ang aking katawan, nawawalan na ako ng lakas at nanlalabo na ang aking paningin.

Gusto kong magpatuloy... ngunit nabalot na ang lahat ng dilim.

-----

"AH!" Habol ko ng hininga na tila galing ako sa isang napakalalim na bangungot. Napahawak ako sa aking ulo at dama ang gaan ng aking buong katawan ngunit kasabay din nito ang pananakit.

1876Where stories live. Discover now