Ikaapatnapu't-isa

337 25 0
                                    

Ikaapatnapu't-isa

"Francisco..." Tanging bulong na lamang ang namutawi sa aking tinig nang makita siyang palapit habang nakatungo. Sinundan niya si Olyang ngunit ni anino ni Olyang ay wala akong matanaw. Hindi ko makita ang mukha ni Francisco at wala akong lakas upang lapitan siya.

Napahawak na lamang ako sa aking puso nang ako ay kaniyang lagpasan at tuluyang pumasok sa loob ng bahay. Agad ko siyang nilingon ngunit natigilan ako nang makita siyang pinupulot ang nabasag na palayok na mayroong lamang pagkain.

Dala iyon kanina ni Olyang.

"M-Marumi na iyan---" Balak ko siyang pigilan ngunit huli na sapagkat sinimulan na niya itong kainin. Tila nilukot ang aking puso dahil kahit malayo siya sa akin at hindi lubusang nakikita ang ekspresyon ng kaniyang mga mata ay nasilayan ko ang mapait niyang pagngiti at kasabay niyon ay ang pagtulo ng kaniyang luha.

Hindi ko na kinaya at tahimik na lumabas ng bahay habang walang tigil na dumadaloy ang aking mga luha mula sa aking mata.

Francisco...

Ang sakit...

Hindi ko na alam kung saan ako dinala ng aking mga paa at natagpuan na lamang ang aking sarili sa gitna ng kakahuyan at humahagulgol.

Bakit ba hinintay ko pang mangyari ito? Bakit ba hindi ko na tinigilan hanggang maaga pa? Bakit mas pinili kong maging masaya at ipilit na maging masaya kaysa isaalang-alang ang nadarama niya?

Bakit wala na ako sa kaniyang mga mata?

Alam ko na... na matagal na akong nakabaon sa puso niya. Na mananatili na lamang akong isang malungkot na alaala. Na parte na lamang ako ng madilim niyang nakaraan.

Mariin kong nakagat ang aking labi. Hindi ko malaman kung ako ba ang may kasalanan sapagkat muli kong ginulo ang payapa na niyang mundo... o kasalanan ng tadhana sapagkat una pa lang ay pinaghiwalay na niya kami?

Batid kong iba na siya. Iba na ang Franciscong bumalik sa akin. Ibang tao na ang Isaganing aking nayakap nang matagpuan ko siya sa harap ng isang puntod.

Gusto kong ipagmalaki na ako ang rason kung bakit siya nagbago. Na ako ang dahilan kaya muli niyang natagpuan ang liwanag sa kaniyang daraanan. Na ako ang naging insipirasyon niya hanggang ngayon kaya nananatili siyang buhay.

Gusto kong ipagsigawan sa buong mundo na pag-aari ko siya...

Na akin siya...

Na mahal ko siya...

Kahit malinaw na malinaw pa sa sikat ng araw na matagal na akong nawalan ng karapatan sa kaniya.

At ang totoo'y hindi ako ang nagpabago sa kaniya... kung hindi ang panahon at kaniyang karanasan.

Kay tagal kong naghintay upang muli siyang makasama kahit na naging makasarili ako at hindi ipinaalam sa aking kapatid na si Leandro na ako'y buhay. Alam kong maghihiganti siya ngunit pinili kong ipagsawalang bahala ang lahat at isipin lamang si Francisco.

Sa loob ng limang taon ay inubos ko ang aking panahon sa pag-aakalang babalik siya sa akin. Sa akin at akin lang.

Nakalimutan kong masyado nang mabigat ang lahat ng kaniyang dinadala mula sa nakaraan upang patuloy pang dalhin sa kasalukuyan. Nakalimutan kong marami ang maaaring magbago sa loob ng limang taon. Nakalimutan kong hindi permanente ang lahat at may mga bagong tao na papasok sa buhay niya. Nakalimutan ko siyang palayain.

At nakalimutan kong ibalik ang pagmamahal sa aking sarili.

Ang tanga ko.

Kung sana'y tulad ni Francisco ay inayos ko rin ang aking sarili ay hindi sana ako nasasaktan ng ganito ngayon.

1876Where stories live. Discover now