Ikalabing-dalawa

526 24 2
                                    

Ikalabing-dalawa

"Juan, nakabalik na ako!" Nang-aasar ngunit masayang bati ni Kurio nang pumasok kami sa opisina ni Juan. At ang emperador ay umaktong walang narinig at binalewala lamang si Kurio at pinagpatuloy ang pagbabasa ng mga dokumento.

"Ah! Talagang nagpahanda ka pa ng isang piging para sa aking pagbabalik." Tinapik-tapik nito ang balikat ni Juan. Napanganga ako.

"K-Kurio—" Sinusubok kong pigilan siya pero parang normal lang sa kaniya ang ginagawa niya. Hay ang pinag-aalala ko kasi ay baka parusahan na naman siya ni Juan dahil sa inaakto niya.

Nang mukhang hindi na matiis ni Juan si Kurio ay ibinaba nito ang papel na binabasa niya at masamang tinapunan ng tingin si Kurio.

"Balita?" Diretsong tanong ng emperador.

"Ay! Ano ka ba naman Juan? Hindi mo man lang ba ako kukumustahin? O kung maayos ba ang lagay ko sa bundok?—Sabi ko nga, ito na." Napailing na lang ako. Kahit kailan talaga malakas ang loob ni Kurio. Hindi man lang siya nagbibigay ng pakialam na isang emperador ang kinakausap niya. Inabot muna niya ang isang baso ng alak bago magsalita.

"Mabilis ang taong nasa likod ng pinaiimbistiga mo, Juan. Unang araw pa lang ng pagbalik ko sa gubat ay wala na ang mga trosong naroroon noong mga nakaraang araw samantalang abandonadong pabrika pa rin ang gusaling nakita niyo."

Napaisip ako. Ano kaya ang pakay ng taong iyon? Hindi kaya ginawa lang nilang isang patibong ang mga troso na nagkalat upang walang makatuklas sa gusaling nakita namin?

"Ang mga trosong sinasabi mo ay nakita sa paanan ng bundok, tila naroon iyon upang isuko sa pamahalaan. Isang matandang magsasaka ang nagbalita sa mga pulis ng pangyayari." Ani Juan.

"Ano pa ang nakita mo, Kurio?" Kumagat si Kurio ng mansanas at binigyan ako ng alak.

"Ang gusaling iyon, may kakaiba sa lugar na iyon." Paninimula niya. "Dalawang gabi ako naghintay upang subaybayan ang buong paligid. Isang beses ko lang nakita na may pumasok na dalawang lalaki sa loob, wala silang dala kundi espada ngunit ang mga kilos nila ay kakaiba. Nang makabisado ko ang bawat maaaring lusutan at pasikot-sikot sa paligid ay sinubukan kong pasukin ang gusali." Tumigil siya. Balot na ng tensyon ang paligid at wala sa amin ang umimik dahil sa pag-aabang ng susunod na sasabihin ni Kurio.

"Ang gusaling iyon ay pagawaan ng pinagbabawal na opyo." Lalo akong napaisip sa sinalaysay ni Kurio.

"Kung gayon ay hindi pa rin pala ito natigil." Usal ko. Napasulyap ako kay Juan na malalim ang iniisip at nakayukom ang kamao. Hindi ko siya masisisi kung bakit nakakaramdam siya ng puyos ng galit. Minsan nang naging problema ng bayang ito ang tungkol sa mga opyo ngunit nasolusyunan naman agad ito.

Pero hindi pa rin pala tuluyang nawala.

"Kamahalan," Pumasok si Ginoong Macario kasama si Teniente Guerrero na seryoso ang mukha at may dalang mga papeles.

"Ano iyon, Teniente?" Tanong ng emperador.

"Kamahalan, nag-imbestiga na kami tungkol sa abandonadong gusali. Nakompirma naming isa nga iyong pagawaan ng opyo."

"Hay tiyo huli ka na sa balita. Nasabi ko na." Pinasadahan naman ng matalim na tingin ni Teniente Guerrero si Kurio na nakangisi. Tiyo? Tiyo ni Kurio si Ginoong Guerrero?

Hindi na niya pinansin ang pamangkin at ibinigay sa emperador ang mga papel na hawak niya. Mga larawan at impormasyon ng mga taong maaaring nasa likod nito.

Habang masinsinan naming pinagmamasdan at binabasa ang mga nakasulat at sinisiyasat ang larawan ay napako ang tingin namin ni Juan sa huling larawan.

Base sa impormasyong nakasaad dito, ang kaniyang pangalan ay Ginoong Montejo. Hindi ako pamilyar sa kaniyang mukha ngunit naririnig ko na siya ang pinakaasensadong mangangalakal sa Ail Veronia.

1876Where stories live. Discover now