Ikadalawampu't-isa

468 22 1
                                    

Ikadalawampu't-isa

Pinalobo ko ang aking dalawang pisngi at inusli ang nguso habang naglalakad sa pasilyo ng palasyo. Kagagaling ko lamang sa kusina para kausapin si Ginang Nora.

Ngayon ay alam ko na ang gagawin. Kailangan ko munang kilalanin ng mabuti at obserbahan si Francisco upang malaman kung gusto ko nga ba siya o hindi.

Ngunit sa kabilang banda ay pakiramdam ko para akong siraulo sa naiisip ko. Mukha akong desperado! Lalo akong napanguso at sinamaan ng tingin ang sahig habang patuloy na naglalakad.

Pero dahil hinahamon talaga ako ng Amelia na iyon, edi pagbibigyan ko ang kaniyang gusto!

"Kawawa naman ang sahig."

"Aah!" Napatalon ako sa gulat ng mayroong nagsalita. Nang ibaling ko sa aking gilid ang tingin ay nakita ko si Benvolio na natatawa at napapailing.

"Kamahalan naman eh!" Napahawak ako sa aking dibdib. Kinabahan tuloy ako. "Kanina ka pa ba diyan?" Patuloy ko.

"Simula nang makalabas ka ng kusina." Nanlaki naman ang mga mata ko at tumingin lagpas sa kaniyang malapad na balikat. Teka, malayo na ang kusina mula rito!

Ibig sabihin ay kanina ko pa siya kasabay maglakad?!

"Naku! Pasensya na. Sana ay tinawag mo ako, hindi kita napansin."

Napasobra yata ang aking pag-iisip sa aking gagawin, hindi ko tuloy napansin na katabi ko na pala si Benvolio. Nakakahiya.

"Ayos lang, isa pa kahit hindi ka magsalita basta nariyan ka lang sa aking tabi, kontento na ako."

Napakunot naman ang aking noo.

"Ano iyon?" Tanong ko. Pasimple ko namang pinalo ang kamay ko. Ano ba Olyang? Ang dami ko kasing iniisip eh! Hindi ko tuloy narinig ang sinabi ni Benvolio.

"Wala iyon. Gusto ko lang sabihin na hinahangaan ko ang paraan ng iyong paggabay kay Antonio. Isa kang magaling na guro, Olivia at napakaswerte ni Antonio dahil ikaw ang tagapagsanay niya." Tumiklop ako sa kaniyang sinabi at pakiramdam ko ay umiinit din ang aking mukha. Kahit nahihiya ay ngumiti ako at nagpasalamat.

"Hehe salamat, ngunit maliit lamang na bagay iyon. Masaya rin ako dahil malayo na ang nararating ni Antonio mula sa batang paslit na nakilala ko dati." Nagagalak na sambit ko. Nakagagaan talaga sa pakiramdam kapag mahusay na nagagawa ng iyong mag-aaral ang kaniyang sinumpaang tungkulin.

"Olivia," Napatigil naman ako sa paglalakad at tumingin sa likod. Eh? Bakit huminto si Benvolio sa paglalakad? Akala ko pa naman ay may kausap ako.

"Hmm?" Nang mapadako ang aking mata sa kaniyang mata ay para itong nagsusumigaw. Tila may nais siyang sabihin. Ano naman kaya iyon?

"Iyong sinabi ko noong nakaraang gabi..." Namutawi ang katahimikan sa paligid habang hinihintay ko ang mga susunod na salita na lalabas sa kaniyang labi. Tinangkang ibuka ni Benvolio ang bibig ngunit hindi niya ito itinuloy.

"W-wala." Nakaramdam ako ng pagkabitin sa kaniyang inusal. Anong ibig niyang sabihin?

Napakagat na lamang ako ng labi. Gusto kong malaman ang kaniyang nais iparating ngunit kung ayaw niyang pag-usapan ay ayos lang naman. Sana nga lang ay kung ano man ang gumagambala sa isip niya ay hindi iyon ikabigat ng kaniyang damdamin. Nag-aalala kasi ako sa kaniya. Minsan nga ay iniisip ko paano kung hindi si Benvolio ang emperador Ail Veronia, ano kayang ginagawa niya ngayon?

"Mamayang gabi na ang kasiyahan, gusto ko sana kayong imbitahan."

"Po?" Nabingi naman ako sa kaniyang inusal. Kami? Imbitado? Ngunit bakit? Hindi ko maintindihan, ako at ang aking mga kaibigan ay mga simple lamang mamamayan ng bayang ito. Hindi nababagay ang mga katulad namin sa isang magarbong salu-salo.

1876Where stories live. Discover now