Ikalawa

2.3K 67 4
                                    

Ikalawa

"Haah!"

Isang panibagong araw upang maging produktibo. Ang haring araw ay matanyag na sumisikat sa bahaging silangan at walang anumang bakas ng masamang panahon ang paparating. Patuloy pa rin ang pamumuhay ng mga tao sa Ail Veronia. Isang magandang buhay na pilit pinayayabong upang hindi na bumalik sa malagim na nakaraan. Mulat na ang aming mga mata sa reyalidad. Tama na iyon.

"Panatilihin mo ang iyong balanse, Antonio!" Sigaw ko sa kaniya ng muli niya akong sugurin. Ngayon ay pinag-aaralan namin kung paano gumamit ng depensa upang maprotektahan ang sarili.

Ako si Olivia Crisostomo at ang bahay na ito ang tanging materyal na bagay na ipinamana sa akin ng aking ama at inang namayapa noong panahon ng digmaan. Tungkulin kong ipagpatuloy ang pagpapatakbo ng eskwelahang ito upang hubugin ang mga kabataan. Hindi lamang upang busugin ang kanilang isip sa mga kaalaman kundi para na rin matutong maprotektahan ang sarili kung may masamang mangyayari. Sa aking murang edad ay tinuruan na ako ng aking ama na humawak ng espada, gawa man ito sa kahoy ay alam ko kung paano gumamit nito.

Noong matapos ang digmaan ay ipinagbawal ng bagong pamahalan ang paggamit ng mga tao ng espada at baril dahil maaaring magsimula na naman ito ng panibagong kaguluhan. Tanging ang may kapangyarihana na lamang ngayon ang mayroon nito. Ngunit ang iba ay sadyang mapang-abuso at ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang apihin ang mga walang laban.

"Humanda ka, Olyang! Haa!" Pinaghandaan ko ang kaniyang pag-atake kaya naman nang makalapit siya ay agad kong kinuha ang braso niya at binalibag siya sa sahig.

"Iyon na ba iyon, Antonio? Nasaan na ang pinagmamalaki mong tapang?" Asar ko sa kaniya. Kanina lamang kasi ay pinagmamalaki niyang magaling na siya at lubos na matapang kaya't humilata na lang siya sa labas kanina.

Tinulungan ko siyang tumayo at bahagyang tinapik sa braso.

"Alam mo na ang gagawin mo." Ngumisi ako at inayos ang damit ko na pang-ensayo.

"Hindi ito patas!" Umuusok naman sa inis ang ilong ni Antonio. Hahaha! Paano ay natalo siya sa pustahan namin na kapag manalo ako ay lilinisin niya ang buong bahay ngayong araw.

"Wala akong makitang butas upang maging hindi patas ang pustahan natin, bubwit. Sa bibig mo mismo lumabas na lilinisin mo ang buong bahay kapag natalo ka!"

"Argh! Ulitin natin! Tsumamba ka lang!" Magiliw ko siyang kinawayan.

"Hehehe pagbutihin mo ang paglilinis!" Saka ako umalis upang magtungo sa aking silid upang makapagpalit na ng damit.

Ang batang iyon talaga. Napailing na lamang ako. Si Antonio ay may pagkamayabang ngunit mabait naman siya. Noong una ko siyang nakikila ay nagkabanggaan kami sa kalye dahilan upang mahulog ang mga dala kong gulay. At bago pa man siya makatakbo ay hinawakan ko na ang kaniyang damit dahil napansin ko ang kaniyang hawak na pitaka. Isang pitakang pambabae.

"Bata, ibalik mo na iyan sa taong pinagkuhanan mo."

"Bitiwan mo nga ako! Sa akin itong pitakang ito!"

"Ah... marahil ikaw ay isang binabae, ano?"

"Anong sinabi mo?! Hindi akin ito ano!"

"Edi lumabas din ang totoo! Makakatikim ka sa akin kapag hindi mo iyan binalik!"

"At sino ka naman sa palagay mo ha maton?!"

"Sinong maton?!"

"Ikaw! Kasasabi ko lang!"

Napabuntong hininga ako. Tuwing naaalala ko iyon ay napapailing na lang ako. Dalawang taon na rin mula nang makilala ko si Antonio. Nang maisip niya na mali ang ginagawa niya ay sinauli niya rin iyong pitaka kaya nagpasya akong tanggapin siya upang maging kauna-unahan kong estudyante. Ngayon ay dose anyos na siya ngunit ganoon pa rin ang ugali niya.

1876Donde viven las historias. Descúbrelo ahora