Ikalabing-isa

495 21 1
                                    

Ikalabing-isa

"Ang pangalan ko ay Amelia. Ikinagagalak kong makilala kayo." Yumuko siya bilang tanda ng paggalang at tumunghay na may ngiti sa kaniyang labi.

"Isang kahihiyan ang aking pang-aabala sa inyong palasyo, Kamahalang Salvador. Humihingi po ako ng tawad." Baling niya kay Juan na siyang nakikinig lang.

"Bukas ang aking tahanan sa lahat ng nangangailangan kaya walang anuman." Bahagya akong napalabi at pinasadahan ng tingin sina Olyang at Francisco na nasa magkabilang gilid ko. Tila wala pa sila sa sarili nilang katinuan. Umiikot pa ang mata ni Francisco at si Olyang naman ay hindi maipaliwanag ang mukha.

Kung sabagay, sino ba naman ang hindi magugulat sa ginawa ni Binibining Amelia kay Francisco? Hinalikan lang naman niya ito sa pisngi! At kahit sa pisngi lang ito ay hindi mo maiiwasang magulat. Pati yata si Kamahalang Juan ay napatikhim kanina.

Mukhang kabaliktaran ng gising na Amelia ang tulog niyang sarili.

"Hindi man ito kalugod-lugod sa pandinig ngunit maaari po bang dito muna ako tumuloy kahit ilang araw lamang? Malayo ang bahay ng aking tiyuhin at wala akong salapi kaya kung pwede po sanang manatili muna ako rito hangga't makaipon ako ng pera." Mas naging malambot ang boses ni Binibining Amelia at mukhang totoo naman ang kaniyang sinasabi kaya't napapayag niya ang emperador.

"Kung gusto mo'y ipahahatid na kita sa tahanan ng iyong tiyuhin." Suhestiyon ni Juan ngunit umiling si Amelia at nahihiyang ngumiti.

"Naku, huwag na po. Lubos ko na kayong naabala, Kamahalan. Hayaan niyo po akong magtrabaho upang maging kapalit ng pananatili ko rito."

"Kung iyan ang gusto mo." Kung aking pagmamasdan ay sa palagay ko'y nasa dalawampung taong gulang pa lang si Amelia. Sopistikada lamang ang kaniyang ayos ngunit bakas sa kaniyang magandang mukha ang kabataan.

"Amelia, tama ba? Maaari ko bang matanong kung bakit naroon ka sa kakahuyan kanina?" Napatingin ako kay Olyang na mukhang nakahuma na at taimtim nang nakikinig sa usapan.

"May humahabol lamang sa akin." Simpleng sagot ni Amelia.

"Kilala mo ba sila?" Dugtong na tanong ni Francisco na ngayo'y nakahuma na rin. Tumango naman si Amelia bilang sagot.

"Oo, mga kasamahan ko sila sa aking dating pinagtatrabahuhan. Ayaw nila akong umalis dahil wala nang kapalit na tao ngayong kalakasan ng aming produksyon." Matapos noon ay naghari ang katahimikan. Pansin ko ang kuryosidad sa mga mata nila. Gusto pa nilang magtanong ngunit pinili nilang hindi na magpatuloy.

At ganoon na nga ang nangyari, pansamantalang naninirahan si Amelia sa palasyo at nagtatrabaho bilang isang kasambahay. At si Olyang?

"Hooo! Bakit ganoon? Nasisiraan na yata ako ng bait! Argh!" Iyan lang ang madalas kong marinig sa kaniya at kung tatanungin mo kung ayos lang siya ay sasabihin niyang oo.

Ang gulo niya.

=====

Bakit ganoon? Hindi ko maintindihan. Ako lang ba o talagang iniiwasan ako ni Amelia? Napapraning na siguro ako pero pakiramdam ko'y napakakaunti ng mga salitang sinasabi niya kapag kinakausap ko siya.

O baka ganoon lang talaga siya?

"Binibining Olivia, ang niluluto mo." Bumalik ako sa reyalidad nang marinig si Ginang Nora, ang mayordoma ng palasyo na pumuna sa akin.

"Naku pasensya na po." Hingi ko ng dispensa at pinagpatuloy ang paghahalo ng gata. Gumagawa ako ng merienda para kina Antonio. Ngayong araw kasi ay si Francisco ang nagsilbing kaniyang guro. Pansin ko ang pagbabago kay Antonio sa larangan ng paggamit ng espada. Mas gumagaling siya at napakasaya ko dahil unti-unti na niyang naabot ang pangarap niya.

1876Where stories live. Discover now