Ikaapat

1.1K 57 0
                                    

Ikaapat

"Binibining Olivia, hindi mo man lang ba pipigilan si Antonio?" Tanong ko noong umalis si Antonio ng kaniyang bahay. Mukhang seryoso ang naging asaran nila. Hay...

Umismid naman si Binibining Olivia at kinuha ang timba na kaniyang ibinato kay Antinio.

"Hmp! Pabayaan mo siya." Masungit na sabi niya bago tumalikod at pumasok sa loob ng bahay. Napabuntong hininga ako. Alam kong may dahilan kung bakit niya ito ginawa, sana nga lang ay maayos na agad.

Matapos ang pagpunta namin sa emperador noong nakaraang araw ay pinatuloy ako ni Binibining Olivia sa kaniyang tahanan. Hindi ko magawang tumanggi dahil sabi niya nga'y...

"Isa itong pasasalamat."

At bilang utang na loob ko sa kaniya ay tumutulong ako sa gawaing bahay.

Nagtungo ako sa likod-bahay upang sibakin ang mga kahoy na nakuha ko sa bundok. Ito rin kasi ang aming gagamitin sa pagluto mamaya.

"Siguro ay tama na ang ilang kahoy." Bulong ko sa aking sarili. Kinuha ko na ang aking gagamitin at sinimulang sibakin ito gamit ang palakol. Tirik ang sikat ng araw ngunit maginhawa ang simoy ng hangin na umiikot sa paligid. Abala ako sa pagsisibak ng mga kahoy.

Ang pakiramdam na ito... ang mabigat na palakol ay nagpapaalala sa akin ng bigat ng espadang aking ginagamit noon. Bigat na nagiging lubos na magaan, parang hangin kung ikaw ay masanay na. Bigat na mawawala rin sa bawat butil ng dugo mula sa buhay na kinukuha.

"Hmp!"

"Francisco, nandito ka pala." Ang malamyos na tinig ni Binibining Olivia ang nakakuha ng atensyon ko. Galing ito sa loob at may bitbit na salakot at espadang kahoy.

"Ikaw pala, Binibining Olivia. May pupuntahan ka ba?" Magalang kong tanong. Ngumiti naman siya at masiglang tumango.

"Oo. Maghahanap ako ng mga batang nais maging mag-aaral ko." Sabik na sagot niya.

"A-hehehe," Napakamot na lang ako sa ulo. Mukha ngang seryoso silang dalawa ni Antonio sa kanilang pag-aaway. Para silang mga bata.

"Maiwan muna kita dito, Francisco. Hindi ko rin alam kung anong oras ako makakauwi kaya 'wag mo na akong hintayin." Ibinaba ko ang palakol at tumingin sa kaniya.

"Gusto mo bang samahan kita?"

"Naku, 'wag na! Ikaw na lang ang magluto ng hapunan mamaya. Paalam!" Hindi na ako nakapagsalita dahil bigla na siyang tumakbo sa loob ng bahay. Naiwan akong may ngiti sa labi habang nakatingin sa direksyon na kaniyang pinuntahan.

Ang bahay na ito, kung saan lumaki si Binibining Olivia ay napupuno ng pagmamahal. Iyon ang sigurado ako.

Bawat sulok ng kaniyang tahanan ay nagpaparamdam ng kakaibang atmospera. Pakiramdam na ayaw mong umalis dahil sa binibigay nitong kakaibang ginhawa sa piling mo. Ang mga haligi at pasilyo ng bahay ay unti-unti nang naluluma. Ang mga sahig ay lumalangitngit tuwing natatapakan. Ang paligid ay napupuno ng matatayog na puno at malawak ang bakuran. Ito ay halatang idinesenyo na mayroong silid-aralan at silid-ensayuhan.

Napakagandang pag-aalaga ang ginagawa ni Binibining Olivia sa lugar na ito. Kung sabagay ay ito na lamang ang natira sa kaniya nang mamatay ang kaniyang mga magulang.

"Mabuti pa ay tapusin ko na ito para makapagluto na ako." Mamaya rin ay babalik na si Antonio at sigurado akong gutom siya kaya kailangan ko nang magmadali.

Ngunit sumapit ang kinahapunan ngunit walang dumating na Antonio.

Hay...

"Ilang oras na akong naghihintay dito ngunit wala ni isa sa kanila ang bumalik." Kausap ko sa aking sarili. Ang buong akala ko pa naman ay kapag umalis si Binibining Olivia ay susulpot si Antonio ngunit wala ni anino niya ang nakita ko.

1876Where stories live. Discover now