Ikadalawampu't-tatlo

411 20 1
                                    

Ikadalawampu't-tatlo

"Ahahaha!" Nakakakiliti sa pandinig ang mga malulutong na pagtawa ni Binibining Olivia habang lumulukso-lukso siya sa taas ng punong-kahoy na nakalatag sa gilid ng daanan.

"Francisco ang bagal mong maglakad!"

"Dahan-dahan lang, Binibining Olivia. Baka mahulog ka!" Paalala ko sa kaniya. Ngunit imbis na makinig ay nagpatuloy lamang siya habang hawak ang isang bayong sa kaliwa niyang kamay at ang kinakain niyang prinitong saba sa kanan. Napailing na lamang ako. Matigas din ang ulo niya hahaha.

Tinatahak na namin ang daan pauwi ng paaralan. Sa dami ng aming pinamili ay tila magdaraos ng piging si Binibining Olivia. Ngayon tuloy ay napapaisip ako kung anong okasyon ngayong araw.

Bigla ay napahinto ako sa paglalakad. Hindi kaya kaarawan niya ngayon?! Naku hindi!

Natataranta akong nagpabaling-baling sa magkabilang gilid. Kung kaarawan niya nga ngayon ay wala man lang akong regalo na maibibigay sa kaniya! Kinapa ko ang aking bulsa at bumagsak ang balikat ko noong wala akong makapang salapi roon. Kung mayroon lamang sana ditong maaaring kuhanan ng bagay na maaari kong ibigay kay Binibining Olivia---

"Ah!" Halos mapatalon ako sa saya nang makakita ako ng halaman ng iris sa tabi ng mga ligaw na bulaklak.

Tama! Ito ang kaniyang paboritong bulaklak. Mabilis akong tumakbo sa kabilang daan upang pumitas ng iris habang hindi niya ako nakikita. Napangiti ako. Hindi man ito engrande at magarbo ngunit sana ay magustuhan niya ito.

"Binibining Olivia!" Tawag ko sa kaniya nang makalapit ako sa gilid niya. Huminto naman siya sa paglalakad at lumingon sa akin habang kagat-kagat ang kinakain niyang prinitong saging.

Magiliw kong itinaas ang aking kamay at inabot sa kaniya ang bulaklak ng iris.

"Maligayang kaarawan!" Nakita ko ang panlalaki ng malakape nitong mga mata na tila hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita.

"Pasensya ka na, ito lamang ang maibibigay ko ngayon. Wala na kasi akong natirang salapi rito sa aking bulsa kaya---"

"Huh?" Isang malaking tandang pananong naman ang gumuhit sa kaniyang mukha ngunit 'di kalauna'y isang napakagandang ngiti naman ang kaniyang isinukli. Inabot niya ang bulaklak at pinakatitigan ito ng magiliw.

At para sa akin ay isa itong napakagandang tanawin.

"Maraming salamat Francisco... ngunit hindi ko naman kaarawan ngayon hihihi!" Sa pagkakataong iyon ay ako naman ang napamaang. Hindi? Naku, mali ang hula ko hahaha.

Lumukso naman si Binibining Olivia sa aking unahan at inilahad sa aking harapan ang prinitong saba na kanina ay kinakain niya.

"O."

"Huh?"

"Kagat." Tila nagbuhol-buhol ang aking utak sa sinabi niya. Anong sinasabi ni Binibining Olivia?

"Kumagat ka na lang!" Wala sa loob akong napasunod at ibinuka ang aking bibig upang kumagat sa kaniyang pagkain. Sa totoo lang ay mas takot pa ako kay Binibining Olivia kaysa sa aking mga nakakalaban.

"Masarap diba?"

"Hmm! Masarap nga Binibining Olivia." Sumasang-ayong tugon ko. Matamis ito at tama lang ang pagkahinog. Matapos niyon ay naglakad muli kami. Kahit hindi ko alam kung bakit ako binigyan ni Binibining Olivia nang kinakain niya ay iwinaglit ko na lang ito. Siguro ay narinig niyang nag-aalburoto na ang mga alaga ko sa aking tiyan ehehe.

Bumalik siya sa pagtapak sa puno ng kahoy. Hindi ko na siya sinaway dahil mukhang natutuwa siya sa kaniyang ginagawa.

"Alam mo ba Francisco, nakagawa ako ng isang kaibigan!" Masigla nitong sabi.

1876Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon