Ikaanim

943 36 0
                                    

Ikaanim

"Paalam po Kamahalan. Mag-ingat kayo sa inyong paglalakbay." Sa huling pagkakataon ay itinungo ko ang aking ulo upang magbigay galang bago tuluyang umalis ang sasakyan. Nakangiti akong kumaway sa kanila hanggang sa tuluyang nawala na ang karwahe sa aking paningin.

Hmm...

Dahil napaaga ang aking pagpunta rito ay mag-iikot-ikot muna siguro ako. Matagal na rin akong hindi nakapunta sa lugar na ito.

Masaya kong tinungo ang daan papuntang sentro ng bayan ng Sitio Gabriel. Mabuti pang aliwin ko muna ang aking sarili habang may oras pa. Sa aking paglalakad sa sementadong kalye ng bayan at pagtitingin-tingin sa iba't-ibang bagay na binibenta doon ay hindi mawala sa isip ko ang emperador.

Ang gwapo niya at ang kisig sa malapitan!

Hindi ko mapigilang mapangiti. Iyon ang unang pagkakataon na nakausap ko siya ng ganoong kalapit at ganoong katagal. Masasabi ko talagang mabait siyang tao at punong-puno ng katangian ng isang emperador.

Ngunit napansin kong may kalungkutan sa kaniyang mga mata. Ano kaya ang dahilan noon?

Iniling ko ang aking ulo at nagpasyang lumakad na papunta sa kinaroroonan ni Ginang Ana. Hapon na rin kasi at baka abutin kami ng gabi kung hindi ako magmamadali.

Sa aking paglalakad ay nakaramdam ako nang sumusunod sa akin. Sa totoo lang, bago ko pa makita ang emperador kanina pakiramdam ko ay may sumusunod na sa akin. Hindi ako mangmang, malakas ang pakiramdam ko sa ganoong bagay. Ang maging alerto ay isa sa mga itinuro sa akin ng aking ama.

Mataman kong pinapakiramdaman ang paligid, nagmamasid sa mga gilid ng aking mata ngunit wala akong makita. Hindi kaya guni-guni ko lamang iyon? Dahil—

"Ay! Pasensya na po!" Mabilis kong tinulungang tumayo ang isang matandang lalaki. Ano ba iyan, Olyang! Sa pag-iisip ko ng kung anu-ano ay hindi ko na namalayan na may nasagi na pala ako. Nakakahiya.

"Pasensya na po talaga, hindi po kasi ako nakatingin sa—lolo?" Bakas ang pagkagulat sa aking mukha. Namumukhaan ko siya! Siya iyong matandang lalaki na nagbenta sa akin ng pakwan kanina noong namalengke ako.

"Kayo po pala iyan, lolo. Teka, tulungan ko na po kayo." Kukunin ko sana ang bitbit niyang kahon sa kaniyang balikat ngunit nagsalita siya.

"Huwag na, hija... ngunit kung gusto mo talaga..." Kasabay ng pagkawala ng kaniyang ngiti at pagpapalit ng nakakatakot na ngisi ay may kung sino ang tumakip ng panyo sa aking ilong sanhi ng pagkahilo ko.

At bago ako tuluyang mawalan ng malay ay pilit kong iniisip kung sino ang dumakip sa akin.

T-Tulong...

-----

"Ahahahaha!" Mga boses. Nakaririnig ako ng mga nagtatawanang boses. Boses ng mga lalaking tila nagkakatuwaan sa kanilang ginagawa. Hindi ito kalayuan. Pinakiramdaman ko ang aking sarili. Unti-unti nang bumabalik ang aking ulirat ngunit hindi ko magawang dumilat dahil may telang tumatakip sa aking mata. At ang aking mga kamay ay nakagapos sa aking likuran.

Nasaan ako?

At anong klaseng kalokohan ito? Makalumang-makaluma ang pamamaraan ng pagkuha nila sakin! Diyos ko naman, malaman ko lang kung sinong nag-utos nito, tuturuan ko siya ng tamang pagdadakip.

"Hoy! Sinong nandyan? Pakawalan niyo ako!" Sigaw ko na siyang nakapagpakuha ng kanilang atensyon.

Mula sa aking kinalalagyan ay nakarinig ako ng pag-atras ng upuan at mga yabag papunta sa aking direksyon. Matapos ng ilang saglit ay marahas na tinanggal ng kung sinumang taong iyon ang piring sa aking mata. Naikurap ko ng dalawang beses ang aking mata, hindi ko pa naaayos ang aking sarili dahil sa liwanag na sumalubong sa akin.

1876Where stories live. Discover now