LV: Ang Lihim Ni Inda

34 1 0
                                    

[This is Inda's POV on chapter XLIX: Dilim]

"Mahal na reyna tumawag si Alexis. Nasa labas daw ho si Ariella at kasintahan nitong bampira kasama si Prinsesa Sarina. Nasa impluwensya raw ho ng tableta ang prinsesa at ginagamit nung dalawa upang makapasok dito sa loob ng templo." Nagkuyom ang aking kamao nang sabihin iyon ni Tarin.

Agad akong tumungo sa kulungan ni Filapia. Ginamit nila si Sarina? pwes gagamitin ko ang ina niya. Hindi ako pinanganak para takutin at matakot.

"Kunin niyo ang babaeng 'yan." Agad na kinaladkad ng mga kawal ang kawawang Filapia na halos hinang-hina dahil sa bugbog na inaabot niya araw-araw.

Oo, pinabugbog ko siya. Gusto ko siyang makitang naghihirap. Gusto ko siyang magdusa sa kasalanan niya. Ang ayaw ko sa lahat ay SINUNGALING. Pinagsinungalingan nila ako ni Nana Azon.

Noong magtatalaga na ng bagong reyna, sinabi ni Nana Azon sa pamamagitan ng higanteng perlas na isang Dolatrah ang susunod sa yapak niya at si Filapia iyon. Ngunit wala itong katotohanan! Walang dugong Dolatrah si Filapia. Nalaman ko ito nang gamitin ko ang dugo niya upang mabuksan ang kweba ng lagusan. Hindi ito tumalab, hindi nagbukas ang lagusan. Labis akong nagalit kaya pinabugbog ko si Filapia.

Bakit sinabi ni Nana Azon na may dugong Dolatrah si Filapia kahit wala? Marahil ay upang mapaniwala ang sangkasirenahan na nararapat siyang maging reyna at hindi ako. Alam kasi nila na ako ang pipiliin ng mas nakararami dahil bukod sa kanang-kamay ako ni Nana Azon, nagpakita rin ako ng husay at malasakit sa lahat. Naging vocal ang sangkasirenahan na ako ang nararapat na sumunod sa yapak niya. Napansin siguro ni Nana Azon na marami ang pumapanig at sumusuporta sa akin kaya gumawa siya ng kwento upang malihis ang paniniwala ng mga sirena. Pinalabas niyang may dugong Dolatrah si Filapia. Sa ganung paraan ay makukuha agad ni Filapia ang tiwala ng sangkasirenahan. Makukumbinsi niya ang lahat ng sirena na karapat-dapat siyang maging pinuno. Dahil sa aming paniniwala, kapag ang isang sirena ay may dugong Dolatrah, magiging isang mahusay at matalino itong pinuno.

Ngunit mabuti na lamang ay hindi pa rin sila nagwagi. Sa akin pa rin nagtiwala ang sangkasirenahan at ako ang mas pinili nilang reyna. Kung hindi ko siguro plinanong mapatalsik sa trono si Filapia, baka pinamumunuan kami ng isang alalay, sinungaling at pekeng Dolatrah ngayon.

Nang dahil sa pagsisinungaling nila, nawala ang pagkasabik kong makakaahon na sa wakas si Haring Matambao. Nawala ang katiting kong pag-asa na makakasama ko na siya dito sa lupa! Ngayo'y hindi ko na alam kung kailan at paano ko na mabubuksan ang lagusan. Mahirap nang makahanap ng sirenang may dugong Dolatrah ngayon. Kung meron man ay nagtatago siguro sila sa kailaliman ng karagatan. Hindi sana ako labis na nanghihinayang ngayon kung hindi nagsinungaling si Azon at Filapia!

Dahil wala ng silbi si Filapia, panahon na para mawala na siya sa mundo at gagawin ko iyon sa harap ng anak niya.

"Akala niyo siguro maiisahan niyo ako?" Nakangiti kong wika nang buksan ko ang pinto ng templo. Gulat na gulat si Ariella nang makita niyang hawak ko sa buhok ang kanyang ina habang punong-puno ng sugat ang katawan nito't nakagapos ang kamay at paa.

"Anong ginawa mo sa inay ko?! HAYUP KA!" Hiyaw pa niya.

"Kayo, anong ginawa niyo sa anak ko? Akala niyo 'ba mauuto niyo kami? Akala niyo 'ba hindi kayo naririnig ng guwardya sa pinagbububulong niyo? Lahat ng aming guwardya ay may kapangyarihang makarinig ng kahit anumang bulungan. Biniyayaan sila ng malakas na pandinig upang maayos na makapagmatyag. Kaya iyang pasimple niyong pag-utos sa anak ko, alam na ng kawal na nasa impluwensya siya ng tableta." Nakita kong nagkuyom ang kanyang mga kamao.

"Nararapat lamang iyon sa kanya dahil sa panloloko niya sa amin! Niloko niya kaming lahat! Pero ang inay ko, wala siyang ginawang masama sa inyo para parusahan niyo siya ng ganito! Pakawalan mo ang inay ko dahil kung hindi, hindi mo magugustuhan ang kaya kong gawin!" Pananakot pa niya. Lalo ko lamang hinigpitan ang pagkakahawak sa buhok ni Filapia.

 Blood and WaterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon