I: Ariella

952 35 0
                                    

(Ariella's POV)

9 taon ang nakararaan.

Sa isang kwarto, ako ay nakakulong. Walang anumang bintana at tanging pinto lamang ang nagsisilbi nitong lagusan. May dalawa akong higaan, ang aking kama na aking tinutulugan tuwing gabi, at sa tabi naman nito ay may malaking batya na puno ng tubig na binababaran ko naman tuwing umaga. Kailangan kong mamalagi sa tubig ng lima hanggang pitong oras kada araw upang lumakas ako. Nahihirapan kasi akong huminga kapag hindi sapat ang pagbababad ko sa tubig at nanunuyot din ang lalamunan at buntot ko.

Habang tahimik akong nakababad sa aking batya, nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si tita Noreen, ang mapagmalupit kong tiyahin.

"Hoy halimaw, umiyak ka. Kailangan ko ng malaking pera." Utos niya sa akin. Pipilitin na naman niya akong lumuha.

"P-pero tita, mahina pa ho ako. Wala pa hong isang oras akong nakababad sa tubig." Sagot ko naman sa magalang na tono.

"Wala akong pakialam! Umiyak ka ngayon din kung ayaw mong masaktan." Pagbabanta pa niya. Pinilit kong umiyak ngunit sadyang wala talaga ako sa huwisyong lumuha.

"Tita ayaw talaga." Wika ko. Natakot ako nang bigla niyang kunin ang nakasabit na sinturon sa nakausling pako sa dingding.

"Umiyak ka!"

Malakas niya itong inihampas sa aking braso. May panibago na namang latay sa katawan ko. Halos magsugat na ang mga balat ko sa araw-araw niyang pagmamaltrato sa akin.

"Hindi ka ba talaga iiyak? Gusto mo bang itong bakal ng sinturon ang ihampas ko sa iyo ha?"

Ayaw ko nang masaktan. Ayaw ko nang masugatan kaya pinilit kong umiyak kahit pa ang kapalit nito'y labis na panghihina.

Isang patak, sinalo ni tita Noreen ang luha kong naging kristal. Kuminang pa ito bago dumampi sa kanyang palad. Nakita ko ang tuwa niya nang mahawakan ito.

Pilit ko muling pinaluha ang mga mata ko ngunit wala ng lumalabas. Hindi talaga ako nakakapagpalabas ng luha kapag hindi sapat ang pagbabad ko sa tubig.

"Kulang pa ito, lumuha ka pa bilis." Nakaabang ang kanyang palad sa mukha ko. Pero kahit anong pilit ko wala na talagang lumalabas.

"Tita pagod na po ako, isa lang ho ang kaya ko ngayon.."

"Anong sinabi mo? Pagod?" Bigla niya akong sinampal ng napakalakas na halos mamanhid ang aking pisngi. "Ano nawala na ba ang pagod mo?" Pinanlakihan niya ako ng mata. Gusto kong umiyak dahil sa lakas ng sampal niya ngunit dahil sa sampal niya'y lalo akong nanghina. Wala na akong mailabas kahit katiting man lang na luha.

"Tita hindi ko na ho talaga kaya. Maawa ho kayo.." unti-unti nang sumisingkit ang aking mga mata at dumidilim na rin ang aking paningin. Hudyat ito na labis na akong nanghihina.

Pinalitan niya ang pagkakahawak sa sinturon at nagulat na lang ako nang bigla niyang ihampas ang bakal nito sa mukha ko. Tumama ang bakal nito sa aking kaliwang mata dahilan upang tumilamsik ang maraming dugo at tuluyan na akong nawalan ng malay.

Sampung taong gulang lang ako nang mangyari iyon. Hindi niya ako nadala sa pagamutan dahil makikita ng mga tao ang buntot ko. Sobrang hirap ng pinagdaanan ko noon, ilang araw kong tiniis ang labis na hapdi ng aking mata.

Magmula noon, hindi ko na naimulat ang kaliwa kong mata at tuluyan na itong nabulag. Hindi na rin ito muling nakapagluha pa ng kristal maliban sa kanan kong mata. Labis ang pagsisisi ni tita Noreen dahil nabawasan ng isa ang pinagkukunan niya ng yaman. Dahil doon, tinakot ko siya na tuluyan ko nang bubulagin ang sarili ko kapag minaltrato pa niya ako. Para mapaniwala siyang kaya ko itong gawin, masakit man ay ipinakita ko sa kanya ang pagsundot ko sa aking kanang mata gamit ang hintuturo ko. Natakot siya at nangakong hindi na ako muling sasaktan.

 Blood and WaterWhere stories live. Discover now