XXVI: Vueno

181 11 0
                                    

(Vlad's POV)

"V-vueno? Kilala mo si Vueno?" Tanong ko sa babaeng kasama ni Ariella at Jossa. Sino ba siya? Bakit niya kilala ang matalik kong kaibigan na si Vueno?

"Ang bampirang 'yun lang naman ang pumatay sa ate ko! Kaya ikaw, hindi imposibleng gawin mo rin iyon kay Ariella!" sigaw pa niya. Hindi ako naniniwala sa kanya. Hindi mamamatay tao ang kaibigan ko.

"Mabait na bampira si Vueno. Hindi niya iyon magagawa." wika ko.

Flashback.

Noong kinuha ako ni Lazarus kay mama, ikinulong niya ako sa isang kulungan kasama ang isa pang bata, si Vueno. Anak siya ng kanang-kamay ni Lazarus na si Demetreo.

Mas matanda siya sa akin, 10 taong gulang lamang ako noon at 12 anyos naman siya ngunit sa aming dalawa, ako ang mas matibay ang loob. Wala siyang tigil sa pag-iyak nu'n at takot na takot, rinding-rindi na ang tenga ko dahil sa iyak niya kaya nilapitan ko siya.

"Wag ka nang umiyak.." nakaupo siya sa gilid habang nakatago ang kanyang mukha sa nakahalukipkip niyang mga braso na nakapatong naman sa kanyang mga tuhod. unti-unti kong idinampi ang palad ko sa kanyang balikat. Dahan-dahan niyang iniangat ang tingin sa akin.

"B-bampira ka rin ba?" tanong niya.

"Hindi. Kinuha lang ako ni Lazarus at ikinulong dito. Sabi niya sa ika-18 taong gulang ko pa raw ako magiging bampira." sagot ko.

"Parehas tayo.. bigla akong kinuha ng isang nakakatakot na lalaki sa mama ko. Sabi niya tatay ko siya pero wala akong tatay na bampira!" humagulhol muli siya. Hinagod ko ang kanyang likod.

"Wala na tayong magagawa. Kahit umiyak tayo hindi na nila tayo papakawalan. Kaya tanggap ko na kung magiging bampira man ako. Pero kapag dumating man ang araw na iyon, " Napatigil siya sa pag-iyak at tumingin sa akin.

"Hindi ako tutulad sa kanila. Papatayin ko silang lahat."

Pinunasan niya ang kanyang mga luha at umaktong matapang.

"Ako rin. Papatayin ko sila. Magiging good vampire ako."

Doon nagsimula ang aming pagkakaibigan. Kasa-kasama ko siya sa bawat pagsasanay na ginagawa sa amin. Nangako kami sa isa't isa na kung hindi man namin mapatay ang mga bampira, tatakas kami at pagpaplanuhan ang unti-unting pagpatay sa kanila.

"Kenneth, hihintayin kita. Papatayin pa natin ang mga putang inang yun." wika niya sa akin. Ika-18 kaarawan na niya, ang panahon upang gawin siyang bampira.

"Wag kang mag-alala, dalawang taon na lang, susunod rin ako sayo. Mag-iingat ka Vueno. Ipangako mo sa akin na makakatakas ka at makakaligtas. At kung mangyari man iyon, ipangako mo ring Hindi ka iinom ng dugo ng tao. Tandaan mo, hindi tayo tutulad sa kanila."

"Pangako."

"Vueno, ipinatatawag ka na ng iyong ama. Malapit nang tumapat ang bilog na buwan sa butas ng kweba." wika ng kawal. Nagyakapan kami at tuluyan na siyang lumabas ng kulungan.

"Mag-iingat ka!" hiyaw ko bago siya umalis. Sumaludo lang siya sa akin at ngumiti.

Magmula nang araw na iyon hindi ko na siya nakita. Labis akong natuwa dahil nagwagi siya. Matapos siyang gawing bampira, nagkaroon siya ng pagkakataon upang makatakas. Hiniling ko na lang na sana'y hindi siya mahuli dahil maraming kawal ang lumabas upang hanapin siya. Alam kong magaling siya. Batak na batak iyon sa aming pagsasanay.

Makalipas ang 6 na buwan, isang masamang balita ang nakarating sa akin. Patay na raw si Vueno. Ngunit walang kawal ang nakapatay sa kanya kundi nagpakamatay daw ito. Nagbilad siya sa tirik na tirik na araw dahilan upang unti-unti siyang malusaw.

 Blood and WaterWhere stories live. Discover now