XI: Lakas

302 20 1
                                    

(Vlad's POV)

Ika-10 kaarawan ko noon, kinuha ako ni Lazarus sa nanay ko. Nagkaroon kami ng kasunduan na sasama ako sa kanya basta huwag niyang sasaktan si mama.

Masakit man para sa akin, ako na mismo ang nagdesisyon. Sumama ako sa isang halimaw. Ayaw kong masaktan si mama o mapatay siya nang dahil sa akin kaya mas pinili kong isakripisyo ang sarili ko para sa kanya. Kung talagang tatay ko naman si Lazarus, siguro hindi naman niya ako sasaktan.

Nangako ako kay mama na magkikita pa kaming muli. Na babalik ako kahit maging bampira pa ako. At 'yun ang pinanghahawakan ko.

Dinala ako ni Lazarus sa isang malaking kweba na kung saan naninirahan ang mga bampirang tulad niya. Akala ko gagawin niya agad akong bampira ngunit ikinulong lamang niya ako. Isang kulungan na yari sa bakal at nakakalabas lamang ako sa tuwing mag-eensayo.

Sa ika-18 kaarawan ko, doon raw ako gagawing ganap na bampira at hihirangin bilang prinsipe. Pamumunuan ko raw ang bagong henerasyon ng mga bampira. Araw-araw ay sinasanay nila akong makipaglaban upang sa araw ng paghihirang sa akin ay malakas na ako.

Lingid sa kanilang kaalaman, ang pagsasanay nila sa akin ang tatapos sa kanila. Ginagalingan ko sa pagsasanay hindi upang maging malakas at makisig akong pinuno, kundi upang ubusin at patayin ko silang lahat. Dugo sa dugo, pangil sa pangil. Ako ang tatapos sa henerasyon ng mga bampira. Tutuldukan ko ang kasamaan nila kahit buhay ko pa ang kapalit. 'Yan ang plano ko.

"Vlademo aking anak. Tulog ka na ba?" Nakahiga na ako sa kama nang marinig ko ang boses ng isang demonyo. Si Lazarus. Bumangon ako at umupo.

"Anong kailangan mo?" Tanong ko.

"Handa ka na ba para bukas? ang pinakahihintay na araw ng lahat, ang pagkakaroon ng isang bagong prinsipe." Wika pa niya habang ngingisi-ngisi.

"Oo Lazarus, nasasabik na akong maging bampira." Nginitian ko siya. Nasasabik na akong maging bampira upang mapatay na kita.

"Mukhang gustong-gusto mo na talagang maging bampira anak. Nasasabik ka na bang maging prinsipe?"

"Hindi. Nasasabik ako dahil gusto ko nang makalaya sa rehas na ito. Bakit ba kailangan mo pa akong ikulong? wala ka bang tiwala sa akin? Hindi naman ako tatakas eh." Nakangisi kong wika sa kanya.

"Hindi kita ikinulong d'yan upang hindi ka makatakas, ikinulong kita dahil nasa mundo ka ng mga bampira. Tao ka pa at maraming magtatangkang kagatin ka. Amoy na amoy namin ang halimuyak ng dugo mo." Ngumisi rin siya. Lumapit ako sa rehas at humawak dito.

"Edi papatayin ko sila kung pagtangkaan man nila ako. Para saan pa ang pag-eensayo ko?"

"Enensayo ka namin hindi para patayin ang kapwa mo bampira. Ang pagpatay sa kapwa bampira ay hindi gawain ng isang prinsipe, Vlademo. Nandito tayo upang magparami at palakasin ang hukbo ng mga bampira."

"Tss. Kung patayan ang usapan, hindi rin dapat kayo pumapatay ng tao." Lumapit siya sa akin at hinawakan ang baba ko.

"Vlademo anak, nasa kultura na ng mga bampira ang uminom ng dugo. Kailangan natin 'yun para mabuhay. Hindi ka pa kasi bampira kaya hindi mo pa alam kung paano mauhaw sa dugo. Maiintindihan mo rin yun bukas." Humalakhak siya ng mahina.

"Kapag naging bampira ako, hinding-hindi ako iinom ng dugo." Inalis ko ang kamay niya sa baba ko.

"Tingnan natin bukas kung mapigilan mo, Vlademo."

"Hindi ako si Vlademo. Kenneth ang pangalan ko. Ilang beses ko bang uulitin yun sa'yo?"

"Oh sige papayag akong tawagin kang Kenneth ngayon, ngunit bukas, sa ika-18 kaarawan mo, mabibinyagan ka na bilang si Vlademo at hinding-hindi mo na mababago 'yun, KENNETH."

 Blood and WaterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon