MAMPUPUGOT (TOYG)

7 0 0
                                    

Kilala ang Romblon hindi lang dahil mayaman ito sa marmol kundi pati na rin sa pagkakaroon ng magagandang beaches.

Nagmula ako sa isang bayang sakop nito, ang Corcuera na mas kilala bilang Simara.

Para sa akin ay maihahambing ito sa isang paraiso-- dagat ay kasingbughaw ng mga ulap, malinaw at malinis ang tubig at hindi pahuhuli sa Boracay ang mapuputing buhangin.

Kaya naman isa sa paborito naming gawin noong mga bata pa kami ay ang lumangoy. Walang pinipiling oras at araw basta maibigan.
Talaga namang maaakit ka laging lumusong sa dagat na tila ba laging nag- aanyaya.

Kasama ang mga kapatid, kalaro, kaibigan at kapitbahay, tuwing tanghali ay sabay- sabay kaming tumatakas at doon sa pampang ang aming tagpuan.

Bahala na kung mapalo kami pag- uwi sa kanya- kanyang tahanan basta ang mahalaga ay makalangoy kami at makapagharutan.

Ngunit mayroong panakot sa amin ang mga matatanda-- ang tinatawag nilang 'Mampupugot' na nangunguha daw ng bata lalo na iyong mga katulad naming pasaway.

Kapag daw nakuha kami ay gagawing bihag bago pugutan ng ulo.
Kaya naman kahit anong saya namin at kahit anong sarap ng languyan, sa sandaling makarinig kami ng tunog ng paparating na sasakyang pandagat ay dali- dali kaming aahon lahat.
Halos magtulakan sa pag- uunahang makaakyat sa pampang. At kapag nahuhuli ako noon ay talaga namang napakalakas ng kabog ng aking dibdib.

Hindi ko mapigilang makadama ng labis na takot.
Minsan, sa sobrang pagmamadali pa namin ay may muntik mahulog pero mabuti na lang at naaagapan.

Talagang tumatak sa aming mga murang kaisipan ang tungkol sa 'Mampupugot'.

Kaya tuwing magkakakayayaan kaming lumangoy ay laging alerto at bukas ang tenga upang kung sakaling paparating ang kalaban ay agad naming mapaghandaan.

At iyan ay isa lamang sa mga di ko malilimutang karanasan na parte ng aking kabataan.

Tales Of YGWhere stories live. Discover now