LOLO ETAL 2 ( Misteryo Ng Paraiso)

5 0 0
                                    

Dahil sa mga ikinuwento sa akin ni Lolo Etal na magkahalong nakakamangha at nakakakilabot...hiniling ko sa kanya na ikuwento niya sa akin ang lahat mula sa umpisa. Masayang- masaya ako dahil pinagbigyan niya ako. Kaya naman, nais ko ring ibahagi sa inyo ang istorya ng buhay at mga kakaibang karanasan ni Lolo Etal...

1972
Sitio Sohotton

"Ayon sa libro ng navigator na si Don Miguel Lopez de Loarca, noong 1583 ay tinawag na Isla de Cabras. Ito ay salitang Spanish na ang ibig sabihin ay goats o kambing. May 150 populasyon ang isla na pulos mangangalakal at 150 alagang kambing.

Ang Cabras ay naging San Jose dahil pinalitan ito ng mga Kastila noong 1574. Noong 1621, dumating naman ang mga Augustinyan na Rekoletong Misyonaryo at na-convert ang mga naninirahan dito sa Kristiyanismo.

Muling napalitan ang pangalan ng isla at naging Corcuera na isinunod kay Sebastian Hurtado de Corcuera, isang Español na Governador na namuno sa Pilipinas mula 1635-1644 sa ngalan ni Haring Philip IV ng Espanya. At noong ika-3 ng Pebrero,1931, ginanap ang inagurasyon ng Corcuera bilang maiden municipality."

Itiniklop ng pitong taong gulang na si Eleazar o mas kilala bilang Etal ang binabasang libro tungkol sa kasaysayan at pinagmulan ng isla. Bukas na lamang niya itutuloy ang pagbabasa dahil mayroon siyang nais itanong sa kanyang ama.

Nagpasya siyang puntahan ito sa kusina. Nadatnan niya rin doon ang ina at mga nakatatandang kapatid na naggagayat ng kamoteng kahoy o balinghoy. Ibinibilad iyon para maging Dinardar- isa sa mga kilalang pagkain sa isla. Kapag maganda ang panahon ay aabutin lamang ng 5 araw ang pagpapatuyo nito.

Ang Dinardar ay pwedeng lutuin na nilaga tapos lalagyan ng asukal.. pwede ring ginataan. Iyon na ang pinaka-kanin mula umaga hanggang gabi. Meron din naman na ginagawa itong meryenda. Nakakatikim lang ng bigas ang mga taga-isla galing Mindoro kapag panahon ng ani.

Pero ang purpose talaga ng pagbibilad ng Dinardar ay para bayuhin ito hanggang maging pulbos o bukbok kung tawagin sa isla. Pwede itong lutuin na suman, puto, bibingka at napakarami pang iba.

Iyong iba naman ipinapalit ito ng bigas sa mga taga-Poblacion. Karamihan kasi sa mga nakatira roon ay maykaya sa buhay dahil hindi gaanong bukid ang lugar.

"O bakit gising ka pa, Eleazar?" tanong ng kanyang ama na si Esmeraldo pagkakita sa kanya.

"Hindi pa po ako inaantok, Tang. Katatapos ko lang po magbasa ng libro..."

" Naku, baka lalo kang tumalino niyan, Etal. Oo nga pala, pangarap mo maging abogado." wika ng panganay nila na si Ito at ngumisi.

"Tigilan mo iyang kapatid mo, Juanito. Dapat nga tularan niyo iyang bunso ninyo at kahit bata pa ay napakasipag mag-aral. Hindi katulad ninyo puro kalokohan." wika naman ng kanyang inang si Leona.

Naupo si Etal sa gitna nina Dolfo at Oni. Si Ito naman ay tumahimik ay tahimik na itinuloy ang paggagayat.

"Tang...ayon sa nabasa ko Corcuera po pala ang pangalan ng isla natin. Eh bakit po Simara ang tawag ng lahat?"

Nagkatinginan ang mga magulang niya sa kanyang tanong. Ang mga kapatid naman niya ay pinipigil ang pagtawa.

" Ikaw talaga, Eleazar...napakarami mo palaging pangutana (tanong)..." anang kanyang ama at saglit na tumahimik. Maya-maya ay ngumiti ito sa kanya bago muling nagsalita.

"Bueno, mukhang interesado ka talagang malaman kaya sasabihin ko na. Noong unang panahon, may naligaw na dayuhan dito sa ating isla..doon sa baybayin ng Poblacion..marahil ay isa ring mangangalakal. Nagkataong may isang mangingisda na may dalang sibat noon na siya niyang napagtanungan. Nagtanong ang dayuhan kung anong lugar ito pero dahil iba ang lengguwahe nito, hindi siya naintindihan ng mangingisda. Akala niya ang tinatanong nito ay ang kanyang dala kaya sumagot siya ng "Sima ra". Inakala rin ng dayuhan na iyon ang pangalan ng ating isla. Hanggang sa nakilala na ito bilang Simara. Isa pa, kung titingnan ito mula sa itaas, hugis sima talaga." mahabang paliwanag ni Esmeraldo sa bunsong anak.

Tales Of YGWhere stories live. Discover now